• Walang Nahanap Na Mga Resulta

Fandom, Fangirling, at Stan Culture - Ateneo Journals Online

N/A
N/A
Protected

Academic year: 2023

Share "Fandom, Fangirling, at Stan Culture - Ateneo Journals Online"

Copied!
43
0
0

Buong text

(1)

Fandom, Fangirling, at Stan Culture

Pagkilala sa Kasalukuyang Kultura ng Kabataang Paghanga at Paghahangad sa Loob ng Bansa

Andrea Anne I. Trinidad

ateneodemanilauniversity

Abstrak

Hindi na bago sa madla ang imahen ng isang fan. Subalit, problematikong isipin na ang pagpapahalagang nabubuo ukol sa kanila, partikular na yaong pagtingin sa mga kabataang babaeng taga-hanga, ay nagmumula sa paglalarawang pinalalaganap ng mito at media na palaging nauuwi sa deskripsyong humaling na humaling at isterikal sa puntong nagiging mapaminsala at kahiya-hiya kung kaya’t kinakailangang disiplinahin at bantayan. Sa pagsulong ng internet bilang panibagong espasyong kinalalagakan ang mga kabataang fans at ang kanilang mga praktis, may pangangailangang makapagbigay ng bago at masaklaw na paglalarawan sa mga fans kung saan nakapaloob ang bagong dinamika ng pakikipag-ugnayan at bagong pagtingin sa konsepto ng ‘pagbibigay suporta’ na madalas taliwas sa inaasahan at ipinapataw ng dominanteng industriya.

The images of fans to audiences are nothing new. However, it is problematic to think that the perceptions about them, particularly that of young female fans, emanate from myths and media depictions that describe them as fanatical and hysterical to the point of being destructive, embarrassing, and therefore needing discipline and supervision. As the internet provides new spaces for young fans and their practices, there is a need to give new and comprehensive profile to fans where new dynamics and new ways of looking and ‘showing support’ goes against the expectations and demands required for by the dominant industry.

Mga Panandang Salita: Fans, fandom, fangirling, Stan culture Keywords: Fans, fandom, fangirling, Stan culture

(2)

Si Rizal, Ang mga Noranian at Vilmanian, at si Toni Gonzaga:

Karaniwang Pagtingin sa mga Fans

Hindi na bago sa karamihan sa atin ang konsepto ng pagiging isang fan o taga- hanga. Sa katunayan, bagaman hindi babad ang isang indibidwal sa subkulturang itinuturing na hilig lamang ng iilan—madalas ng mga kababaihang kabataan—

madaling mamalas at matukoy ng isang taga-labas ang mga karaniwang gawaing kinasasangkutan ng mga kalahok nito dulot ng imaheng nililikha at ikinakalat ng mito and media. Lalong napaigting ang pag-unawa ng madla sa konsepto ng fan na nakatali sa kani-kanilang mga iniidolong star o artista noong Dekada 50 kung kailan nagsimulang yumabong ang pelikula sa bansa. Dahil may iilang pelikula din ang nagtampok ng fans bilang tauhan sa naratibo, gaya ng “The Big Broadcast” (Cayado, 1962) at “Bona” (Brocka,1980), nanuot na sa kamalayan ng sambayanan ang paglalarawan ng mga fans bilang mga babaeng humaling na humaling (obsessed) at isterikal tulad ng persona sa kantang “Stan” ni Eminem (2000) na iniaangkop na sa kasalukuyan ng mga fans bilang isang uri ng sariling pagpapangalan. Ang mga nabanggit ay ilan din sa mga katangiang pinatingkad at marahil pinatotohanan ng mga Noranian at Vilmanian noong 1970s na kinikilalang rurok ng kultura ng paghanga sa bansa kung kailan naging hayag ang mga tilian, sagutan, at awayan ng mga fans batay sa mga kuwento-kuwento at sabi-sabi.

Hindi pa rin nalalayo sa ganitong paglalarawan ang mga fans sa kasalukuyan. Bagaman nag-iba na ang tampulan ng paghanga, madalas pa rin itampok ang mga fans bilang grupong palaging dinudumog ang mga opisyal na pagtitipong kinalalahukan ng iniidolo, gumugugol ng sandamakmak na oras para pumila nang matagal at makapasok sa studio kung saan may guesting ang hinahangaan, tinitiis ang gutom at siksikang espasyong nababarikadahan magkaroon lamang ng pagkakataong makamayan, mahawakan at makipag-selfie sa iniidolo, at nagkakandahumayaw na pagtili sa saglit na masulyapan, at kung minsan kahit marinig lamang ang tinig ng mga hinahangaan. Subalit, bilang isang fan na babad sa kikilalaning subkultura, maituturing ang mga ganitong paglalarawang madalas kasangkapan ng mga pandiwang ‘tumitili,’ ‘umiiyak,’

‘humahagulgol,’ ‘tumatakbo,’ at ‘gumagawa ng gulo’ bilang pang-imbabaw lamang na pag-unawa sa mga fans. Na may higit pang pagpapahalagang akma

(3)

sa mga ito bukod sa kung papaano rin isinakarakter ni Toni Gonzaga sa isang patalastas ang tila baliw na tagahangang bigla na lang napasigaw “I love you, Piolo” (Sprite, 2012).

Bagaman naipapakita ng mga nabanggit na halimbawa ang kadalasang gawaing kinalalahukan ng mga fans at napatitingkad ang aspektong nagpapaiba sa praktis na ito, mahalagang maituring din ang pagbabagong dulot ng panahon sa pagsusuri ng mga gawi at pagkilos ng mga fans. Ngayong kasabayan nang umiiral ng tradisyunal ngunit mabuway na pag-iral ng mga fans sa pisikal na espasyo (pagtitipun-tipon sa mga gigs, mall shows, concerts, autograph signing event, fan meet-ups) ang mas matatag na paggigiit ng komunidad ng kanilang sariling espasyo sa social media, partikular na sa Twitter, maaaring makakita ng mga aspektong tutukoy sa subkultura na lampas sa mga nailatag nang pagtanggap lalo pa at iniaalok ng bagong espasyo ang bago ring dinamika ng pakikipag-ugnayan sa pagitan ng fan sa kapwa fans at fan sa kanyang iniidolo, bagong pagtingin sa konsepto ng ‘pagbibigay suporta’ sa karera ng artista o musikerong hinahanggan at bagong gawaing may kinalaman sa kultural na produksyon at paggawa sa loob ng komunidad.

Isa sa mga aspektong kaagad bubungad bago pa man kilatisin ang pagbabagong dulot ng new media sa gawi at praktis ng mga fans sa parehong pisikal at birtuwal na espasyo ang sariling pagpapangalan na iniaangkop ng mga ito upang maipakilala ang sarili bilang subkultura. Kung dati ay sasapat ang katawagang ‘fans’ upang tukuyin ang grupo-grupong tagahanga, mas madalas gamitin sa kasalukuyan, lalo na sa online na mundo, ang mga salitang fangirl na tumutukoy sa indibidwal, fandom na tumutukoy sa kolektibo, at stan bilang katawagang madalas ipalit sa una.

Tumutukoy ang salitang ‘fangirl’ sa isang “female fan, especially one who is obsessive about comics, film, music, or science fiction” (OLD) Hindi naman nalalayo ang depinisiyong mula pa rin sa OLD na nakalaan para sa salitang ‘fandom

bilang “fans of a particular person, team, fictional series, etc. regarded collectively as a community or subculture” na may ginagawang pagpapatingkad sa kolektibong aspekto nito. Mas pinagtitibay naman ni John Fiske ang mga sangkap na inililista ng depinisyon mula sa OLD upang kilalanin ang isang fangirl o fandom. Sa pagsasabing ang ‘fandom’ ay isang “common feature of popular culture in industrial societies that is typically associated with cultural forms that the dominant

(4)

value system denigrates,” naitatanghal ni Fiske sa kaniyang depinisyon ang aspekto ng pagpili mula sa “repertoire of mass-produced and mass-distributed entertainment

na sinasailaliman ng “self-selected fraction of the people” upang makabuo ng kulturang “intesenly pleasurable, intensely signifying that is both similar to, yet significantly different from, the culture of more ‘normal’ popular audiences” (Fiske 2014, 30).

Sa pagpapatingkad ni Fiske ng magkahaliling konsepto ng “selecting

(pagpili) at “reworking” (pagmomodipika) maiaangkla ang mismong pagtatangka ng mga fangirl na bigyang-depinisyon ang sariling subkultura (Ibid). Kung titingnan ang pagpapakahulugang binubuo ng mga fans para sa mga termino gamit ang website na Urban Dictionaries kung saan malaya silang nakapagdaragdag ng sariling depinisyon sa mga salitang madalas na iniaangkop ng subkultura, makikita na may mga depinisyong direktang hinahango mula sa itinuturing na opisyal na kahulugan. Bilang halimbawa, binibigyang kahulugan ang salitang ‘fandom’ bilang “(a.) the community that surrounds a tv show/movie/

book etc. (b.) Fanfiction writers, artists, poets, and cosplayers are all members of that fandom. (c.) Fandoms often consist of message boards, livejournal communities, and people” (Ibid). Kung “selected” ang unang bahagi ng depinisiyon mula sa umiiral nang kahulugan (a), kapansin-pansing naghahain din ang mga fangirl ng depinisyon kung saan ipinalilitaw ang mga pangunahing sitio ng “reworking”

sa lantad man (b) o ekslusibong paraan (c).

Sa antas ng pagbibigay-kahulugan sa subkultura, naigigiit din ng fandom kung papaano naiiba ang signipikasyong mayroon sila kumpara sa “normal popular audiences” na binabanggit din ni Fiske (Ibid). Bagaman iniaangkop ang mga kahulugang madaling maunawaan ng isang taga-labas, abala rin ang fandom sa proseso ng pagbuo ng mga depinisyong sila-sila lang ang nagkakaintindihan dahil sa pamilyaridad na kahingian ng mga ito. Halimbawa, ito ang ilan sa mga depinisyon para sa salitang ‘fandom’ na naglalarawan ng ilang piling sitwasyong nararanasan ng isang fangirl:

1. A cult that will destroy your life

7. A fanbase is a word used to describe the collection of people who mutually enjoy something... An inferno of animated gifs and captioned screengrabs explodes

(5)

outward, engulfing every tumblog in sight. Fangirls screaming and crying everywhere.

All is lost.

11. A life that will eat your heart alive. It will hurt so much, so much but still you›re gonna like it and can›t fucking leave it. Your life depends on it.”

16. A daily and nightly train wreck of feels.

18. Run, run away and never look back.

Sa mga naitalang sariling paglalarawan ng fandom, hindi mahirap mahinuha kung bakit madalas din nilang ginagamit at ininaangkop ang salitang

‘stan’ na ayon sa OLD ay nangangahulugang “an overzealous or obsessive fan of a particular celebrity” (OLD). Alusyon ito sa kanta ni Eminem na sumikat noong 2000 ukol sa “obsessed fan” na nagngangalang Stan na maya’t mayang sumusulat sa hinahangaan nitong si Slim “to the point of insanity” (UD). Sa kasalukuyan, tinatayang maraming fans ang binabansagan ang sarili bilang ‘stan’ nang hindi nalalaman ang negatibong konotasyong pinagmulan nito—marubdob na paghanga ni Stan kay Slim na nauwi sa pagpapatigulog nito ng sasakyang sinasakyan ng mabubuo pa sanang pamilya. Bagaman may ilang paggamit na swak sa umiiral na kahulugan, maluwag nang natatransporma ang ‘stan’ bilang karaniwang salita na madaling ipalit sa salitang ‘fan’ na lumulusaw sa obsessive tendency na orihinal na konotasyon nito.

Kahanga-hanga man sa isang banda kung paano pinanghahawakan ng mga fans ang pagkademokratiko ng social media bilang espasyo, na agarang napatutunayan sa paggigiit ng kanilang sariling pagpapakahulugan sa subkulturang kinabibilangan, lumilitaw pa rin ang karagdagang paglalarawan ni Fiske sa fandom bilang “cultural tastes of subordinated formations of the people, particularly with those disempowered by any combination of gender, age, class and race”

(Fiske 2014, 30) At dahil kultura ng mga kabataang fangirl ang iniuungkat ng sanaysay, mainam na maipakita kung paano inilulugar ng mga nakatalagang institusyon at industriya ang partikular na “girl subculture” na may pangunahing pagsasalang-alang sa kanilang kasarian at edad (McRobbie & Garber 1993, 177).

Kung pagbabatayan ang akda nina McRobbie at Garber, kinikilala ng mga manunulat ang umiiral na likas na pagkapangalawa (“structured secondariness”) ng mga kabataang kababaihan kumpara sa mga kaedad nitong binata. Datapuwat

(6)

pinamumunuan ng kababaihan ang ilang espasyo, tinatayang nakalagak naman ang mga ito bilang komplementaryo at mas nakabababa sa mga dominanteng espasyong kinabibilangan ng kalalakihan. Halimbawa, sa dinamikang mayroon ang pribadong espasyo ng tahanan at pampublikong lugar, mas ‘nababagay’

ang kababaihan sa pumapangalawang arena ng tahanan gaano man niya kakontrolado at kagamay ang pasikut-sikot ng nasabing lugar kumpara sa kalalakihan (Ibid., 179).

Ito ang dahilan kung bakit ang subkulturang “teeny-bopper” na siniyasat sa sanaysay nina McRobbie at Garber at ang hindi nalalayo rito na fangirl culture ay kapwa naluluklok sa espasyo ng tahanan. Dahil pinaniniwalaang kinakailangang bantayan ang mga batang kababaihan at iiwas ang mga ito sa disgrasyang maaaring matamo kung sabay na lulublob sa mapupusok na lugar gaya ng bars at cafes na pinamumugaran ng mga kalalakihan (tulad ng Mods, Teds at Skinheads na subkulturang kasabayang umusbong ng teenyboppers), naghahain ang institusyon, partikular na ang larang ng popular entertainment, ng mga gawain at mapaglilibangang akma sa espasyo ng tahanan. Kung ang teeny-boppers ay may praktis gaya ng paglalagay ng kolorete sa mukha, pangongolekta ng mga rekord at magasin, pagbabasa ng mga romantikong komiks at pakikipagdaldalan sa mga kaibigan sa tuwing magkakaroon ng sleepover (Ibid., 181), napanghahawakan ng espesyo ng internet ang parehong kaayusan sa pagpapahintulot nito sa mga kabataang makisangkot sa mga gawain gaya ng panonood ng mga music video ng iniidolo na madalas naka-upload sa Youtube, pakikinig sa Spotify at iTunes ng singles at albums ng hinahangaan, pagbabasa ng mga online interview magazines, at pagpapatakbo ng mga fan accounts sa Facebook at Twitter kung saan maaari silang makakonekta sa libu- libong fans sa loob at labas ng bansa sa pamamagitan ng group chats habang napoprotektahan pa rin ng estruktura ng tahanan.

Naigigiit din ng dominanteng panlipunang institusyon ang tungkulin nitong bantayan ang kabataang kababaihan sa mga pagkakataong mahihikayat itong lumabas sa espasyo ng tahanan. Dahil bahagi ng subkultura ang panonood ng mga concert, pagdalo sa mga cd signing events, meet and greet, at fan parties na idinaraos sa mga pampublikong lugar, madalas gumamit ang mga institusyon ng mga aparato o taktikang patuloy na susubaybay sa kanila. Ilan lamang dito ang paghahandang lohistikal gaya ng pagtatalaga ng mga enclosed spaces bilang

(7)

lunan ng pagtatanghal gaya ng Mall of Asia Arena, Kia Theater, at Araneta Coliseum. Kung hindi papalaring maupahan ang mga nabanggit, ilulugar ang pagtatanghal sa mga open area gaya ng Mall of Asia Concert Grounds o anumang Open Park ng isang mall na may paninigurong nababarikadahan pa rin ang mga ito.

Bukod sa mga nabanggit, hayag ding nagtatalaga ng mga taong magbabantay sa mga fangirls. Kung isang menor de edad ang inaasahang dumalo, mahigpit na alituntunin ng mga event producer at organizer na samahan ito ng “ticket bearing guardian o chaperone” (smtickets.com). Samantala, kung nasa tamang edad na, nasa pangangalaga pa rin ang mga kabataang kababaihang ito ng mga malalaki at maskuladong bouncers na interesanteng tinatawag na

“kuya” ng mga fans na tila mas lalong nagpapaigting ng paralelismong mayroon ang espasyo ng tahanan at pampublikong espasyo ng konsiyerto. Kasabay nito, hindi rin naman nagkukulang ang mga institusyon sa mga anunsyo at pagpapaalala sa mga kabataang fangirl ng listahan ng nararapat na pagkilos sa pampublikong espasyo na kakatuwang pinangalanan ng Ayala Vertis North bilang “house rules” (2017).

Pumapailalim man ang mga kabataang fangirl sa ganitong uri ng pangangasiwa at pagbabantay upang matiyak na mapangalagaan ang kanilang pagiging bata at babae, hindi pa rin sila ganap na namamatiyagan. Halimbawa, kung nalilimitahan ng internet ang pisikal na paglabas ng kababaihan mula sa kani-kanilang tahanan, nag-aalok pa rin ang espasyo ng mga gawaing

‘pakawala’ na tiyak tututulan ng mga institusyon kung mababatid nila ang mga ito. Ngunit dahil walang kakayahan ang mga tumatayong taga-bantay ng kababaihang kabataan na mausisa ang malawak na saklaw at nilalaman ng internet na marahil dulot ng kakulangan ng kaalaman ukol dito, napababayaan sa isang banda ang mga kababaihang makisali sa komunidad na malayang nakapagmumura dulot ng labis na emosyong nararamdaman at komunidad na maluwag ding napag-uusapan ang iba’t ibang usapin ukol sa sekswalidad na iniuugnay nina McRobbie at Garber sa aspekto ng “fantasization” at “fetishization”

[Lar 1–2] (187).

Mula sa pag-ipaw ng mga kabataang ito sa inihahaing proyekto ng industriya na patuloy pinupulisan ang kamusmusan, kasarian at sekswalidad, susuriin ng papel ang iba pang uri ng pagtutol na kayang igiit ng mga fans. Kung

(8)

gayon, layunin ng papel na maihanay ang fandom na isang komunidad, fangirling na isang gawain, at stan culture na isang kultura bilang sitio kung saan malinaw na nagaganap ang pagkakaroon ng “constant battlefield” na binabanggit ni Hall sa sanaysay niyang “Notes on Deconstructing the Popular” (1981). Dahil nakikita ang subkultura bilang “tereyn ng tunggalian” kung aangkupin naman ang nosyong binubuksan ni Rolando Tolentino (2001) sa kanyang mga akda, mahalagang mailugar ang mga gawain at aspektong pinanghahawakan ng mga fans bilang anyo ng napahihintulutang mobilidad sa loob ng natatakdang hangganan, ayon kay Greenblatt (1995), at kalipunan ng mga taktikang nagpapakita ng sariling

making-do,” ayon naman kay de Certeau (1984).

Pagtatatag ng Komunidad, Paggigiit ng Indibidwalidad Kasabay ng pagiging demokratiko ng internet bilang espasyo ang madaling pagsikat ng mga indibidwal at grupo na mithiing makapagtipon ng mga fans at maging tanyag. Dahil dito, hindi lamang mga artista sa telebisyon o pelikula ang nagkakaroon ng following, kung hindi pati na rin ang mga tinatawag na Youtubers, Vloggers, Viners, at internet sensations na nakakukuha ng atensiyon sa pamamagitan ng pagpapaskil ng sari-sariling nilalaman (o content) sa patikular na medium. Kung nagkalat sa internet ang mga indibidwal at grupong itinuturing nang sikat, dagdag pa ang mga opisyal na musikerong nagiging lunsaran ng sandamakmak na marketing campaigns at strategy ang internet gaya ng pagkakaroon ng email subscription kung saan waring nakatatanggap ang fan ng personal na liham mula sa hinahangaan sa anyo ng newsletters, parami na rin nang parami ang mga fans ang umookupa ng espasyo.

Larawan 1–2. (Sexualhour, 19 Hunyo 2014; Taekookvjk96, 18 Pebrero 2018)

(9)

Dahil halu-halo at labu-labo ang magiging kalakaran kung hahayaan na lang ang basta-bastang pag-iral ng mga iniidolo at fans sa unti-unti nang napupunong espasyo ng internet, nagkakaroon ang karamihan ng pagtatakda ng mga praktis na makabubuo ng sariling komunidad. Kumbaga, nagkakaroon ang mga fans ng paglalatag ng mga gawi at pagkilos na siyang makapaghihiwalay sa kanila sa iba pang fandom. Isang paraan upang masimulan ito ang pagkakaroon ng tiyak na pangalan para sa isang fandom na kadalasang iniaangkop mula sa pangalan ng iniidolo. Halimbawa, ‘Directioners’ ang bansag sa komunidad ng One Direction fans, at ‘Beliebers’ naman ang tawag sa ispesipikong fandom na binubuo ng mga taga-hanga ni Justin Bieber. Sa mga iniidolong hindi madaling paglaruan ang mga panglan, taktika ng mga fans ang dutungan ito ng isang salitang nagpapahiwatig ng pagiging kolektibo gaya ng mga fandom ng Canadian singer na si Shawn Mendes na tinatawag na ‘Mendes Army’ at Beyonce fans na tinatawag namang ‘BeyHive.’ May iilan din namang iniaangkop hindi ang pangalan mismo ng iniidolo kung hindi ang mga kakaibang kinahihiligan o paglalarawan sa mga ito. Halimbawa, ‘Little Monsters’ ang tawag sa Lady Gaga fandom at ‘Hooligans’ naman ang tawag sa fandom ni Bruno Mars. Bagaman ang pagiging komunidad ng fans na tumatawid sa pagiging isang buong pamilya ang kabuuang prinsipyo ng pakikilahok sa fandom, may iilan ding mga fans ang malinaw na iniaangkop ang ganitong aspekto sa nibel ng pagpapangalan gaya ng ‘5SOSfam’ na kinikilalang fandom name ng Australian band na 5 Seconds of Summer, at ‘Vamily’ na tawag naman sa fans ng British band na The Vamps.

Dahil mahalagang maitanghal nang maayos ang mga pangalang nabanggit para sa mga fans, kabilaang puna ang matatanggap ng sinumang magkakamali sa pagbibigay ng establisadong bansag. Halimbawa, ito ang ilan sa mga tweets mula sa Directioners nang bansagan ni MegaStar Sharon Cuneta ang sarili bilang ‘One Directioner’ habang ipinapahayag nito ang personal ding pagkahumaling sa banda noong hurado pa sa palabas na Your Face Sounds Familiar (Tin, 13 Setyembre 2015; Lec, 13 Setyembre 2015).

Batay sa naobserbahan, sinusubukang panindigan ng maraming fandom ang kanina nang nabanggit na prinsipyo ng pagiging isang pamilya. Malakas ang pagkapit hindi lamang ng isang ispesipikong fandom sa mga salitang “we are not a fandom, we are a family” na hayag ipinakakalat sa pamamagitan ng mga fan art na umiinog ang disenyo sa pagsulat ng mismong mga salita at larawang kuha sa

(10)

mga konsiyerto na itinuturing naman nila bilang imahen ng tahanan (o “home”) kung saan sila kabilang o (“belong”) (Yossma, 25 Hunyo 2016; iamsamantha15, 02 Oktubre 2013). Sa konteksto naman ng Directioners, bilang isang fandom na nabuo noong 2010 at kasalukuyan pa ring umiiral, naipapakita ang nosyon ng pagiging pamilya sa direktang pagsasabi ng ilan sa mga fans na hindi lamang nila kasabay lumaki at nag-mature ang hinahangaan kung hindi pati na rin ang “20 milyong kapatid” na nakilala nila sa fandom. Bukod dito bagaman may pahiwatig na tulad ng isang pamilyang minsan nag-aaway at hindi nagkakaunawaan, namumutawi pa rin daw ang pagmamahal at pagsuporta na mayroon sila sa isa’t isa dahil hindi lamang sila napagbubuklod ng tanging paghanga sa iniidolo, ngunit napagsasama-sama ng mga alaala at pinagdaanang nabuo sa sabay-sabay nilang paglaki na mainam na naipaliliwanag ng tweet ni Shay [Lar. 3].

Larawan 3. (Shay, 14 Hulyo 2014)

(11)

Bukod sa tila sentimental na pagpapahalaga, nakikita rin ang paglikha ng isang pamilya sa mapagbiro at mapangaraping pahayag ng ilang mga fans na maging anak o minsan maging magulang ng kanilang mga iniidolo.

Naghahari ang ganitong nosyon sa mga fans ng mga partikular na ships na bahagi ng mas malawak na fandom, ngunit bumubuo ng mas maliit pang samahan sa ilalim nito. Halimbawa, sa loob ng Directioners may nabuo ring grupo ng tinatawag ang sarili bilang mga ‘Larries’ na sumusunod rin sa bisa ng pag-aangkop ng pangalan ng mga iniidolo sapagkat sila ang mga fans na naniniwala sa di-umanong relasyong sa pagitan nina Louis Tomlinson at Harry Styles. Sa mga Larries, hayag ang pagturing sa mga iniidolo hindi bilang mga suhetong nais mapangasawa (kung susundin muli ang konteksto ng pagbuo ng pamilya), kung hindi itinuturing ang mga idolo bilang pares na maaaring maging ‘larrents’ (paglalaro ng salitang parents) sa bisa ng pag-aampon (Issa, 28 Hunyo 2015; Inhaled1D 29 Agosto 2015).

Interesante na sa pagkakatatag ng grupong ito, nag-ugat ang iba pang grupo sa loob ng mas malaking One Direction fandom. Halimbawa, nang mabuo ang Larries, nabuo naman ang pangkat na hindi sumasang-ayon sa pinaniniwalaan ng nauna na binansagan ng mga Larries bilang “antis” kung saan kabilang ang mga “Het stans” (pinaikling bersyon ng salitang heterosexual upang tukuyin ang mga fans na mananatiling fans hanggang straight ang kinikilingang sekswalidad ng mga iniidolo), at mga unang naging taga-hanga ng pares ngunit tumiwalag sa huli na binansagan namang “Houies” o “Ex Larries.” Ipinahihiwatig nito sa gayon ang pagiging mabuway ng mga natatatag na pamilya sa loob ng isang fandom. Kung may iilang tuluyang tinatalikdan ang dinamika ng ganitong relasyon, may iilan namang nag-iiba ang pagturing sa mga iniidolo mula sa pagiging ‘larrents’ ng mga ito tungo sa pagiging ‘sons’

o anak (Kalista, 26 Agosto 2017; Mondesir, 24 Agosto 2017). Samantala, may ilang fans din naman na paiba-iba ang itinuturing na ‘magulang’ batay sa kinalalagyang sitwasyon. Halimbawa, nagkaroon ng pagdadalawang-isip si @LIYAN_M_21 sa kanyang ‘Larrents’ nang i-release ni Justin Bieber ang kanyang “What do You Mean” music video kung saan hinihinalaang ipinakita ang pangalan ni Selena Gomez na gusto niyang ituring na mga bagong magulang (Alex, 6 Setyembre 2015; Liyan, 6 Setyembre 2015).

(12)

Batay sa madalas matunghayang praktis ng mga Filo fans, o kabuuang pagkakakilala sa mga Pilipinong kabahagi ng partikular na fandom, naisasalokal ang pagbuo sa pamilya sa pamamagitan ng paggamit ng mga salitang “ate” o

“kuya” sa kapwa fans na nakatatanda. Sa katunayan, hindi lamang maiuugat ang ganitong pagkilala sa pagbibigay-respeto, ngunit gumagana rin sa pagkakataong kinakailangang magkaroon ng taga-bantay ang mga mas batang miyembro ng fandom sa tuwing magkakaroon ng pagtatanghal ang iniidolo kung saan hinihikayat ng producers at promoters na magkaroon ng chaperone ang mga wala pa sa legal na edad. Dahil pinaiiral ng awtoridad ang ganitong dinamika, may pangangailangan sa isang menor de adad na fan na makipagkaibigan at sumali sa mga GCs (o “Group Chats”) sa pagbabakasakaling makakilala ng mga ate at kuya na mag-aalok sa kaniyang gampanan ang tungkuling maging bantay (Yanansoo, 16 Mayo 2016; Nicky,4 Oktubre 2017).

Kapansin-pansin na itong mga grupong nabubuo online ang sila ring magkakasama sa tuwing may pagdiriwang gaganapin sa labas ng birtuwal na espasyo. Hayag itong detalye sapagkat sila ang magkakasabay na darating, kakain, maghahanda at pipila bago magsimula ang mga konsiyertong dadaluhan na tanging pagkakataon nila upang pisikal na magkakilanlan.

Bukod sa mga gawaing ito, kinahiligan din ng mga grupong tinatawag na squad na may kanya-kanya ring pagkilala sa sarili batay sa pangalan ng GC, ang pagdaraos ng photoshoot na kaagad ipapaskil online. Ilan sa mga squad na ito ang kakikitaan ng pagkapit sa pamilyar na padron ng pamilya. Kadalasang nagtatalaga sila ng ituturing bilang ‘nanay’ na naayon sa pagiging responsable nito—palaging may bitbit na malaking bag puno ng mga tsitsiryang maaaring mapaghati-hatian, toiletries na mahalaga sa maghapong paghihintay at pagpila, payong kung sakaling umulan, at essentials gaya ng mahalagang concert ticket at iba pang concert paraphernalia. Kagulat-gulat din na napaninindigan ng ilang squad ang ganitong kalakaran sa direktang pagtawag ng “nanay” sa partikular na kaibigan. Napaiigting man ng mga squad ang pagtuturingang pampamilya batay sa obserbasyong nabanggit, nagdudulot ang praktis na ito ng pangkat- pangkatang dibisyon sa dapat sanang isang buong fandom. Dahil may kaniya- kaniyang grupo, hindi maiiwasan ang magkainitan at magkaalitan maski ang mga fans ng iisang artista o musikero.

(13)

Bukod sa pagpapaigting sa nosyon ng pamilya sa loob ng isang fandom, patuloy na nabubuo ang komunidad sa paggamit ng wika o ispesipikong mga salitang may bagong kahulugan batay sa kolektibong karanasan. Halimbawa,

‘Kevin’ ang salitang ginagamit ng mga Directioners para tumukoy sa ‘kalapati’

dahil sa ito ang pangalang nabanggit ni Louis Tomlinson sa isang video diary kung saan kanyang inamin ang phobia sa ganitong uri ng ibon (Louis Tomlinson Talks about his Fear of Pigeons (Kevin!?), 2013), ‘carrot’ naman ang tawag sa isang “fake fan” na sobrang lipas na ang ginagawang references para maging

‘in’ sa fandom (haematophilia, 22 Agosto 2017), ‘elk’ na sa tunay na gamit ay tumutukoy sa isang usa ang tawag naman kay Eleanor Calder na pinaniniwalaang

beard’ o ‘pekeng nobya’ ni Louis Tomlinson (EnridCole, 29 Nobyembre 2017), at nagiging ‘chonce’ ang salitang “chance” dahil ito ang pagkakarinig ng ilan sa linyang “we took a chance” na bahagi ng kantang nakatokang kantahin ni Niall Horan na may Irish accent (Strawberry_kiri, 20 Nobyembre 2017).

Samantala, mahilig din ang mga Directioners sa paggamit ng personal na pangalan bilang pandiwa. Simula nang umalis si Zayn sa banda, ginamit na nila ang pangalan nito bilang isang terminong nangangahulugan ng maagang pag-alis o paglayo. Tulad ng kinahinatnan ng ‘Zayn,’ ganito rin ang pag-aangkop na ginawa ng fans sa pangalan ni Danielle Campbell, dating nobya ni Louis Tomlinson, nang tila binura sa nakaraan ng singer ang naging relasyon gayong nakatutok ang kasalukuyang promotion nito sa nobyang si Eleanor [Lar.4–5].

Tulad ng ibang organisasyon, ganap na nabubuo ang fandom sa pakikibahagi ng bawat miyembro sa pangkalahatang aspirasyon. Sa kaso ng mga fans, pare-pareho ang kanilang paghahangad na makaharap, makilala, at maka- selfie ang mga iniidolo. Sa birtwal na espasyo, natatransporma ang ganitong aspirasyon sa konsepto ng “notice” o ang mapansin ng iniidolo ang isang fan sa pamamagitan ng pag-reply, pag-like, at pag-retweet sa mga tweets nito na kaagad namang tinutugunan ng ibang fans ng mensahe ng pagbati. Ibang nibel din katuparan ng ganitong aspirasyon para sa isang fan ang ma-followback ng kanyang iniidolo.

Ngunit dahil nabanggit na rin na libo-libong fans ang umookupa ng espasyo na hayag sa bilang ng followers ng mga sikat na artista (In my eyes, 2017), may pangangailangang iangat ng isang fan ang paraan kung papaano niya ititatanghal ang kanyang fan account upang mapansin ito ng iniidolo at

(14)

hangaan ng kapwa fans. Sa paligsahang ito na maituturing, mahalagang batid at gamay ng mga fans ang sumusunod na salik na nakatutulong sa ‘pagpapaganda’

ng kanilang twitter profile page. Una, mahalaga ang pagpili ng gagamiting ‘@’

o ‘twitter handle’ sapagkat dito maitatanghal ng isang fan ang indibidwalidad habang nakapailalim pa rin sa inaasahan ng komunidad. Halimbawa, tulad ng pagpapangalan ng fandom, kinakailangang may kinalaman sa pangalan ng iniidolo ang pagkakakilanlang aangkupin ng bawat indibidwal na fans. Iba’t ibang klase ng pagkamalikhain ang makikita sa prosesong ito. Habang pinipili ng ilan na gamitin ang kanta ng iniidolo gaya ni @dningtablehs na tumutukoy sa kantang “From the Dining Table” ni Harry Styles na may inisyal na ‘hs,’ at ang iba na nagiging direkta sa pagpapangalan gaya ni @bradmydream, tumatawid naman ang ilan sa mga hyper-sekswal na pagpapangalan gaya nina @larrysexd,

@larrysexoholic, @BALLORGASM, at @ITL0GNIBRADLEY.

Ikalawa, mahalaga rin ang tinatawag na ‘display name’ kung saan maaaring ilakip ng isang fan ang palayaw na maaaring itawag sa kanya ng kapwa fans, at kung magkataon ng iniidolo. Kumpara sa twitter handle, mas malimit palitan ng mga fans ang display name upang maipahiwatig sa kapwa fans ang kasalukuyang sitwasyon o nararamdaman. Halimbawa, sa mga fans na hindi na madalas bumabad sa twitter, dinadagdagan nila ang pangalang naka-display ng mga titik ‘ia’ na nangangahulugang ‘inactive’ katabi ang personal na dahilan nito, dinadagdagan naman ang ilan mga titik na ‘TYSM’ upang magpahiwatig ng pasasalamat sa iniidolo matapos silang mapansin, sikat din sa stan twitter ang mga titik na ‘PCD’ na nangangahulugan ng ‘Post-Concert Depression’ na

Larawan 4–5. (Sb, 27 Nobyembre 2017; Sarah, 30 nobyembre 2017).

(15)

madalas ikinakabit sa pangalan pagkatapos makadalo ng isang pagtatanghal ng iniidolo, nasa anyong pampublikong anunsyo naman ang display name ng iba na maaaring nanghihikayat sa kapwa fans na suportahan ang iniidolo, halimbawa, sa pamamagitan ng pag-stream, hindi rin naman nawawala ang mga fans na ginagamit ang display name upang ipakalat ang sariling adbokasiya gaya nina ‘DEFEND DACA’ at ‘Jo || #ENDViolence’ [Lar 6–11].

Larawan 6–11. Sa iba’t ibang paraan ginagamit ng fangirls ang display name na inaakala ng iba bilang espasyo lamang na pupunan ng pangalan (Marloxtris, 27 Hulyo 2011; Elena, 16 Hunyo 2015; Charl, 20 Hulyo 2014; Literaryhes, 12 Enero 2013; Jo, 08 Enero 2016; Pilipaynes, 04 Mayo, 2015).

(16)

Katulad ng dalawang naunang salik na pinahahalagahan sa pagbuo ng isang twitter profile, sinusuri din bilang teksto ang ‘bio’ o ‘biograph’ na inihahanda ng mga fans. Katulad ng twitter handle na malikhaing binubuo, sa iba’t ibang paraan nagagamit ng fans ang partikular na espasyong ito [Lar. 12–16].

Iba naman ang pagturing sa mga larawang itinatanghal sa twitter account ng isang fan. Layout ang tawag dito na binubuo ng icon, na gumagana tulad ng profile picture sa Facebook at header, na kagaya naman ng cover

Larawan 12–16. Bilang halimbawa, makikita sa bio ni J ang lyrics kantang “Shades”

ng hinahangaang banda na The Vamps (13 Nobyembre 2016). Ginawang talaan naman ni Biebo_Kidrauhl ang kanyang bio ng mga petsa kung kailan nakita nang harapan ang iniidolong si Justin Bieber (18 Setyembre 2017), at iba’t ibang paraan ng pagpapahayag naman ng papuri sa iniidolo ang inilagay nina bradmydream (1 Enero 2011), Vic (8 Hunyo 2017), at LarryingLarry (06 Mayo 2016) sa kani- kanilang mga bio.

(17)

photo. Sa mga fans na babad sa Twitter, mahalaga na akma (match) ang kulay at hitsura ng dalawa. Mahalaga rin na ilaan ang isa o parehong espasyo upang itanghal ang pinakapaborito o pinakabagong larawan ng iniidolo [Lar. 16–18].

Hindi awtomatiko na sa pagkalatatag ng isang fan ng isang twitter account na sumusunod sa mga nabanggit na pamantayan ay kaagad na niyang makakamit ang hangad na mapansin ng kanyang idol sapagkat usapin

Larawan 16–18. Ilan sa mga maituturing na may magandang layout ang account nina Givenchy Fools, 06 Mayo 2016 at SOUDE, 22 Mayo 2016. Dahil mahirap panindigan ang ganitong pagteterno-terno, marami sa mga account sa twitter, ang nagbibigay serbisyo sa kapwa fans sa pamamagitan ng paglikha ng mga ganitong uri ng layout gaya ng grupong nagpapatakbo ng @voguelayout, 11 Hulyo 2015.

(18)

pa rin ito ng suwerte. Sa aking palagay, ito ang dahilan ng pag-iral ng iba pang gawi at gawain sa birtwal na espasyo gaya ng pag-follow at pagiging fan din ng kapwa fans na kinikilalang ‘big accounts’ na nakamit na ang ilan sa kolektibong aspirasyong nabanggit. Nililikha ng ganitong kalakaran ang ilusyong nagkakaroon ang ordinaryong fan ng lunsaran o malapit na access sa mga iniidolo kung makalikha sila ng relasyon sa mga tao sa likod ng mga account na nabanggit. Bukod sa pag-follow sa big accounts, napupunan din ng isang fan ang puwang sa pagitan ng kanyang sarili at idol sa pag-follow sa mga street team at update accounts na nagpapaskil ng tweets ukol sa bawat pagkilos o gawaing kinalalahukan ng iniidolo. May mga update account na pulos tungkol sa opisyal na karera ng iniidolo ang pinapaskil (The Vamps PH, 27 Disyembre 2009; LouisT91Updates, 25 Hunyo 2015), samantalang may iba din namang pinipiling maging isepsipiko at magpaskil ng mga updates ukol halimbawa sa brand ng damit na kasusuot lamang ng artistang hinahangaan gaya ng @ LTfasharchive o Louis Tomlinson Fashion Archive (09 Abril 2016, 2:04).

Gayunpaman, dahil marami din silang taga-sunod katulad ng ‘big accounts,’

dagdag pa sa pagiging malapit nila hindi lamang sa mga iniidolo kung hindi sa malalaking kumpanya at taong sangkot sa opisyal na produksyong nakatuon sa karera ng banda, kapansin-pansin din kung minsan ang pagkakaroon nila ng bentahe (libreng ticket, VIP passes sa mga press conferences, at meet and greets) kumpara sa kapwa fans.

Para sa mas positibong mukha ng iba pang gawi na maaaring ihanay sa nauna nang mga gawaing itinuturing na pampalipas oras ng mga fans sa online na espasyo habang hinihintay matamasa ang sariling bahagi ng kolektibong aspirasyon, maaaring tingnan ang kanilang produktibong kapasidad na nakapaloob sa paglikha ng fan fiction at fan art. Sa hanay ng fan fiction, maaaring ikawing ang mga AU o Alternative universe, blurbs, prompts, at imagines na naglipana sa Twitter. Dahil kadalasang maiikli upang magkasya ang bilang ng salita na itinakda ng espasyo, kakikitaan ang mga ito ng kuwentong iglap na hindi kasing busisi ng makikitang kuwentong nakapaskil sa opisyal na fan fiction (Believe_In_LH, 1 Marso 2018; JCatWorldx, 26 Hunyo 2013).

Gaano pa man kaikli, maaaring basahin na ang mga ganitong likha ay nakatutulong sa saglit na pagkakamit ng hangad na mapalapit sa iniidolo sapagkat sinasadyang sulatin ito na may pagkiling sa mambabasa bilang

(19)

pangunahing karakter na iniibig ng sikat na artista o musikero. Ito ang dahilan kung bakit sa mga ganitong kuwento hindi napapangalanan ang babaeng bida at pinapalitan ng titik ‘y/n’ upang tumutukoy sa ‘your name’ o pangalan ng mambabasang sinasambit at kinakausap kung minsan ng lalaking bidang iniidolo (Harry Vines, 17 Agosto 2016; Lydia, 03 Mayo 2016).

Nalalapit sa mga ganitong imagines ang mga online quizzes na pinagkukuhanan din ng aliw at kilig ng mga fans. Habang inilalatag ang ilan upang maging espasyo muli ng paligsahan kung saan kinakalkula ang kaalaman ng fans gaya ng “QUIZ: GUESS THE SONG – HARRY STYLES EDITION” (Tigerbeat, 2017) at “Are you a True Fan of Harry Styles?” (All the Tests, 2016), marami sa mga pagsusulit na ito ang maihahanay rin sa pagpapantasyang nalilikha ng fan fiction gaya ng pinamagatang “Is Harry Styles Perfect for You” (Pro Profs Quiz Makes), at “Is Harry Styles the Right Guy for You” (All the Tests, 2013). Ngunit babalik-balikan ang detalye ukol sa pagiging demokratiko ng espasyo, kung anu-anong uri na rin ng pagsusulit ang nalilikha online gaya ng mga kakatwang pagsusulit na gaya nito: “Which one of Harry Styles’ Tattoos are you?” (MTV, 2015) at “Which of one Harry Styles’ Shirts are you?” (News Locker, 2015).

Sa ibang fans na may-kaya, ginagastusan ang mga gawaing nagpapahiwatig ng unti-unting pagiging malapit sa iniidolo. Ilang halimbawa ang pagbili ng signed albums, limited edition merchandise at auction items na madalas hindi available sa lokal na tindahan. Sa mga hindi naman kaya makabili ng orihinal, opsyon ang bumili ng mga pinaglumaan at pinagsawaang merchandise ng kapwa fans sa mas murang halaga o hindi kaya naman ang palaging pagsali sa mga paligsahan online na isinasagawa ng street team, radio station, record label at management (Jayne, Nicoette, 24 Nobyembre 2017; MCA Music Inc., 28 Nobyembre 2016).

Umiinog ang ganitong gawi ng pangongolekta hindi lamang ng opisyal na produktong mabibili kung hindi pati na rin sa pangongolekta ng mga pinaggamitan ng iniidolo gaya ng pic ng gitara o drumsticks na madalas ipapamigay ng banda sa wakas ng palabas, tuwalya at bote na ihahagis pagkatapos gamitin, maging ang papel kung saan naka-print ang setlist na pag-aagawan ng fans sa tuwing magiimpake na ng kagamitan sa entablado ang mga trabahador (Greedymcvey, 8 Oktubre 2017; Godsabel, 2 Nobyembre 2015).

(20)

Pinagtuunan man ng pansin sa bahaging ito ang mga gawi, aspekto, pagkilos na nakaambag sa pagbuo ng katangian at pagkakakilanlan ng isang komunidad, kumbaga ang maituturing din na pagkaindibidwal na aspekto ng isang fandom na nagpapaiba sa kanya sa iba pang fandom, maging ang pagigiit ng indibidwalidad ng mga fans datapwat palaging nakikitang kabahagi lamang ng kabuuan, mahalagang mabanggit ang ugnayang mayroon ang kapwa fandom. Bagaman, madalas ang pagkakainitan at pag-aaway sa pagitan ng mga fandoms, na minsan humahantong sa matagalang fan wars, may bakas pa rin ng pag-iral ng kapatiran sa pagitan ng iba’t ibang fandom lalo na sa panahon ng kasawian gaya nang magkaroon ng pag-atake sa konsiyerto ni Ariana Grande sa Manchester (Horton at Shute, 2017).

Larawan 19–20. Binubuo ang fan party na tinaguriang Threenity ng tatlong fandom—One Direction Philippines, The Vamps Philippines at 5 Seconds of Summer Philippines (Gell, 17 Hulyo 2015). Habang hindi pa kumpleto ang lineup ng fandom na dadalo sa Manila Fandomland sa Mayo (AL365TEAM, 6 Nobyembre 2017).

(21)

Sa kontektso ng Pilipinas, mas nagiging hayag ang ganitong pagkakaisa sa taunang pagdiriwang na inihahanda ng mga Philippine Street Teams sa tulong pa rin ng mga sponsors gaya ng Astroplus PH at Seashop PH. Sa mga selebrasyong ito nabibigyang pagkakataon ang mga fans mula sa iba’t ibang fandom ng isang buong araw ng fan party at fan meet-up kung saan makapapanood ng lokal na bandang iimbitahan upang kantahin ang mga sikat na kanta ng mga iniidolo, makabibili ng limitadong uri ng merchandise gaya ng standee, poster, pins at tshirts, magkakaroon ng pagkakataong manalo ng raffle kung saan posibleng makauwi ng opisyal ng produkto ng hinahangaan na hindi madaling mabili sa Pilipinas [Lar. 19–20].

Paghihigpit ng Awtoridad, Pananaig ng Hangad

Dalawang imahen ang sinusubukang bantayan at pangalagaan ng mga fans. Sa unang banda, dahil sila ang grupong itinuturing ang sarili bilang passionate, may pangangailangan na lagi silang nakasuporta sa likod ng iniidolo na tila sinasabing “kami ang bahala sa iyo.” Ito ang dahilan kung bakit lagi silang handang ipagtanggol ang mga ito laban sa mapanghusgang kalakaran ng entertainment industry kung saan likas ang pagbuo ng pampublikong imaheng nakabatay panlasang sa kakagatin ng tao. Bagaman tsismis ang makinaryang nagpapaikot ng karera ng iniidolo, na madalas tinutungo ang layuning maging

household name,’ maraming fans ang tumatanggi sa estratehiyang ito.

Pinakapamilyar na halimbawang nakatanggap ng pagtutol sa mga fans ang uri ng promotion na mayroon si Harry Styles ng One Direction.

Dahil itinuturing na ‘lider’ ng isang boyband, maraming balita at sabi-sabi ang patungkol sa pagiging babaero ni Harry na sinusubukang patunayan sa pamamagitan ng paglalathala ng mga artikulo ukol sa mga sikat na babae, kadalasang model, na kanyang naging nobya. Kasabay ng paanyaya kay Harry na magtanghal para buksan at wakasan Victoria’s Secret Fashion Show noong nakaraang taon, pumutok na naman sa media ang ganitong isyu (McLouglin 2017; Chandra, 2017). Gaya ng inaasahan, hindi nagpatinag ang mga fans sa pagbabahagi ng kanilang saloobin. Tingnan bilang halimbawa ang ilang tweets na ito: “Harry is not a womanizer he is a kind person and I don’t understand why

(22)

the media doesn’t get that!” (1Dfanaccount0, 24 Nobymbre 2017), “harry is empowering girls and he thinks we’re the future and the media should talk about it and not try to create a womanizer image for him” (blaphesmy, 23 Nobyembre 2017), at “Media making Harry a womanier again. Not surprised, but it really hurts how such a pure soul like him is still stuck with that image. It’s so unfair to him” (Daiana, 22 Nobyembre 2017).

Bukod sa kaniya-kaniyang mga pahayag gaya nito na malimit matabunan ng iba pang kasunod na pahayag, marami sa mga fans ang sinusubukan basagin ang ganitong imaheng ipinapalaganap ng media sa pamamagitan ng negatibong pagkilatis sa mga balita sa puntong sisiraan ang kakanyahan at kapasidad ng mga mamamahayag (NextToYouFool, 25 Oktubre 2017). Sa kabilang banda, kung naaayon sa kanilang pamantayan, may iilan din namang artikulo ang tinitingnan nila mula sa positibong lente gaya ng artikulo ni Norwin (2017).

Umiinog sa ganitong pamantayan kung bakit may kinikilingang taga-panayam ang mga fans. Sa tila pagsasalang nagaganap, kasabay ng pag-aangat ng ilang pangalan gaya nina Nick Grimshaw ng BBC Radio 1 at James Corden ng The Late Late Show, naigigiit ng fans ang kolektibong hangad na para sa kanila ay hindi natutugunan ng awtoridad (1D Updates, 1 Disyembre 2013; Sunbeambabe, 21 Mayo 2017).

Bukod sa mga nabanggit, maraming fans din ang nagigiit at nagpapakalat ng mas positibong imahen ng iniidolo sa pamamagitan ng paglikha at pagpapaskil ng fan-made videos na umiikot ang tema sa palagay nilang tunay na katangian nito. Sa pagpapamagat pa lamang ng mga halimbawa, “The Real Harry Styles?,” “The Real Harry Styles VS The Media “Harry Styles,” at “Who is Harry Styles?” kaagad sinusubukang basagin ang imaheng pinakakalat ng media. Sa kabilang banda, hindi lamang ang pag-aangat sa imahen ng iniidolo ang madalas na pinagkakaabalahan ng fans. Kasabay nito, may mga pagkilos din sila na sinusubukang yurakan at isantabi ang tungkulin ng management sa pangangalaga ng karera ng iniidolo na naipahayag sa pamamagitan ng mga gaya nito: “Lol don’t you understand? I’m angry cos the vamps management aren’t promoting our boys enough! They should be worldwide famous, but the management team aren’t even trying anymore” (Samiha, 21 Nobyembre 2017).

Hindi lamang magaling ang mga fans sa pagtatanggol ng mga iniidolo nila. Lagi rin silang handang dumepensa upang pangalagaan ang kabuuang

(23)

imahen ng sariling fandom na para sa media ay grupo pa rin ng mga kabataang kababaihang walang inatupag kung hindi ang maging obsessed sa mga iniidolo. Maraming paraang sinasailaliman ang mga fans upang pasubalian ang ganitong malawak na pagtanggap ukol sa kanila. Habang kuntento ang ilan sa pagpapahayag na nasa pormularyong “hindi na kami bata” (Confessions, 19 Disyembre 2014; Libby, 11 Hunyo 2014), tumatawid ang ilan sa pagpapahayag na sa labas ng kanilang pagiging fangirl, sila ay “fully functioning adult” na may trabaho, asawa at pamilya (Lukrecja, 29 Nobyembre 2017; Cassie, 29 Nobyembre 2017).

Ipinapakita rin ng mga fans na akma sa kanilang edad ang nibel ng pagkahinog ng kanilang pag-iisip at pag-unawa sa daigdig at mga isyung kinahaharap nito. Naging lunsaran ng marami sa kanila ang Twitter upang mapag-aralan at mapag-usapan ang mga napapanahong diskursong patungkol sa lahi, kasarian, at relihiyon [Lar. 21–22]. Mainam rin na ang ganitong nibel ng pagiging malay ay naitatawid ng ilan sa partikular na pagkilos at aksyon na madalas nasa anyo ng charity-based works at crowd-funding na isinasagawa sa mga mahahalagang petsa gaya ng kaarawan ng iniidolo o anibersaryo ng pagkabuo ng banda (1D Fans Give; StylesMovieNews, 22 Nobyembre 2017).

Hindi lamang media ang posisyong nasa awtoridad ang kinakalaban ng mga fans. Batikan din ang mga kabataang ito sa pagtutol sa mga prinsipyong pinanghahawakan ng management at malalaking kumpanyang humahawak sa karera ng iniidolo. Isang aspekto nito ang tusong paglabag ng ilang fans sa

Larawan 21–22. (Annuday, 25 Oktubre 2017; Camilasgrandee, 26 Hulyo 2016).

(24)

kapitalistang pamantayang pinaiiral ng negosyo. Sa pag-aalok ng management ng mga tradisyunal at opisyal na paraan ng pagsuporta na madalas kinasasangkapan ng paggastos at pagkonsumo, nagbubukas ang mga fans ng alternatibong paraan ng pagsuportang lumalabag sa prinsipyo ng kita o profit.

Sa larangan ng musika, nagsisimula ang siklo ng pagpapatanyag sa mga mang-aawit sa pag-release ng album. Sa pamamayagpag ng internet, hindi na lamang nalilimita ang pagbebenta at transaksyon sa mga tindahan o record stores gaya ng Astroplus at Odyssey. Mayroon na rin inihahandang online stores kung saan makabibili ng CD gaya ng Itunes, Apple Music at HP Music. Ngunit dahil halos lahat ng uri ng pamimirata ay posible sa internet, maraming fans ang hindi na nakikiayon sa itinatatag na paraan ng pagbili at pakikinig na hinihikayat ng management. Marami sa kanila ang makakakuha ng sariling kopya sa pamamagitan ng ilegal downloads na malayang ipamumudmod ng ilan sa mga opisyal nang nakabili (Donovan, 2008). Dahil dito, hindi na rin epektibo ang kalakarang sinusunod ng opisyal na negosyong mag-release ng mga karagdagang kanta o bonus tracks na ibebenta sa parehong halaga ng mga albums, sapagkat maging ang mga ito ay madali na ring maipaskil at kumalat online. Halimbawa, nang i-release ng Apple Music ang dokyumentaryo ni Harry Styles na pinamagatang “Behind the Album: The Performances” kumalat sa loob ng fandom ang mga link kung saan maaaring i-download ng mga fans ang naturing palabas (Stylinsmol, Mheng, 19 Nobyembre 2017). Ganito rin ang nangyayari sa mga opisyal na magasing madali na rin ipaskil online gaya ng Another Man issue kung saan kinuhang modelo si Harry Styles (The Daily Styles, 30 Setyembre 2017).

Kadalasang nasusundan ang album ng music video release partikular na ng mga kantang itatampok bilang single. Subalit dahil populated na rin ang esapsyo ng Youtube ng mga fan-made music videos, lyric videos at parody videos, hindi lahat ng atensyon ay napupunta sa panonood ng opisyal na music video na ihahanda ng management. Sa ganitong panahon kapansin-pansin ang pagtatanggal ng tunog mula sa mga video na gawa ng fan dahil sa paglabag nito sa copywright.

Bagaman hindi lahat ng music video ay sinasang-ayunan ng mga fans dahil naiiba ang aspektong hinahangad nilang mapanood, nakatali pa rin ang fandom sa panonood at pagpapakalat ng opisyal bilang bahagi ng kanilang tungkulin

(25)

na paramhin ang views upang mabigyan ng parangal ang mga iniidolo (Tiffany, 2017; Wang, 2017).

Susundan ang birtwal na pakikinig at panonood ng pag-aalok ng management sa mga fans ng pagkakataong makita at makaharap ang mga iniidolo sa ihahanda para dito na concert tours, meet and greets, at mall CD signing na kapwa kinakailangang gastusan din. Gaya ng mga pagtutol na naiigiit ng mga fans sa mga naunang halimbawa, hayag ang tusong pamamaraang sinasandigan upang makita, makasalamuha at makadaupang-palad ng mga fans ang mga iniidolo. Sa ganitong diskurso mainam ipakilala ang mga ‘teams’ na binubuo ng mga fans- team airport na matiyagang naghihintay sa paglapag ng mga hinahangaan sa bansa (Cristobal, 22 Mayo 2017), team hotel na maghihintay at tatambay naman sa hinihinalaang hotel kung saan magchecheck-in ang mga iniidolo (Cristobal, 30 Mayo 2016), team radio/tv station na grupo-grupong fans na makikipagsapalarang bisitahin ang partikular na gusali, at team labas na maghihintay sa labas mismo ng pagdarausang lugar ng pagtatanghal sa pagbabakasakaling dumaan doon maski ang mga vans na sinasakyan ng iniidolo (Cristobal, 19 Marso 2017; Rae, 13 Marso 2015).

Para sa miyembro ng team na mapalad makahaharap ang mga iniidolo nang wala gaanong nagagastos, hayag nilang naipararating ang pagtutol sa negosyong nagkakamal ng pera maidaos lang ang saglit na meet and greet na pagtitibayin ng tila class picture na opisyal na larawang ipapaskil ng nasa awtoridad. Dahil hindi natutugunan ng mga kumpanya ang mga aspektong nais ng mga fans para sa meet and greet event: pahintulutan ang selfie, medyo matagal-tagal na pakikipag-usap sa iniidolo, isa-isa at hindi grupo-grupong pagpapa-picture, marami sa mga fans ang pinipili na lang makipagsapalaran para sa mas magagandang resulta.

Problematikong Dinamika ng Internasyunal at Lokal

Sinubukan mang gawing naka-ugat sa konteksto ng Filipino ang stan culture, fandom at fangirling ang mga naibigay na sitwasyon o halimbawa sa kabuuan ng sanaysay, gawa ng kahinaan (o maaari din namang) kalakasan ng internet at social media kung saan nakalagak ang nasabing subkultura, may mga pagkakataong likas na naging lampas sa Pilipinas ang ilan sa mga halimbawang ginamit. Isa itong patunay na ang nabanggit na subkultura ay maaaring ituring na hindi

(26)

nakaluklok sa pisikal o heograpikal na lugar na matatakdaan, kung hindi isang subkultura na napaka-global, dahil sa hindi pagkakatali ng espasyo ng internet sa teritoryal na hangganan. Implikasyon nito sa gayon ang pagkakapare-pareho ng ilang aspekto ng fangirling na kinahaharap at kinalalahukan ng kabataang fangirl anuman ang kinabibilangang lunang heograpiko.

Maaaring ipagpalagay na ang ganitong kaligiran ay nakapaghahain din sa lokal na mga fans ng karagdagang aspekto ng pagpapantasya. Isang uri ng paghanga na hindi lamang ukol sa pagkakalapit o pagiging matalik sa iniidolo kung hindi na rin ang pagkakalapit sa kontekstong mayroon ang ang mga ito.

Sa madaling sabi, tumutukoy ito sa nosyon ng karanasang banyaga na madalas angkupin mula sa mga mas maunlad nang bansa. Partikular ang ganitong hangad sa kultura ng Kpop fandom kung saan masinop na pinag-aaralan ng mga fans ang mismong wikang ginagamit ng mga iniidolo upang makalikha ng ilusyong mas nalalapit ito sa kanila. Bukod sa wikang Koreano na pinag- aaralan ng Kpop fans, hayag din naman na ang pakikisali sa isang internasyunal na subkultura ang humimok sa ilang fans na matuto din ng Ingles (Marine, 14 Oktubre 2017; Ayinnmirez, 14 Oktubre 2017).

Maliban sa pag-aaral ng wika, maraming lokal na tagahanga ang nagpapahayag din ng kanilang interes sa pagkakaroon ng mga banyagang mutual, na sa bokubularyo ng espasyo ay tumutukoy sa mga kaibigang nakikilala mula rito [Lar. 23–24]. Dagdag dito, malimit din makakita ng mga pahayag kung saan pinapangarap na rin ng isang fan na makarating sa mga

Larawan 23–24. (Renee, 31 Mayo 2017; Rose, 13 Oktubre 2017).

(27)

bansang pinagmulan ng iniidolo upang magkaroon ng mas magandang concert (RiceofBTS, 26 Oktubre 2016; Deenafcb, 27 Pebrero 2013).

Ngunit, hindi pa man nagkakaroon ng resolusyon ang pagpapantasya ng mga lokal na fans, kaagad bumubungad sa kanila ang hadlang upang patotohanan ang mga ito. Hadlang tulad ng kakulangan ng kadalubhasaan sa wikang Ingles na kinahaharap ng ilan sa pagtugon sa wikang Filipino upang himukin ang mga fans na hindi nakaiintindi nito gaya ng ginawa ni Jyla Nicole na nagsabing: “speak in English daw fo… d daw nakakaintindi yang hampaslupa na yan ng tagalog.” (28 Oktubre 2016) Bukod sa wika, hadlang din ang timezones o kaibahan sa oras. Dahil madalas isinasagawa ng iniidolo ang mga gawain gaya ng album relase party, live chat, followparty at iba pang espesyal na pagtatanghal o palabas sa oras na naaayon kung saan sila nakatira o naroroon, malimit ding nagtitiis ang mga Filo fans upang maabutan at makisali sa mga ito (Lou, 26 Abril 2017).

Dahil pamilyar ang mga kumpanya sa ganitong hinaing ng fans, nakikita rin naman ang pag-aalong ginagawa ng mga ito upang paamuhin at makabawi sa mga Filo fans na maituturing bilang pinaka-aktibong base ng fans na maaaring magkaroon ang isang artista. Kadalasang nangyayari ang ganitong panghahalina sa Filo fans sa paghahanda ng mga promotional video kung saan may pagbabanggit ng bansa kasabay ng pagsasabi ng ilang sikat na sikat at gamit na gamit nang “Mabuhay, Philippines!” “Mahal ko kayo” at “Mahal namin kayo!”

(Ball, 4 Oktubre 2017). Nagiging lunsaran din ang mga panayam pang-radio at pantelebisyon upang ipahayag ng mga artista ang pagpapahalaga sa partikular na pangkat ng mga fans lalo na kung nakatuon ang tanong sa kanilang “favourite fan moments” o “unforgettable fan moments” (Benedicto 2015; Santos 2016; Viray 2017).

Kung pahapyaw na tila napalalapit ang mga iniidolo sa Filo fans sa mga ganitong pagkakataon, binibigyang pansin din ng kani-kanilang management ang pagbasag ng mga pisikal na hangganan sa tuwing maisisingit ang Pilipinas sa world tour kung saan gagamiting marketing strategy ang paghahanda ng mga promotional material na may kinalaman sa kultura ng bansa. Halimbawa, kumalat sa print at social media ang patalastas ng “On the Road Again Tour (OTRA) Manila” ng One Direction kung saan makikita na suot-suot ng limang miyembro nito ang Pilipinas jersey na natutulad sa jersey na isinuot ng Gilas

(28)

Pilipinas [Lar. 25–26]. Ginamit naman ng bandang 5 Seconds of Summer sa pagpapakalat ng materyal para sa “Sounds Live, Feels Live” tour sa bansa ang larawan ng dyip sa kabuuang estetikang iniangkop din sa iba pang bansa sa Asya at Europa [Lar. 27].

Larawan 25–26. Bukod sa One Direction na piniling maglabas ng iba’t ibang larawan habang suot-suot ang jersey ng bawat koponang representante ng bawat bansang bibisitahin (Co, 2015) nag-abala rin ang miyembro ng bandang The Vamps na magsuot ng Pilipinas jersey nang unang magtanghal sa bansa noong Pebrero 2015 (PEP).

Larawan 27. Apropriyasyon ng mga kultura ng iba’t ibang bansa para sa concert tour ng bandang 5 Seconds of Summer (Sounds Live Feels Life).

(29)

Mayroon din namang estratehiya ang mga banda at indibidwal na artista sa tuwing lalapag sa bansa na makapagpapaigting ng layuning mapalapit ang sarili sa mga fans. Marami sa kanila ang kaagad magpapaskil ng mensahe na sumusunod sa padron ng kung papaano ito ipinahayag ng mga nauna sa kanila. Ilan sa mga pormularyong tweets ang makikita sa ganitong anyo: “hi from manila x” (LANY, 5 Abril 2018), “Manila, can’t wait for the shows.

Looking Forward to seeing you there. All the love (Styles, 20 Marso 2015) at “Magandang gabi Philippines it’s lovely to be back” (Ball, 4 Oktubre 2017) na mga uri ng pahayag na babanggitin muli nang live sa mismong araw ng pagtatanghal. At dahil ito ang bahagi na inaasahan ngunit inaabangan pa rin ng mga fans, kapansin-pansing mas nabubuhayan ang una nang hindi magkandahumayaw na mga manonood.

Sa huli, datapwat may tila mekanikal na pag-aalong ginagawa ang management, artista o banda upang matawid ang guwang pisikal, maging kultural, kapansin-pansing hindi pa rin ito sapat upang magsunud-sunuran muli ang mga fans at makuntento sa kung ano ang inihahain sa kanila. At muli, naigigiit ito, partikular na ng mga Filo fans, sa pamamagitan ng malikhaing pagpapantasyang nakalilikha ng imagines at naratibong nakatuon hindi lamang sa paghahangad na makalapit sa iniidolo, kung hindi ang pagnanais na ang iniidolo naman ang siyang lumapit sa kulturang kinalakhan at kinasanayan (Pradastyling, 25 Marso 2015; Kalum5SOS_, 2 Abril 2016; Imkccabello, 26 Oktubre 2016; Gatpolintan, 29 Abril 2017). Sa ganitong pagpapantasya, kasabay pa ng kolektibong pagpapa-trend ng mga hashtags na may kaugnayan dito, naipapalam ng mga fans sa management ang ilang alternatibong paraan upang mas maingatan ang fan base at maipagpatuloy ang pag-aangat ng mga karera ng artista, naipakikilala ang ilang mahahalagang aspekto ng ating kultura na malimit nagagawa ng mga kanluraning fans na tila nagsasaad ng kakulangan ng pagkaka-ugat ng mga ito sa sari-sariling kultura, at nagpapakita ng hindi matapos-tapos unawain at paglimi-limihang kapangyarihan ng mga kabataang bumubuo ng Filo fandom.

(30)

Subkultura Bilang “Tereyn ng Tunggalian”

Sa pinakaliteral na pagtanggap, tunay na “tereyn ng tunggalian” ang fandom, fangirling, at stanning bilang isang subkultura. Sa ganitong espasyo ng paghanga hindi talaga maiiwasan ang pagbabangayan, pagkakainisan, at kung minsan pagkakapisikalan ang mga fans na may kanya-kanyang hilig, panlasa at sinusuportahang artista. Ito ang dahilan kung bakit may pangangailangang buuin ng bawat fandom ang mga aspektong magpapakomunidad sa kanilang komunidad. Subalit sa loob ng tila kolektibo at pampamilyang kaligirang nililikha ng mga fandom, may pangangailangan din mula sa mga miyembro nito na makipagsabayan at makipagkumpitensya sa iba pang miyembo dulot ng paghahangad na matanggap ang kakarampot na bahagi ng atensyong maaaring maibigay ng iniidolo na maikakawing pa rin nang bahagya sa isyu ng uri at higit sa nosyon ng suwerte at pagiging maabilidad.

Bagaman kapalaran lang ang tiyak na maaaring kilalaning dahilan sa likod ng pagkakakamit ng ilang fans ng hinahangad at ninanais, marami pa rin sa kanila ang pinipiniling palitawin ang indibidwalidad at pagkamalikhain upang maakit hindi lamang ang mga iniidolo, kung hindi pati na rin ang kapwa nila fans.

Kung napapahintulutan ng internet ang ganitong dinamika sa pagitan ng mga fans, internet din ang nagbubunsod sa mga ito upang maiigiit ang kolektibong hangarin at prinsipyo laban sa ipinamumudmod sa kanila ng makakapangyarihang nasa posisyon ng awtoridad. Kung kapasidad ng paglikha ang tradisyunal na ambag ng mga nasa posisyon sa mga fans na isasadlak sa tagapagkonsumong bahagi ng produksyon, sa pagkabuo ng fandom na nakasandig sa demokratikong espasyo ng internet, nabibigyang kakayahan ang mga fans na makabuo ng alternatibong paraan upang maipakita ang pagsuporta at paghangang hindi lamang nag-uugat sa kakayahang gumasta.

Sa katunayan, marami-raming fans na rin ang nagbibigyang pagkakataong kumita dahil sa kanilang katangi-tanging paraan ng pagsuporta sa iniidolo sa puntong pati sila bilang mga fans ay sinusuportahan na rin ng buong komunidad.

Isa sa madalas na ginagawang lunsaran upang matamasa ang pagkakaroon ng kultural na kapital sa loob ng pangkabataang komunidad ang pagsusulat

(31)

ng mga fan fiction na sa kasalukuyan ay tumatawid na din sa pagsusulat ng genre na mas kinikilala bilang pop fiction. Kung umuugat ang fan fiction sa mga kathang kinabibilangan ng mga piling idolo, kinasasangkapan naman ng mga pop fiction ang parehong romantikong balangkas na kinabibilangan na ng mga inimbentong tauhan ng manunulat. Dahil hayag na kinakagat ng mga kabataang mamababasa ang mga kuwentong nabanggit na madalas orihinal na naka-upload sa Wattpad, sumasailalim ang subkultural na praktis ng pagbabasa at pagsusulat, maging ang mga miyembrong tumatangkilik nito sa ilang mga pagtatawid. Una, sa bisa ng pagpasok sa equation ng mga kilalang palimbagan tulad ng Summit Media at PSICOM ginagawang accessible sa mas nakararami ang produkto ng subkultura at iniaangkop bilang bahagi ng opisyal na kultura na lalong paiigtingin sa panahong maghahain ang mga book stores ng mga estanteng paglalaan ng mga akdang maihahanay sa kategoryang nabanggit at sa panahong gagawing pelikula ang mga ito.

Tulad ng akto ng fangirling na lumalansag sa hanggahan ng lokal- internasyunal, matutunghayan din ang nabanggit na kalakarang pagpapalimbag at pagaangkop ng mga fan-made na kuwento ng mga kabataan sa loob at labas ng bansa. Kung kilala sa Pilipinas ang simulain ng mga pelikulang “She’s Dating the Gangster” (ni Bianca Bernardino alyas SGWannaB) ng tambalang KathNiel at “Diary ng Panget” (ni Denny R. alyas HaveYouSeenThisGirl) ng tambalang JaDine, sumailalim din sa parehong proseso ang One Direction/Harry Styles fan fiction na “After” ng Amerikang fan na si Anna Todd na inaasahang isapelikula.

Mula sa pagbabago ng mga tauhan ng kuwento (mula Harry na naging Hardin) hanggang sa pagkakabit ng tunay na pangalan ng awtor sa kaniyang gawa (mula sa pagiging alyas Imaginator1D sa kaniyang Wattpad account), tumawid sina Bianca, Denny at Anna mula sa pagkakaroon ng kultural na kapital sa loob ng komunidad tungo sa pagkakaroon ng ekonomikong kapital kapalit ng kanilang mga gawa (Fiske 2014, 42).

Datapuwat sinimulang kilalanin ang mga awtor sa loob ng kani-kanilang fandom o komunidad, unti-unti na din silang napapasikat ng mga makinaryang nabanggit na maaaring mas makapagpadami ng bilang ng mga kabataang tumitingala sa kanila. Ito ang nakikitang dahilan sa mga “book signing” na paandar ng mga palimbagan tulad ng inihanda ng PSICOM noong nakaraang Manila International Book Fair na kinalahukan ng 14 na manunulat (PSICOM

(32)

Publishing Inc, 10 Setyembre 2017). Kaakibat ng pagkakaroon ng 2.6k Likes, 994 Shares, 505 Comments na natamo ng nasabing paskil na naglilista ng mga pangalan ng hinahangaan awtor, nagpaskil din ang Marketing Assistant ng PSICOM pagkalipas ng limang araw ng “Book Signing Guidelines and Limitations” na malaki ang pagkakahawig sa mga house rules na inihahanda ng mga organizers ng konsiyerto, meet and greets at album signing ng mga internasyunal at lokal na artista o banda (Plantinos, Karent Kate Civil, 15 Setyembre 2017). Dahil kinasangkapan ng mga nagorganisa ng book signing ang pamantayang madalas gawing instrumento upang mapanatiling maayos ang mga events na kinalalahukan ng mga fangirls, nakikitang inaasahan pa din ang frenzied environment na lilikhain ng fans ng mga piling akda at awtor.

Pinapakita lamang nito na bagaman katanggap-tanggap ang pagbabasa bilang isang kultural na gawain, iba pa din ang inaasahang kaayusan (o kawalang kaayusan) sa tuwing kasasangkutan ito ng mga kabataang fangirl tulad ng kinalabasan ng inihandang book signing event ni James Reid na nauwi sa kanselasyon (ABS-CBN News, 17 Setyembre 2017).

Sa pagkakalagak ng subkultura sa espasyo ng world wide web, kapansin- pansin ang nangyaring pagpapaigting ng kapangyarihan ng mga miyembro nito. Subalit, nagiging problematiko ang espasyo lalo na kung may gagawing pagtawid ang birtwal na kolektibong paghangang internasyunal tungo sa mga hindi maiiwasang pisikal na aspekto nito gaya ng pagkakaiba ng wika, oras at kulturang mayroon ang mga miyembro ng napagkaisang subkultura. Sa ganitong problematikong paglulunan, nais ipahiwatig na hindi nananatiling talunan ang mga Pilipinong fangirl na patuloy na nakabubuo ng alternatibo.

(33)

Mga Sanggunian

Mga Akda

Certeau, Michel de. “Popular Cultures: Ordinary Language” at “Makin Do: Uses and Tactics”

sa The Practice of Everyday Life, 43-47, Salin ni Steven Rendall. California: University of California Press, 1984.

Donovan, Hope, “Gift Versus Capitalist Economies: Exchanging Anime and Manga in the U.S.”

sa Boys’ Love: Manga Essays on the Sexual Ambiguity and Cross- Cultural Fandom of the Genre, patnugot Antonia Levi, Mark McHarry at Dru Pagliassotti (Jefferson: McFarland &

Company, 2008), 11- 22.

Fiske, John, “The Cultural Economy of Fandom,” sa Polish Association of American Studies, 2014, 30-4.

Greenblatt, Stephen. “Culture” sa Critical Terms for Literary Study, patnugot, Frank Lentricchia at Thomas McLaughlin (Chicago: University of Chicago Press, 1995), 225-232.

Hall, Stuart. “Notes on Deconstructing ‘the Popular’.” People’s History and Socialist Theory. Ed.

Raphael Samuel. Routledge, 1981.227-240. Print.

McRobbie, Angela at Jenny Garber. “Girls and Subcultures.” sa Resistance Through Rituals: Youth Subcultures in Post-War Britain, patnugot, Stuart Hall at Tony Jefferson (London: Rout- ledge, 1993), 177-188.

McRobbie, Angela. “Settling Accounts with Subculture: A Feminist Critique.” sa Feminism and Youth Culture. 16-34. New York: Routledge, 2000.

Tolentino, Rolando B. Sa loob at labas ng mall kong sawi, kaliluhay siyang nangyayaring hari : ang pagkatuto at pagtatanghal ng kulturang popular. University of the Philippines Press, 2001.

Mga Balita

ABS-CBN News. “Watch: Massive Crowd Forces Cancellation of James Reid’s Signing Event.”

ABS-CBN News. Setyembre 17, 2017. Accessed Abril 16, 2018. http://news.abs-cbn.

com/entertainment/09/17/17/watch-massive-crowd-forces-cancellation-of-james- reids-signing-event

(34)

AL365TEAM. “Manila’s Fandomland Reveals First 2018 details and Ticket Sale Date.” Asia Live 365. Nobyembre 6, 2017. Accessed Marso 1, 2018. https://asialive365.com/

fandomland-reveals-first-2018-details/

Benedicto, Rizza Lorraine C. “The Vamps describe Manila fans as “the best, loudest” crowd,”

Pep. Pebrero 2, 2015. Accessed Disyembre 2, 2017. http://www.pep.ph/pho- tos/5676/the-vamps-describe-manila-fans-as-the-best-loudest-crowd.

Chandra, Jessica. “All of the Victoria’s Secret Models Harry Styles Has Been Linked To,” Elle Australia. Nobyembre 21, 2017. Accessed Disyembre 2, 2017. https://www.elle.com.

au/celebrity/harry-styles-victorias-secret-model-girlfriends-15101.

Horton, Helena at Joe Shute. “Who are the victims of the Manchester Terror Attack,” The Telegraph, Mayo 31, 2017. Accessed Oktubre 10, 2017. http://www.telegraph.co.uk/

news/2017/05/23/victims-manchester-terror-attack/.

McLouglin, Lisa. “Shanghai to some familiar faces: Harry Styles prepares to face three of his SIX lingerie model exes on the runway as he’s confirmed to perform at Victoria’s Secret Show,” The Daily Mail, Nobyembre 19, 2017. Accesssed Disyembre 2, 2017.

http://www.dailymail.co.uk/tvshowbiz/article-5097517/Harry-Styles-set-per- form-Victoria-s-Secret-show.html.

Norwin, Alyssa. “Harry Styles Trolled For Dancing Like a ‘Dad’ at VS Show- Watch his Hilari- ous Moves.” Hollywood Life by Bonnie Fuller. Nobyembre 22, 2017. Accessed Disyembre 2, 2017. http://hollywoodlife.com/2017/11/22/harry-styles-dancing-vs-fashion- show-2017-video/.

Santos, Rhea Manila. “The Vamps Share why Manila is one of their favorite concert destina- tions.” Push: Philippines’ Ultimate Showbiz Hub, Enero 1, 2016. Accessed Oktubre 11, 2017, https://push.abs-cbn.com/2016/1/30/fresh-scoops/the-vamps-share-why- manila-is-one-of-their-favorit-138084

Tiffany, Kaitlyn. “Harry Styles fans are trying to beat the Billboard charts with VPNs and mass coordination,” The Verge. Mayo 05, 2017. Accessed Disyembre 2, 2017. https://www.

theverge.com/2017/5/5/15533760/harry-styles-streaming-data-billboard-tumblr- fan-effort.

Viray, Patricia Lourdes. “The Vamps on Filipino fan base: It’s crazy,” Philstar Global. En- ero 29, 2016. Accessed Disyembre 2, 2017. http://beta.philstar.com/mu- sic/2016/01/30/1547927/vamps-filipino-fan-base-its-crazy.

Wang, Amy X. “Music Charts are so Broken, Teenage Harry Styles fans are gaming them with VPNs,” Quartz. Mayo 05, 2017. Accessed Disyembre 2, 2017. https://

Pigura

Larawan 3. (Shay, 14 Hulyo 2014)
Larawan 27. Apropriyasyon ng mga kultura ng iba’t ibang bansa para sa concert  tour ng bandang 5 Seconds of Summer (Sounds Live Feels Life).

Mga Sanggunian

NAUUGNAY NA DOKUMENTO

Sa pagsusuri ng pahayag ng mga tagahangang pumapanig at kumokontra sa kanilang iniidolong aktres, nailalahad ng pag-aaral ang umiiral ding tunggalian ng mga lohika, na nakapagdiriin