• Walang Nahanap Na Mga Resulta

Human Gaze sa Telebisyon

N/A
N/A
Protected

Academic year: 2023

Share "Human Gaze sa Telebisyon"

Copied!
24
0
0

Buong text

(1)

Human Gaze sa Telebisyon

Ang “Buhay Iláng” ayon sa Born to be Wild

Jason Paolo R. Telles

Abstrak

Itinatampok ng sanaysay na ito ang diskusyon kung papaano inilalarawan at isinasakatawan ng lingguhang programang dokumentaryo ng GMA Network na Born to be Wild ang mga buhay iláng (wildlife) sa Pilipinas. Gamit ang konsepto ng “human gaze” ni Randy Malamud bilang lente, mapapansing ang mga pagsasalaysay (narrative), musika, at mise-en-scène ng mga episodyo ng nasabing programang pantelebisyon ay naghahayag ng “subalternidad” ng mga buhay iláng.

Sa ilalim ng representasyon na ito, inilarawan at isinakatawan ang mga buhay iláng ayon sa mga tropo ng infantilisasyon (infantilization) at obhektipikasyon (objectification). Ang infantilisasyon ng mga buhay iláng ay makikita sa pagturing sa kanila ng dokumentaryo bilang mga nilalang na kawawa (helpless), mahina, at walang kakayahang protektahan ang kanilang sarili laban sa mga maaari nilang maranasang suliranin. Napapasailalim din sa tropong ito ang pagturing sa mga tao bilang tagapagligtas at tagapagprotekta ng mga hayop dahil nga sa kahinaan at pagiging kawawa ng huli. Sa kabilang banda, ang obhektipikasyon naman ng mga buhay iláng sa dokumentaryo ay may tatlong uri. Sila’y tinitignan bilang mga:

1) tanawin (spectacle), 2) libangan (entertainment), at 3) pangangailangan ng tao.

Nagpapahiwatig ang human gaze ng pagkiling ng programa sa antroposentrikong (anthropocentric) pananaw.

Mga Panandang Salita: ekokritisismo; ekomidya; kritikal na pag-aaral sa mga hayop; human gaze; buhay iláng; infantilisasyon;

obhektipikasyon; Born to be Wild

(2)

Itinuturing ang Pilipinas na isa sa mga pinakamayamang bansa sa buong mundo kapag ang bilang ng mga uri ng flora at fauna ang pag-uusapan.

Sa katunayan, ayon sa pinakabagong datos na inilabas ng Biodiversity Management Bureau ng Department of Environment and Natural Resources, kasama ang Pilipinas sa mga lugar na sentro ng megadiversity. Ito ay sa kadahilanang may humigit sa 52,000 na mga uri ng flora at fauna ang naninirahan dito. Karamihan sa mga ito ay mga endemikong species o dito lamang sa Pilipinas matatagpuan (Department of Environment and Natural Resources).

Sa konteksto ng ibang mga bansa, ayon kina Lerner at Kalof (565), ang mga pananaw ukol sa biodibersidad (biodiversity) at ang relasyon ng mga tao sa mga di-taong nilalang (non-human species) ay madalas nang naipapahayag at nailalathala sa iba’t ibang anyo ng mga artepakto ng kultura tulad ng mga likhang-sining, sayaw, awitin, panitikan, at iba pa. Gayundin naman ang kaso sa Pilipinas. Madalas nang naipapahayag at nailalathala (textualized) ang mayamang biodibersidad ng bansa sa iba’t ibang pamamaraan–mga gawang pampanitikan, kulturang popular, at iba pang uri ng midyang pangmadla.

Sa telebisyon, kasama sa mga pamamaraan kung papaano naipapahayag ang mga ito ay ang pagsasagawa ng mga programang nagtatampok ng kalikasan at biodibersidad ng Pilipinas. Kabilang na riyan ang mga dokumentaryong pangkalikasan (nature documentary). Ang ganitong uri ng programang pantelebisyon ay pawang nag-uulat at nagtatampok ng kalikasan, at mga bahagi nito tulad ng mga hayop, halaman, mga anyong tubig, at mga anyong lupa (Arendt at Matthes 3).

Ayon sa mga eksperto, may positibong kontribusyon ang ganitong mga pagtatampok sa kamulatan ng mga manonood at sa lipunan. Sa pangkalahatan, ayon kay Lömborg, ang mga sari-saring uri ng midyang pangmadla ay may potensiyal na makapagbigay sa atin ng mga impormasyon at pag-intindi sa ating kapaligiran o planeta. Idinagdag pa niya na maaari rin silang makatulong sa pagbibigay-kapangyarihan sa madla upang magkaroon ng sapat na kaalaman at maging lehitimong kalahok sa talakayan at deliberasyon ukol sa mga magiging plano sa pangangalaga at pamamahala sa kalikasan (Lömborg 39).

Ayon din kina Tasos A. Barbas at kaniyang mga kapwa-mananaliksik, ang kalipunan ng elemento ng ganitong uri ng dokumentaryo tulad ng mga larawan, video, tunog, at impormasyon ukol sa kalikasan ay nagbabagong- anyo at nagiging mga kasangkapan sa isang “pedagogic discourse” (Barbas et al. 61). Ibig sabihin nito ay nagiging isang instrumento ang ganoong uri ng produkto ng midyang pangmadla sa pagtuturo o pagbibigay-edukasyon sa kanilang mga tagapanood tungkol sa kalikasan at mga bahagi nito.

(3)

Halimbawa ay ang natuklasan nina Barbas, Paraskevopoulos, at Stamou na ang mga dokumentaryong pangkalikasan ay nagdudulot ng positibong epekto sa pagiging sensitibo ng mga estudyante sa kalikasan. Kanilang inaral ang epekto ng Microcosmos at Insects, na parehong mga dokumentaryo tungkol sa mga insekto, sa persepsiyon at damdamin ng mga mag-aaral sa Grade 6 sa Greece. Sa pangkalahatan, parehong nagdulot ang dalawang dokumentaryo ng positibong pagbabago sa saloobin at pagtingin ng mga tumugon sa kanilang pag-aaral sa mga insekto. Nagkaroon din sila ng positibong reaksiyong emosyonal sa mga nasabing nilalang (Barbas et al. 61-69).

Ngunit hindi sumasang-ayon ang lahat ng eksperto dito. May ilang naniniwala na bagamat may kapangyarihan ang midya na gawin ang mga nakasaad sa itaas, hindi pa rin nila epektibong naipapatupad ito. Ani Lömborg, bagamat may maaaring maidulot na magandang epekto ang mga produkto ng midyang pangmadla na nagtatampok sa kalikasan, kanya pa ring napansin na ang kanilang ibinibigay na impormasyon sa kanilang mga manonood ay isang tagibang (lopsided) na pagsasalaysay ukol sa kalikasan at planeta. Idiniin niya na sila’y nagpapadala ng mga “incoherent” at “sporadic”

na impormasyon (Lömborg 39). Idinagdag niya na may tatlong negatibong epekto ang ganitong uri ng pagtatampok:

First, the incoherent information we are given provides us with too little knowledge of concrete problems to enable us to take part in a democratic decision-making process. Second, we feel sufficiently comfortable that we believe we actually do have sufficient knowledge to partake in the debate and to make valid decisions. Third, we will often get a far too negative and distorted impression of the problems (Lömborg 39).

Ayon din kay Jane Goodall, isang tanyag na primatologist at isang conservationist, sa isang nailathalang panayam sa kanya ng ABC News:

“If you just see a documentary that shows beautiful, untouched forests, animals living wild, untouched lives, you tend to think, “well, everything is okay” (L’Estrange).

Dahil dito, iminungkahi niya na nag-uulat dapat at nagsasalamin ang ganitong uri ng dokumentaryo ng nanganganib nang kalikasan, at wala na sa maayos na kalagayan, upang mahikayat ang mga manonood na mag- isip at maglunsad ng mga angkop na solusyon (L’Estrange). Isa pa sa mga kinapanayam sa parehong artikulo ay ang mananaliksik na si Morgan Richards. Aniya, ang mahahalagang aral at mensahe ukol sa estado at pag- aalaga sa kalikasan ay kadalasang dagling inilalagay na lamang sa hulihan ng isang serye o episodyo (L’Estrange).

(4)

Dahil sa kahalagahan ng mga dokumentaryong pangkalikasan bilang pinagmumulan ng impormasyon at bilang instrumento ng pagbibigay- edukasyon sa mga miyembro ng lipunan ukol sa kalikasan at dahil na rin sa mga kakulangan ng mga dokumentaryo na kinilala nina Goodall, Richards, at Lömborg, mahalagang pag-aralan kung papaano ng mga ito inihahayag, inilalarawan, at isinasakatawan ang iba’t ibang bahagi ng biodibersidad.

Dito pumapasok ang halaga ng kritikal na pagbasa sa paraan ng representasyon ng kalikasan at mga bahagi nito sa mga produkto ng midya, o isang ekokritisismo ng midya. Ang ganitong pag-aaral ay makakatulong sa mga mananaliksik, manonood, at maging mga manggagawa sa midya upang makilala at mapagtanto ang mga pagkukulang at pagkakamali sa nilalaman ng kanilang mga nagawang produkto.

Bukod pa riyan, maaari din itong magbunga ng mga pagsisikap sa paghahanap ng mga paraan kung papaano maiwawasto at maiiwasan ang mga pagkukulang at mga nabanggit na pangkakamali. Dito rin maaaring malaman ang mga tamang representasyon na kanilang nagawa na kailangang gayahin o mas palaganapin pa.

Nakapagsagawa na ng ganitong mga uri ng pag-aaral sa ibang bansa.

Halimbawa ang maraming literatura ukol dito na napabilang sa mga libro at antolohiyang katulad ng Ecodocumentaries: Critical Essays na pinamatnugutan nina Rayson K. Alex at S. Susan Deborah, Ecocinema Theory and Practice at Ecomedia: Key Issues na pinamatnugutan nina Stephen Rust, Salma Monani, at Sean Cubitt, Framing the World: Explorations in Ecocriticism and Film na pinamatnugutan ni Paula Willoquet-Maricondi, at Culture and Media:

Ecocritical Explorations na pinamatnugutan nina Rayson K. Alex, S. Susan Deborah, at Sachindev P.S.

Sa kabila ng pag-usbong ng sabfild na ito ng ekokritisismo sa sari-saring sulok ng mundo, may malaking siwang pa rin ito sa konteksto ng Pilipinas.

Sa kasalukuyan, kakaunti pa lamang ang nailalathalang mga pag-aaral tungkol sa representasyon ng midya at kulturang popular sa bansa sa kalikasan at mga bahagi nito. Isa na riyan ang pag-aaral na isinagawa ni John Kervin Cesar Calabias tungkol sa mga piling awitin ng grupong Salidummay. Sa kaniyang

“pagbasa” gamit ang lente na ekokritikang Marxista sa mga awiting Danum (2001), Daga a Nagtaudan (1992), at Wayawaya (2003), kaniyang ipinaliwanag kung papaano inilarawan ng Salidummay ang papel ng kalikasan bilang guro sa mga katutubo (indigenous). Aniya, ang mga awiting ito ng nasabing grupo ay naglalarawan sa kalikasan bilang isang guro o tagapagturo ng kung papaano makakaranas ng kalayaan ang mga katutubo. Ngunit hindi lamang ito nagtatapos doon. Idinagdag niya: “…this relationship has pushed man from mere reflection to action. In the ‘natural’ state of things, man

(5)

is pushed to act upon his ‘implied’ responsibility to come back and be one with nature through the literary expression found in what we call, the ‘green revolutionary texts’” (Calabias 315).

Sumunod naman ang aking pag-aaral ng mga dokumentaryo ng GMA Network na pinamagatang Signos: Banta ng Nagbabagang Klima (2008), Planet Philippines (2009), Wildlife for Sale (2010), at Oras Na (2011). Ang pangunahing obserbasyon na inilatag ng saliksik na ito ay ang pagkiling ng nasabing apat na dokumentaryo sa perspektibang ekotopianismo sa kanilang pagtalakay sa mga suliranin at panganib na may kinalaman sa kalikasan, pati na rin sa pagtalakay sa mga maaaring solusyon para sa mga ito. May problema ang pagkiling na ito ng mga dokumentaryo sa ekotopianismo dahil ang mga solusyon sa panganib pangkalikasan (environmental risks) na iminumungkahi ng mga ito ay nakakalimutang isaalang-alang ang mga panlipunan at kultural na aspekto na maaaring masagasaan nito. Kaakibat din ng pananaw na ito ay ang pagkabigo ng mga dokumentaryo na isama ang iba pang perspektiba tulad ng transgresibong ekotopianismo, mga kaalaman ng mga katutubo, at iba pa.

Nariyan din ang aking pang-akademikong sanaysay na pinamagatang

“Imaging Indigenous Relationships with Nature: The Case of Igorot Music Videos” na nailathala sa librong Southeast Asian Ecocriticism: Theories, Practices, Prospects na pinamatnugutan ni John Charles Ryan. Ang aking isinagawa rito ay nakapasailalim sa postkolonyal na uri ng ekokritisismo dahil ito ay sumunod sa dalawa nitong hangarin. Ayon kina Graham Huggan at Helen Tiffin ang postkolonyal na ekokritisismo ay naglalayong: 1) bigyang-pansin at punahin ang mga perspektibang Kanluranin ukol sa mga impormasyon, pangangalaga, at pamamahala sa kalikasan, at 2) magpakilala ng mga alternatibong pananaw tungkol dito mula sa mga bansa, grupo, o indibidwal na nakaranas ng pag-iiba (othering) o hindi pagtanggap ng mga kolonyalista o ng mga may imperyal na impluwensiya o kapangyarihan (Huggan at Tiffin 27). Nais ipabatid ng aking artikulo ang kahalagahan ng pagbibigay-pansin sa pananaw ng mga katutubo tungkol sa kalikasan at mga bahagi nito na kanilang naitatampok at naipapahayag sa pamamagitan ng kanilang iba’t ibang tradisyonal at makabagong mga kultural na produkto tulad ng kanilang mga bernakular na mga awitin at music video. Mahalagang makilala ang mga ito, lalo na sa diskurso at pagpaplano ukol sa kalikasan at paglaban kontra sa pagkasira nito, upang makapagbalangkas at makapagpanukala ang gobyerno at iba pang kinauukulan ng mga polisiya na naaayon at sensitibo sa mga kultura at konteksto ng mga grupo at komunidad kung kanino at saan man ipapatupad.

(6)

ito dahil maliit na batik lamang ito sa napakaraming produkto ng kulturang popular at midyang pang-madla na hindi nabibigyang-pansin. Halimbawa, sa konteksto ng industriya ng paggawa ng music record, nariyan ang mga awitin at musikang mainstream, indie, at katutubo na ginagawang tema ang kalikasan. Sa pelikula naman, hindi pa rin napagtutuonan ng pansin ang kapwa independent at maituturing na mainstream na uri nito. Gayundin ang mga balita at coverage ng diyaryo, radyo, telebisyon, at mga online na pahayagan sa kalikasan at mga problema na may kinalaman dito. Bukod pa riyan, bagamat akin nang nasimulan ang pag-aaral sa mga dokumentaryo, ang mga naging pokus ng aking mga saliksik ay kudlit lamang sa napakarami nang bilang ng mga dokumentaryo na nagawa sa bansa ng mga komersiyal, di-komersiyal, at independent na mga prodyuser nito.

Bilang pagsubok muli sa pagpupuno ng ilang siwang sa sabfild ng ekokritisismo ng midya at kulturang popular, aking bibigyang-pansin ngayon ang isang programang pantelebisyon na nagtatampok ng mga dokumentaryo ng buhay iláng. Ang artikulong ito ay nagbibigay ng panimulang interogasyon kung papaano inihahayag o inilalarawan ang buhay iláng sa mga pagsasalaysay, video, tunog, musika, at mise-en-scène ng programang pantelebisyon na Born to be Wild. Gagamitin ko rin dito ang konsepto ng human gaze na isinulong ni Randy Malamud.

Born to be Wild: Ang Pokus

Ang pokus ng saliksik na ito ay ang panlinggong dokumentaryong Born to be Wild ng GMA Network. Unang isinahimpapawid ang nasabing programa noong ika-28 ng Nobyembre 2007 bilang isang “late-night” na programa ng Department of Public Affairs ng GMA. Ayon sa deskripsiyon ng estasyon ng telebisyon ukol sa programa, “Born to be Wild aims to take environmental concerns closer to home through real encounters in the wild and gripping presentations of environmental issues” (GMA News Online).

Ang unang mga host nito ay sina Romi Garduce, na nakilala sa bansa bilang isa sa mga naunang Pilipino na nakaakyat sa Bundok Everest, at Ferdz Recio (Doc Ferdz), isang beterinaryo. Naging bahagi rin ng programa ang mamamahayag na si Mariz Umali at ang artista na si Kiko Rustia. Sa kasalukuyan, ang Born to be Wild ay pinangungunahan ng mga host nito na sina Doc Ferdz at isa pang beterinaryo na si Nielsen Donato (Doc Nielsen).

(7)

Sa humigit sampung taon nito sa ere, ang Born to be Wild ay nakapaghatid na ng maraming impormasyon ukol sa buhay iláng, pati na rin tungkol sa mga problemang may kinalaman sa kalikasan. Bilang pagkilala sa mahusay diumano nitong mga diskusyon, mga video, at adbokasiya, maraming beses nang pinarangalan at iminungkahing mabigyan ng parangal ang nasabing programang pantelebisyon ng iba’t ibang institusyon.

Kabilang na riyan ang sertipikasyon ng kanilang pagiging finalist sa Nature and Wildlife Category ng 2011 New York Festivals World’s Best TV Programs and Film Awards, ang 1st ASEAN Biodiversity Champion (Media Category) Award mula sa 1st ASEAN Champions of Biodiversity noong 2011, ang Fr. Neri Satur Award for Environmental Heroism mula sa Climate Change Commission ng Pilipinas, at ang Best Educational Program Award mula sa Philippine Movie Press Club–Star Awards for Television.

Para sa pag-aaral na ito, aking sinuri ang limang episodyo ng Born to be Wild na naisahimpapawid mula Agosto 2017 hanggang Setyembre 2017. Dahil ang pag-aaral na ito ay isinagawa mahigit isang taon pagkatapos maipalabas sa telebisyon ang mga nasabing episodyo, pinili kong gamitin ang mga inilagay mismo ng GMA Network sa pahina ng programa sa Youtube mula Agosto 2017 hanggang Setyembre 2017 (Tingnan ang Talahanayan 1). Bagamat magkaibang uri ng midya ang Internet at telebisyon, hindi naman nagbago ang laman ng programa. Hindi kasama sa pag-aaral na ito ang pagtalakay sa epekto ng midyang ginamit sa mensahe. Sa halip, ang pokus lamang nito ay ang pag-aaral sa representasyon ng programa sa mga buhay iláng na kanilang naipamahagi sa mga manonood sa pamamagitan ng kanilang mga ginamit na pagsasalaysay, video, musika, at mise-en-scène. Hindi naman nagbago ang mga ito batay sa midya kung saan ito naipalabas.

Pamagat sa YouTube Petsa ng Pagkaka-upload Actual Hatching of a Philippine Crocodile Agosto 14, 2017

Appreciating the Beauty of the

Philippine Temple Pit Viper Setyembre 25, 2017 Bird Watching at Capayas Creek Agosto 6, 2017 Capturing an Invasive Species of Frogs Setyembre 17, 2017

Cebu’s Endemic Wild Animals Setyembre 10, 2017 Talahanayan 1. Listahan ng mga episodyo na sinuri ng pag-aaral (paalpabeto ang pagkakasunod-sunod ng mga video)

(8)

Ang Subalternidad ng Buhay Iláng sa Born to be Wild Sa kabuoan, ang mga naaral na episodyo ng Born to be Wild para sa saliksik na ito ay nakahulma ayon sa human gaze. Ang pinagbatayan ni Randy Malamud dito sa kaniyang konsepto ay ang “male gaze” ni Laura Mulvey noong dekada 1970 na makikita sa kaniyang isinulat na “Visual Pleasure and Narrative Cinema,” na nagsasabing ang mga biswal at iba pang uri ng representasyon ng kababaihan sa panitikan, sining, at midya ay nakahubog ayon sa maka-lalaking perspektiba. Ayon dito, ipinapakita o isinasakatawan ang mga babae bilang mga “object of desire” at bilang mga tauhang

“to-be-looked-at” (Malamud 157).

Sa parehong paraan itinakda ni Malamud ang kaniyang depinisyon ng kaniyang konspeto ng human gaze. Aniya, “I simply transpose this to characterize the image of the animal as passive raw material for the active gaze of the human” (Malamud 158). Bukod sa depinisyon, kanya ring hiniram ang posisyon ni Mulvey na nagsasabing, “[t]he practice of consuming culture embodies an unbridled omniscient lust ensuring the visual object’s absolute subalternity” (Malamud 128). Sa kaso ng human gaze, ipinagpapalagay ni Malamud na ang mga tao, bilang mga konsumer ng biswal na midya at kultura, ay nabibigyan ng mas nakatataas na posisyon (privileged) habang ang mga obheto ng mga biswal na midya at kultura na mga di-taong nilalang ay nabibigyan ng mas mababang pagtingin o pagturing, o nagiging subalterno.

Idinagdag pa niya na ang subalternidad na ito ay naipapakita sa pamamagitan ng obhektipikasyon. Kaniyang isinulat:

The nonhuman animals we gaze upon in film, on the Internet, in advertisements are prized for their ‘cuteness’—in a way that is feminized, and derogatorily so…

Other animals are celebrated for their subservience, their entertainment value, and the extent to which they affirm an anthropocentric ethos (the unassailable conviction that it is all about us) (Malamud 158).

Samantala, ang konsepto ng subalternidad ay hindi lamang nakikita sa diskurso ng feminismo. Ito rin ay tinatalakay sa postkolonyal na pananaw.

Ang mga sinakop ng mga kolonisador, maging ang mga naging biktima ng imperyalismo, ay tinatawag na mga subalterno o mga grupong may mas mababang posisyon, katayuan, o uri ng sibilisasyon (Ashcroft et al. 198).

Ang ganitong pagturing sa mga nasakop ay mapapansin sa mga batas na ipinatupad at maging mga kultural na produktong nilikha o nililikha ng mga kasalukuyan o dating mga mananakop. Ayon kina Ella Shohat at Robert Stam, may ilang tropong sinusunod upang ipagdiinan ang subalternidad na ito ng mga nasakop. Isa na riyan ang infantilisasyon na ayon sa kanila ay ang paglalarawan o pagturing sa mga nasakop bilang mga taong nasa

(9)

una o maagang yugto pa lamang ng “individual human” at “broad cultural development” (Shohat at Stam 139). Para sa pag-aaral na ito, aking hinihiram ang kanilang konsepto ng infantilisasyon upang idagdag sa mga tropo na ginagamit ng mga tao sa paglalarawan at sa representasyon sa telebisyon ng mga di-taong nilalang.

Aking tinatalakay sa artikulong ito kung papaano nakaayon sa human gaze ang representasyon ng Born to be Wild sa mga hayop sa pamamagitan ng kanilang mga pagsasalaysay, video, musika, at mise-en-scène. Ipinapakita ng programa ang subalternidad ng mga buhay iláng sa pamamagitan ng paglalarawan at paghulma sa kanila sa ilalim ng mga tropo ng infantilisasyon at obhektipikasyon.

Infantilisasyon ng Buhay Iláng

Isa sa mga katangian ng pagturing sa mga di-taong hayop bilang subalterno ay ang pagtingin sa kanila bilang “vulnerable” (Malamud 158) o mahina laban sa pang-aabuso o mga likas na kalamidad. Ayon kay Malamud, ang mga hayop sa mga produkto ng midya ay “celebrated for their subservience” (Malamud 158).

Sa dokumentaryo, ang pagiging “vulnerable” at “subservient” ng mga hayop ay ipinakita sa pamamagitan ng representasyon na mayroon silang kakulangan sa abilidad upang ipagtanggol ang kanilang sarili sa pang-aabuso ng mga tao. Ipinakita rin ito sa paglalarawan sa kanila bilang mga nangangailangan ng tulong mula sa tao sa paggaling, pagbangon, o pananatiling buhay.

Bilang mahihinang nilalang, ipinapakita sa episodyo na “Actual Hatching of a Philippine Crocodile” na kailangan ng mga Bukarot o Philippine Crocodile ang tulong ng mga tao upang maging protektado sila maging sa kanilang paglabas sa itlog. Mapapansin ito sa unang bahagi ng programa kung saan sinambit ni Doc Nielsen na binabantayan ng isang tagapangalaga ang mga itlog ng Bukarot dahil sa posibilidad na masira o mabasag. Idinagdag sa representasyong ito ang video ng isang tagapangalaga na nag-aayos o naghahanda ng mga harang upang protektahan ang mga itlog (Tingnan ang Larawan 1).

(10)

Larawan 1. Inihahanda ng tagapangalaga ang harang na nagsisilbing proteksiyon ng mga itlog ng Bukarot sa ilalim ng lupa. Screenshot mula sa episodyo na

“Actual Hatching of a Philippine Crocodile.”

Bukod pa riyan, ang representasyon ng mga tao bilang mga tagapagligtas at tagapangalaga ay nakadagdag sa hindi direktang pagsasalarawan sa mga infantilisadong hayop. Makikita ito nang sinabi ni Doc Nielsen, “Isang baby Bukarot ang malapit nang mapisa pero kailangan nito ng tulong.” Pagkatapos nito ay nagpakita ang dokumentaryo ng mga footage kung saan tinutulungan mismo ng host ang Bukarot na makalabas sa itlog (Tingnan ang Larawan 2). Binigyang-katuwiran din niya at ng kaniyang mga kasama ang kaniyang pagtulong sa nasabing hayop dahil maaari umanong mamatay ang Bukarot kapag hindi sila tumulong.

Sa parehong episodyo, naging isa sa mga pagpapakilala sa mga bagong silang na Bukarot ay ang paglalarawan sa kanila bilang mahina sa harap ng pag-atake ng kanilang mga predator tulad ng langgam o Fire Ant.

Nadagdagan din ang representasyon na ito sa pamamagitan ng pagpapakita na kailangan nila ng mga tao upang manatiling buhay at maprotektahan laban sa mga langgam.

Halimbawa, noong napansin ni Doc Nielsen na nilalanggam na ang mga itlog sa pugad, idineklara niya, “Kung hindi namin maaagapan ang sitwasyon, puwedeng mamatay ang mga baby Bukarot.” Sa ilan pang bahagi, sinabi ni Doc Nielsen na “Mabuti na lang at natulungan ang baby Bukarot. Kung pababayaan ay maaari siyang atakihin ng Fire Ants” at “Kailangang mailigtas ang mga itlog laban sa mga tropical Fire Ants.” Dumagdag sa representasyon

(11)

na ito ang video na itinambal habang ikinukwento ni Doc Nielsen, kung saan inilipat nila ang mga itlog sa isang ligtas na lalagyan.

Larawan 2. Ang pagtulong ni Doc Nielsen upang makalabas ang Bukarot sa itlog.

Screenshot mula sa “Actual Hatching of a Philippine Crocodile.”

Sa “Cebu’s Endemic Wild Animals” naman ay direktang itinuring ni Doc Ferdz na sanggol ang isang hayop. Nang siya’y nakakita ng isang napilayang Tube-nosed Fruit Bat (Tingnan ang Larawan 3) kanya itong tinawag na

“baby.” Ayon sa dokumentaryo, nang ito’y kanilang nilapitan, tinanong niya ito, “Anong nangyari sa’yo? May nakita tayong isang bat dito. Oh okay, mukhang napilayan siya. Oh, what happened to you? Are you hurt baby?

Hindi ka makalipad, bakit?”

(12)

Itinambal naman ito sa mga video na nagpapakita ng pagiging kawawa ng paniki dahil nasa lupa ito at hindi makatakas sa mga nakabuhol sa kaniyang mga halaman. Nagmukhang tagapagligtas ang host nang kanya itong pulutin, suriin, at sa huli’y pakawalan sa isang bahagi ng gubat.

Obhektipikasyon: Buhay Iláng Bilang Tanawin

Tatlong klase ng obhektipikasyon ang naisagawa ng Born to be Wild. Una ay ang pagturing nito sa mga buhay iláng bilang mga tanawin–mga obheto ng gaze ng mga tao bilang turista. Ipinagpapalagay ito ni Malamud nang kaniyang isinulat: “[t]he human gazer prizes exoticism in visual cultural representations of other animals” (158). Ang mga deskripsiyon ng mga host ng programa sa mga hayop na kanilang itinatampok ay mga halimbawa ng pagtingin at pagturing sa kanila bilang eksotiko o kakaiba.

Ang pag-eere ng video ng pagpisa ng itlog ng Bukarot sa “Actual Hatching of a Philippine Crocodile” ay isang ilustrasyon ng pagturing sa kanila ng programa bilang mga eksotikong pokus ng gaze ng mga tao.

Kung mapapansin, tila naging isang paksa ng palabas (i.e., espektakulo) ang nasabing likas na pangyayari dahil sa pagiging kakaiba at madalang maobserbahan. Naisagawa ito sa pamamagitan ng deskripsiyon ni Doc Nielsen. Aniya, “Wow! This is so amazing! Oh my God! First time na nakapagdocument tayo ng actual, uhm, hatching of baby croc.”

Ang pagiging tanawin ng mga hayop ay mapapansin din kapag inilalarawan sila bilang maganda. Halimbawa, sa “Appreciating the Beauty of Philippine Temple Pit Viper,” sinabi ni Doc Nielsen, “Ipapakita natin ang isa sa mga kinakatakutang ahas itong Viper o ‘yung Ulupong… Gusto namin ipakita ‘yung ganda niya.” Nang kanilang pinakawalan ang hawak nilang ahas, muli rin niyang ginawa ito nang kaniyang sinambit, “Face to face with the Pit Viper. Nandun ‘yung stigma natin na kapag may ahas gusto nating patayin pero tingnan n’yo lang itong ahas na ito. Ang ganda niya.”

Ang paglalarawan at pagsasahimpapawid ng mga video ng mga natatangi at kakaibang katangian ng mga naitampok na buhay iláng ay nakakadagdag din sa kanilang representasyon bilang eksotiko at pasibong obheto ng aktibong pagtingin ng mga tao.

Muli, sa “Appreciating the Beauty of Philippine Temple Pit Viper,” iniisa- isa ng host ang mga katangian nito. Upang mabigyang-diin ang pagiging kakaiba o eksotiko ng katawan, kulay, at galaw ng ahas na pinagtuonan ng

(13)

pansin ng programa sa nasabing episodyo, naglagay sila ng mga close-up na shot ng ulo, katawan, at mga mata nito (Tingnan ang Larawan 4).

Larawan 4. Close-up na shot ng isang Philippine Temple Pit Viper. Screenshot mula sa “Appreciating the Beauty of the Philippine Temple Pit Viper.”

May panahon ding nilabuan at ginawang background lamang ang host at pinatalas at ginawang foreground ang ahas na hawak nito (Tingnan ang Larawan 5). Sa pamamagitan ng uri ng shot na ito, hinihikayat ng programa ang mga manonood na tumingin nang mabuti sa ahas bilang tanawin.

(14)

Sa parehong paraan din inilarawan ni Doc Ferdz ang North Temple Pit Viper sa episodyo na “Cebu’s Endemic Wild Animals.” Kaniyang isiniwalat na kinuha ng kanilang cameraman ang nasabing hayop upang ito’y “makita at maappreciate” nila at ng mga tagapanood.

Kasunod nito ay kaniyang sinabi tungkol sa ahas, “[L]ook at that, ready to attack anytime. Nakita namin itong snake na ito nang malapitan. Nakita natin kung gaano kaganda, ka-robust, kabuo ‘yung kaniyang hitsura pero siyempre kailangan din nag-iingat tayo dahil may kamandag itong snake na ito.” Katulad ng naunang natalakay na episodyo, nagpakita rin ng mga close- up na mga shot sa iba’t ibang bahagi ng katawan, pati na rin ng galaw nito (Tingnan ang Larawan 6).

Larawan 6. Video ng North Temple Pit Viper. Screenshot mula sa “Cebu’s Endemic Wild Animals.”

Gayundin ang kaniyang paraan ng pagtampok sa salita at sa video sa iba pang buhay iláng na kanilang nakita tulad ng Tube-nosed Fruit Bat. Sa katunayan, nang napulot ng host ang hayop, kanya muna itong inilatag upang makunan ang mga kakaibang katangian nito tulad ng kaniyang ilong na korteng tubo, ang kaniyang likod na may itim na guhit, at kaniyang pakpak (Tingnan ang Larawan 7).

(15)

Larawan 7. Inilapit sa camera ang Tube-nosed Fruit Bat ipang maipakita ang kakaibang hugis ng kaniyang ilong. Screenshot mula sa “Cebu’s Endemic Wild Animals.”

Ganoon din ang mga kinuhang camera shot ng Philippine Night Jar upang maipakita ang hitsura at mga detalye nito. Hindi ito nagawa sa kanilang nakitang Cebu Hawk-owl at Black Shama dahil hindi nila ito nalapitan at ito’y lumipad na papalayo.

Ang eksotisasyon ng buhay iláng ay hindi lamang naihahayag sa mga salita at video na ginagamit ng dokumentaryo. Ang mga musika na naging background sa mga episodyo ng Born to be Wild ay nakakatulong din sa pagpukaw ng mga damdamin. Ayon kay Holly Rogers, “[m]usic can hold things together and tell the story; it can lead viewers into narrative and emotional positions in a way akin to mainstream fiction film soundtracks;

and it can help to turn each visual representation into a highly personal vision” (Rogers 9). Kasama sa mga damdamin na pinupukaw ng mga musika sa Born to be Wild ay ang pagkamangha.

Ganito ang ginawa sa mga episodyo na “Actual Hatching of a Philippine Crocodile,” “Bird Watching at Capayas Creek,” at “Cebu’s Endemic Wild Animals.” Ang “Appreciating the Beauty of the Philippine Pit Viper” at

“Capturing an Invasive Species of Frogs,” sa kabilang banda, ay gumamit ng nakakatakot na musika, na nagbibigay ng impresyon na ang obheto ng dokumentaryo ay kakaiba ngunit mapanganib.

(16)

bansa. Ang ganitong klase ng mga gawain ay isa ring paraan ng pagturing sa mga buhay iláng bilang mga obheto ng turismo. Halimbawa nito ay ang episodyo na “Bird Watching at Capayas Creek.” Ang pamagat ng episodyo at ang mismong aktibidad na kanilang isinagawa rito ay direktang nagpapabatid ng pagturing ng programa sa mga ibon bilang bagay na tumatanggap ng human gaze.

Ang bawat makasalubong at makunan nilang mga ibon ay kanilang ipinapakilala sa pamamagitan ng pagtuon sa mga kakaiba at eksotiko nitong mga katangian tulad na lang ng paggawa ng pugad ng Hooded Pitta gamit ang mga “piling materyales,” ang paggamit ng Paradise Flycatcher ng sapot ng mga gagamba upang patibayin ang kanilang pugad, ang paraan ng paghuli ng Blue-eared Kingfisher ng kaniyang pagkain, ang pagtuka ng Spot-throated Flameback Woodpecker sa kahoy, at iba pa.

Sa paghuli rin ng mga mapanakop (invasive) na uri ng palaka sa Pilipinas sa episodyo na pinamagatang “Capturing an Invasive Species of Frogs,” naging pokus ng “adventure” ng host at ng mga kasama nito ang mga nasabing palaka. Sa katunayan, sa tuwing nakakahanap sila ng mga nasabing uri ng hayop, pinapatugtog ang nakakapagpasigla (exhilarating) na musika. Bukod pa riyan, nagiging maaksiyon din ang representasyon ng paghuli sa mga ito sa pamamagitan ng mga salitang sinasambit at paraan ng pagsambit ni Doc Ferdz habang hinahabol at sinusubukang hulihin ang mga palaka.

Isa pang halimbawa nito ay ang “Cebu’s Endemic Wild Animals” na nagtampok ng mga hayop na makikita lamang sa probinsiya ng Cebu. Dito, naging misyon nila na maghanap ng mga endemikong hayop sa nasabing lugar. Nang nakakita sila ng Cebu Hawk-owl, na isang endemikong nilalang sa probinsiyang iyon, sinabi ni Doc Ferdz, “Napakasuwerte rin natin na natiyempuhan natin na nandito tayo mismo sa Cebu para makita itong Cebu Hawk-owl dahil no other place in the Philippines, in fact all over the world, that you can see this bird, dito lang sa Cebu dahil endemic lang siya dito sa lugar.” Bagamat hindi naman tahasan, inihahayag ng pagsabi ni Doc Ferdz ng pagiging masuwerte nila sa pagkakakita sa ibon ang pagiging eksotiko at pambihira (rare) ng nasabing ibon at ang pagiging isa sa mga kailangang makita (must-see) na tanawin sa Cebu dahil sa pagiging pambihira nito.

(17)

Obhektipikasyon: Buhay Iláng Bilang Entertainment Isinulat ni Malamud na naitatampok sa midya ang ilang mga hayop dahil sa kanilang “entertainment value” (158). Sa Born to be Wild, isa sa mga paraan ng paglalagay ng entertainment sa mga ipinapakilala nilang buhay iláng ay ang pagpapasok ng mga elemento ng drama sa mga pagsasalaysay, video, at musika nito.

Halimbawa ng paggamit ng tatlong elementong ito ay makikita sa “Bird Watching at Capayas Creek” kung saan ay tuwirang inilarawan ni Doc Ferdz ang buhay ng mga ibon bilang isang “teleserye” na naglalaman ng mga kuwento ng “pagmamahalan, pakikipaglaban, at sakripisyo.” Upang bigyang- diin ang pagiging teleserye ng buhay ng mga ibon sa Coron, Palawan, sinamahan nila ang mga deskripsiyon ng host sa mga ibon ng mga “slow motion” na video nila at ng malakas at madramang musika (Tingnan ang Larawan 8).

Larawan 8. Slow motion na video ng tatlong ibon. Screenshot mula sa “Bird Watching at Capayas Creek.”

Isa pang paraan ay ang paglalagay ng elemento ng salungatan (conflict) sa pagsasalaysay ng mga episodyo. Sa Born to be Wild, dalawang uri ng salungatan ang mapapansin. Una na riyan ang hayop laban sa hayop. Ang ganitong klase ng paglalaban ay ipinapakita sa “Capturing an Invasive Species of Frogs”

kapag pinagtatapat ang mga katutubo at mga mapanakop na uri ng mga

(18)

likas na naninirahan sa Pilipinas tulad ng mga tinatawag na Chinese Edible Frog (Tukak) at Asian Painted Frog (Bat-og). Ayon kay Doc Ferdz, “Ang ilang invasive species na tulad ng Bat-og at Tukak ay napapakinabangan ng tao dahil puwede silang kainin. Pero ang pakinabang sa kanila ay maliit lang kumpara sa pinsalang dulot nito.”

Larawan 9. Panayam kay Anson Tagtag, isang espesiyalista tungkol sa buhay iláng, sa “Capturing an Invasive Species of Frogs.”

Ipinakita rin ang pagiging kontrabida ng mga mapanakop na palaka sa pamamagitan ng panayam kay Anson Tagtag, isang espesyalista sa buhay iláng, na nagsabing, “Well, itong mga exotic species ay hindi natin ineencourage maintroduce sa ating natural habitat. Ito kasi ay hindi parte ng ating natural ecosystem o ating kapaligiran. Puwede silang makipagcompete ng pagkain doon sa mga native species” (Tingnan ang Larawan 9).

Ang pagiging kontrabida ng mga mapanakop na uri ng mga palaka ay naipapalabas din gamit ang musika. Sa katunayan, sa karamihan ng pagkakataong pinag-uusapan ang o ipinapakita ang mga video ng mga Bat- og, Tukak, at Karag ay itinatambal sa kanila ang nakakatakot (ominous) na musika.

Sa isang bahagi ng “Actual Hatching of a Philippine Crocodile,” naging magkatunggali ang mga itlog ng Bukarot at mga Fire Ant. Sa episodyo na ito, ang mga langgam ang kontrabida sa buhay ng mga itlog at mga bagong labas na Bukarot. Upang maipakita ito, sa isang seksiyon ng dokumentaryo, isinabay ang isang nakakatakot na musika sa pagsambit ni Doc Nielsen ng “Ay, what’s that? May langgam na! Ayan o, may langgam na. Naku, ‘eto na ‘yung

(19)

sitwasyon na complaint nila na mga ants ay pumapasok na sa mga eggs nila, no, sa mga nest nila…” Ang ganoong klase ng musika ay nakakadagdag sa drama at pagpapatibay ng pagiging antagonista ng mga langgam at pagiging biktima ng mga Bukarot.

Noong nagpakita naman ng footage ng mga itlog ng buwaya na nilalanggam na (Tingnan ang Larawan 10), nilapatan ito ng nakakatakot na musika upang ipagdiinan ang panganib na maaaring idulot ng mga Fire Ant sa mga hindi pa naisisilang na Bukarot.

Larawan 10. Itlog ng Bukarot na nilalanggam. Screenshot mula sa “Actual Hatching of a Philippine Crocodile.”

Pangalawa namang tipo ng salungatan ay ang hayop laban sa tao. Sa

“Actual Hatching of a Philippine Crocodile,” isiniwalat ng programa na hindi lamang mga langgam ang panganib na kinakaharap ng mga Bukarot. Kasama na diumano ang mga tao sa mga kontrabida sa kanilang pamumuhay. Sinabi ni Doc Nielsen, “Pero ang mas matinding kalaban pa na kanilang hinaharap ngayon–ang mga tao” na nakikita rin silang panganib, lalo na sa mga bata.

Sa “Cebu’s Endemic Wild Animals” naman ay ipinakita na kahati o kalaban ng mga buhay iláng maging ang mga humigit-kumulang na apat na milyong tao sa Cebu sa mga biyaya at benepisyo na makukuha sa kagubatan, tulad ng pagkain, materyales, at inuming tubig (groundwater).

(20)

Obhektipikasyon: Buhay Iláng bilang Pangangailangan ng Tao

Pangatlong uri ng obhektipikasyon ay ang pagkilala sa mga hayop sa dokumentaryo hindi bilang kapantay ngunit bilang mga kasangkapan upang mapunan ang iba’t ibang pangunahin o sekundaryong pangangailangan ng mga tao. Ang obhektipikasyong ito, ani Malamud, ay “reductionist” dahil binibigyang-halaga lamang nito ang mga hayop ayon sa mga benepisyo nito sa mga tao (158).

Mapanganib daw ang ganitong representasyon ng mga hayop dahil hindi nito inihahayag at itinataguyod ang ekosentrikong pananaw na nagsasabing ang lahat ng bahagi o miyembro ng isang ekosistema ay pantay-pantay ang mga karapatan, pribilehiyo, at kakayahan. (Malamud 158).

Mapapansin ito sa episodyo na “Camiguin Hanging Parrots” nang ipinaliwanag ng kinapanayam ni Doc Nielsen ang dahilan kung bakit kailangang pangalagaan ang ibong nabanggit sa pamagat. Aniya, “…

importante ‘yan dito sa Camiguin lalo ‘yan [dahil] ‘yan din ang nagdidisperse ng mga seeds diyan sa forest. Tumutulong ‘yan magtanim sa forest natin po.”

Ang pakinabang ng paglago ng kagubatan na sinambit dito ay hindi lamang para sa mga hayop kundi para rin sa mga taong naninirahan sa Camiguin.

Bukod pa sa benepisyo ng mga Camiguin Hanging Parrots sa pagpapalago ng kagubatan sa nasabing probinsiya, binigyang-diin din ni Doc Nielsen ang kahalagahan ng pangangalaga sa mga ito upang mapunan nila ang kakulangan sa mga saliksik ukol sa kanila. Sinabi ni Doc Nielsen, “Endemic o sa Camiguin lang makikita ang Camiguin Hanging Parrot. Kaya naman mas kailangan silang protektahan lalo na’t wala pang gaanong pag-aaral tungkol sa kanila, kasabay pa rito ang pagkonti ng mga gubat sa bansa.” Ang pangangailangang pinupunan naman ng ibon ay ang pangangailangan ng tao ng karagdagang kaalaman.

Sa “Capturing an Invasive Species of Frogs” naman, nabigyang katuwiran ng espesyalista sa buhay iláng na si Anson Tagtag ang paghuli ng mga mapanakop na uri ng palaka dahil maaari namang kainin ang Tukak. Sinabi rin ni Doc Nielsen, “Dito sa La Union, hinuhuli at ibinebenta ni Mang Jose ang mga palaka dahil edible o puwede itong kainin.” Bukod pa riyan, sa panayam naman niya sa parehong episodyo sa isang nanghuhuli ng Tukak, binigyang-diin niya ang benepisyo ng mga mapanakop na uri palaka sa hanapbuhay at pangkain ng mga taong humuhuli o kumukonsumo nito.

(21)

Konklusyon

Mapapansin na kumikiling sa antroposentrikong pananaw, o ang pagbibigay ng mas mataas na pribilehiyo o karapatan sa mga tao kumpara sa mga hayop at iba pang bahagi ng kalikasan, ang Born to be Wild dahil sa paggamit nito ng human gaze sa paghulma ng kanilang mga episodyo. Sa pamamagitan ng pagsasalalarawan at pagsasakatawan sa mga hayop sa ilalim ng mga tropo ng infantilisasyon at obhektipikasyon, nabibigyang-diin ang subalternidad nila na maituturing na hindi kompleto at hindi wastong representasyon.

Gaya ng isinulat ni Lömborg, ang mga ganitong uri ng tagibang na imahen ng kalikasan sa midya ay maaaring magdulot ng mga hindi magandang impluwensiya na nabanggit na sa mga unang bahagi ng sanaysay. Upang mabigyan ito ng solusyon, mainam na sumubok ding magtampok ang mga prodyuser ng mga produkto sa midya ng iba pang perspektiba tulad ng ekosentrismo, eko-Marxismo, eco-feminismo, at maging ng mga katutubong pananaw.

Ang kritisismo ni Goodall sa mga dokumentaryo tungkol sa kalikasan ay naaangkop din bilang deskripsiyon sa representasyon ng mga buhay iláng sa Born to be Wild. Sa pangkalahatan, ipinapakita ng nasabing programang pantelebisyon na maganda pa rin ang sitwasyon ng mga buhay iláng sa Pilipinas. Bagamat ilang beses na sinasabi ng mga host ng programa na ang ilang mga species ay nanganganib nang maubos (endangered), daglian lamang ito at hindi masyadong napagtutuonan ng pansin. Mas nakatuon ang mga episodyo na naaral dito sa pagpapakilala sa mga katangian at gawain ng mga hayop na naitampok.

Kung tunay na nais ng programa na maabot ang kanilang layunin—“to take environmental concerns closer to home through real encounters in the wild and gripping presentations of environmental issues” (GMA News Online)—mas angkop na bigyan nila ng karagdagang-pansin ang pagtalakay sa mga usaping pangkalikasan na nakakaapekto sa mga buhay iláng, ang mga puno’t dulo nito, at ang mga maaaring solusyong angkop sa sosyo-kultural na konteksto ng lugar kung saan ipapatupad.

Gayumpaman, hindi inaako ng sanaysay na ito ang pagiging kompletong diskusyon ukol sa representasyon ng buhay iláng sa Born to be Wild. Sa higit sa sampung taon ng nasabing programang pantelebisyon, napakarami na nilang naitampok na mga hayop sa kanilang programa. Ibig sabihin nito, ang mga naaral sa saliksik na ito ay maliit na bahagi lamang ng bilang ng

(22)

pa ng pag-aaral ng mas maraming episodyo nito. Kailangan ding aralin ang politikal na ekonomiya ng paggawa ng GMA Network at ng iba pang estasyon ng mga dokumentaryong pangkalikasan upang mas maintindihan din ang mga dahilan, motibasyon, at hadlang na nakakaimpluwensiya sa kanilang pagprodyus, paghulma, pamimili ng paksa, distribusyon, at pagkonsumo ng nasabing uri ng programang pantelebisyon.

Muli, ang pag-aaral at pagtalakay sa representasyon ng mga hayop sa mga dokumentaryo at iba pang uri ng midyang pangmadla ay mahalaga upang mabigyang-pansin ang mga pagkakamali sa mga representasyon na kailangang maiwasto. Makakatulong din ito upang malaman ang mga tamang paglalarawan at pagtatampok upang maipagpatuloy o magaya ito ng iba pang magagawa ng programang pantelebisyon sa hinaharap.

Mga Sanggunian

Arendt, Florian at Jörg Matthes. “Nature Documentaries, Connectedness to Nature, and Pro-Environmental Behavior.” Environmental Communication, tomo 10, blng. 4, 2014, pp. 453-472.

Ashcroft, Bill, et al. Post-colonial Studies: The Key Concepts. Ikalawang ed.

Routledge, 2007.

Barbas, Tasos A., et al. “The Effect of Nature Documentaries on Students’

Environmental Sensitivity: A Case Study.” Learning, Media and Technology, tomo 34, blng. 1, 2009, pp. 61-69.

GMA News Online. “Born to be Wild Premiers Nov 28 at GMA.” GMA News Online, 8 Nobyembre 2007, gmanetwork.com/news/news/

nation/67838/born-to-be-wild-premiers-nov-28-at-gma/story/.

Binuksan 16 Setyembre 2018.

Calabias, John Kervin Cesar B. “Selected Songs of the Salidummay Cultural Group: An Initial Marxist-Ecocritical Assessment.” Unsettling Discourses: The Theory and Practice of Indigenous Studies: Proceedings of the 2013 International Seminar-Workshop on Indigenous Studies. Cordillera Studies Center at Tebtebba Foundation, 2014, pp. 303–315.

Department of Environment and Natural Resources. “Facts and Figures.”

Biodiversity Management Bureau, bmb.gov.ph/388-protection-and-

(23)

conservation-of-wildlife/facts-and-figures. Binuksan 31 Agosto 2018.

Huggan, Graham at Helen Tiffin. Postcolonial Ecocriticism. Routledge, 2010.

Lerner, Jeniffer E. at Kalof, Linda. “The Animal Text: Message and Meaning in Television Advertisements.” The Sociological Quarterly, tomo 40, blng. 4, 1999, pp. 565-586.

L’Estrange, Sarah. “Are Wildlife Documentaries Contributing to Environmental Ignorance?” ABC, 29 Agosto 2014, abc.

net.au/radionational/programs/archived/animalpeople/

wildlife-documentaries-and-environmental-ignorance/5700890.

Binuksan 16 Setyembre 2018.

Lömborg, Bjorn. The Skeptical Environmentalist: Measuring the Real State of the World. Cambridge University Press, 2001.

Malamud, Randy. “Looking at Human Looking at Animals.” Critical Animal and Media Studies: Communication for Non-Human Animal Advocacy, pat.

Núria Almiron et al. Routledge, 2016, pp. 154–168.

Rogers, Holly. “Introduction: Music, Sound and the Nonfiction Aesthetic.”

Music and Sound in Documentary Film, pat. Holly Rogers. Routledge, 2015, pp. 1-19.

Shohat, Ella at Robert Stam. Unthinking Eurocentrism: Muticulturalism and the Media. Routledge, 1994.

Telles, Jason Paolo R. “Imaging Indigenous Relationships with Nature: The Case of Igorot Music Videos.” Southeast Asian Ecocriticism: Theories, Practices, Prospects, pat. John Charles Ryan. Lexington Books, 2018, pp. 87–111.

---. “Televised Ecotopianism: An Ecocritical Analysis on Environmental Risk and Risk Reduction Discourses in Philippine Environmental Documentaries.” SEARCH: The Journal of the South East Asia Research Centre for Communication and Humanities, tomo 7, blng. 2, 2015, pp.

61-82.

(24)

Mga Video

“Born to Be Wild: Actual Hatching of a Philippine Crocodile.” YouTube, GMA Public Affairs, 14 Agosto 2017, youtube.com/

watch?v=26Rm86ZoZj4. Binuksan 8 Setyembre 2018.

“Born to Be Wild: Appreciating the Beauty of the Philippine Temple Pit Viper.” YouTube, GMA Public Affairs, 25 Setyembre 2017, youtube.

com/watch?v=kt_j1pziD68. Binuksan 8 Setyembre 2018.

“Born to Be Wild: Bird Watching at Capayas Creek.” YouTube, GMA Public Affairs, 6 Agosto 2017, youtube.com/watch?v=BYobnrsUdKk.

Binuksan 8 Setyembre 2018.

“Born to Be Wild: Capturing an Invasive Species of Frogs.” YouTube, GMA Public Affairs, 17 Setyembre 2017, youtube.com/

watch?v=5MEp06EUL8w. Binuksan 8 Setyembre 2018.

“Born to Be Wild: Cebu’s Endemic Wild Animals.” YouTube, GMA Public Affairs, 10 Setyembre 2017, youtube.com/watch?v=3vNqmvhLEVg.

Binuksan 8 Setyembre 2018.

<END OF ARTICLE>

Mga Sanggunian

NAUUGNAY NA DOKUMENTO

Kung kaya’t mahalaga rin ang pagtalakay sa mga kaganapan at kondisyon noon na naghulma sa isang lipunang batbat ng alyenasyon; upang maipakita na tunay ngang umiiral ang ganitong