• Walang Nahanap Na Mga Resulta

Pader sa Dalawang Mundo

N/A
N/A
Protected

Academic year: 2023

Share "Pader sa Dalawang Mundo"

Copied!
28
0
0

Buong text

(1)

Pader sa Dalawang Mundo

Autoheograpiya ng Isang Burgis

Jerome D. Ignacio Abstrak

Ayon kay Georg Simmel, makikita sa pang-araw-araw na pamumuhay at pagkilos ng mga tagalungsod ang tinatawag na blasé attitude, ang manhid na pakikitungo sa kapwa. Bagaman iniuugat ni Simmel ang blasé attitude sa dami ng nagsasalikop na karanasang nagpapapurol sa pandama ng taga-lungsod, layunin ng papel na ito na siyasatin kung paano nahuhulma ang blasé attitude bunga ng mga nililikhang pader, kongkreto at epistemiko, na nagtatakda ng demarkasyon ng espasyo ayon sa antas ng lipunan. Gamit ang iba’t ibang personal na karanasan mula sa pamumuhay sa eksklusibo at gated community sa tabi ng EDSA hanggang sa pagsakay sa pribadong sasakyan, iniuugnay ng papel na ito ang paghulma ng blasé attitude sa mga ironiyang kinahaharap sa lungsod ng buhay-burgis.

Mga Panandang Salita

autoheograpiya, burgis, blasé attitude, gentrification, gated communities, Quezon City, city studies, spatial politics

(2)

Panimula

Noon, wala akong maibahagi kapag pinagmulan ang pinag-uusapan.

Noong nasa kolehiyo ako, hindi naiiwasan ang mga tanong ukol sa pinagmulan kong probinsiya. Sapagkat nagaganap ang mga pagsisiyasat na ito sa loob at labas ng Ateneo de Manila University, may mga nakalakip ritong hindi maiiwasang katotohanan. Una, sapagkat kumikilos kami sa loob at labas ng isang pangunahing unibersidad na may reputasyong de-kalibre sa kamalayang popular, hindi maikakailang ang Ateneo ay espasyo kung saan makikita ang agregasyon ng iba-ibang tao mula sa iba-ibang lugar ng Pilipinas. Pangunahing ipinagpapalagay kapag kaharap ang isang kamag-aral, lalo na kung bagong kakilala, na siya ay tagalabas ng Kalakhang Maynila na dumayo sa kabisera upang makatanggap ng de-kalidad na edukasyon at ng nakapaloob ditong puhunang panlipunan (i.e.

social capital).

Ikalawa, dahil nakatirik ang Ateneo sa kasagsagan ng Katipunan Avenue, isang pambansang kalsadang konektado sa iba-ibang pangunahing kalsada ng Kalakhang Maynila na binabaybay ang iba-ibang pangunahing distrito at komersiyal na espasyo ng lungsod, luwasan ang kalsadang ito ng iba-ibang tao hindi lamang mula sa iba-ibang lugar kundi mula sa iba-ibang antas din ng lipunan.

Hiwalay pa rito ang katotohanang halo-halong uri ng tao ang naeengganyong dumayo sa Katipunan upang magliwaliw sa mga sunod-sunod na nagtatayuang komersiyal na gusali, upang manirahan sa mga pribadong subdibisyong laan sa mga residente ng barangay Loyola Heights, sa sunod-sunod na nagtataasang mga condominium, at sa mga informal settlement na matagal nang nakatirik sa kagiliran ng Katipunan.

Dahil sa mga katotohanang ito, masyadong limitado, kung masasabi ngang limitado, ang populasyon ng Katipunan sa mga may-kakayahang ekonomiko upang papasukin ang kanilang mga anak sa mga eksklusibo ngunit mamahaling paaralang itinayo rito. Ang bumubuo sa populasyon ng Katipunan, samakatuwid, ay hindi monolitiko; bagkus, ang Katipunan ay espasyo ng agregasyon ng pinagsama-samang mga Pilipino mula sa iba-ibang pinagmulan at iba-ibang kalagayan sa buhay.

Sa harap ng gayong katotohanang kalakip ng kalunsuran, lalong-lalo na sa Katipunan, hindi nakagugulat kung ang ipinagpapalagay sa mga bagong kakilala ay tagalabas sila ng Maynila. Mahirap para sa aking sagutin ang tanong ukol sa sariling pinag-uugatan sapagkat sa harap ng agregasyon ng populasyon sa lungsod, nakikita ko rin ang sarili ko bilang ligaw na batang walang pinag-uugatan. Ang

(3)

tangi kong isinasagot—wala akong pinagmulan. Ipinanganak akong Manilenyo, lumaki akong Manilenyo, purong Manilenyo ako.

Problematiko ang pag-iisip kong iyon dahil una sa lahat, hindi maiiwasan na nakapanaklong sa usapin ng pinagmulan ang usapin ng hantungan, ng layong destinasyon. Higit pa, nakapailalim sa mga pag-uusap ukol sa hantungan at pinagmulan ang pagpapaigting sa dikotomiya ng siyudad at probinsiya, ng kabisera at rehiyon, ng sentro at laylayan. Paimbabaw at namumutawi sa pribilehiyo ang pag-unawa ko sa karanasan ko bilang karanasan ng hirap. Isang pribilehiyo ang pagkakaroon ng akses sa Ateneo dahil sa pisikal na lapit nito sa aking kinalakhang espasyo. Kumpara sa mga kamag-aral kong may pinagmulang ibang lugar, itinulak sila ng iba-ibang sirkumstansiya upang lisanin ang espasyong kinalakhan nila at dumayo sa isang dayuhang lugar para lamang magkaroon ng akses sa isang bagay na madaling-madali kong makakamit kung pag-uusapan ang pisikal na distansiya.

Ang pagsabing wala akong pinagmulan, na taga-Maynila lamang ako, ang paghahamak at pagsasantabi sa aking heograpikong posisyon sa kabila ng kalakip nitong pribilehiyo, ay sintomas ng manhid, limitado at problematikong pag-unawa sa aking heograpiko at politikal na posisyon. Ang pagtanggi kong iugnay ang sarili ko sa lungsod bilang aking pinag-uugatan ay pagpaparamdam ng ironikong pag-iral sa lungsod. Bagaman sa lungsod ako ipinanganak at lumaki, hindi ko nakikita ang aking sarili bilang kabahagi ng lungsod. Ang lungsod, ang pisikal na estruktura nito at maging ang agregasyon ng mga taong nakapalibot dito, ay mga kongkretong bagay na maaaring madadaan-daanan ngunit wala akong nararamdamang koneksiyon. Kung walang direktang kinalaman sa aking personal na pangangailangan at kagustuhan, wala akong pakialam. Hindi ang kabuoan, kundi tanging ang mga bahagi ng lungsod na personal kong mapakikinabangan, ang may kahulugan at kahalagahan sa akin.

Ang problematikong pananaw-lungsod na ito ay ang tinatawag ni Georg Simmel na blasé attitude. Aniya,

The essence of the blasé attitude is an indifference toward the distinctions between things. Not in the sense that they are not perceived, as is the case of mental dullness, but rather that the meaning and the value of the distinctions between things, and therewith of the things themselves, are experienced as meaningless. They appear to the blasé person in a homogeneous, flat and grey colour with no one of them worthy of being preferred to another (106).

May partikular na pagtingin, pag-iisip at pag-unawa sa kaniyang espasyo ang isang nagtataglay ng blasé attitude. Bagaman naroon siya sa lungsod, hindi

(4)

nalulubos ang kaniyang pamumuhay rito sapagkat wala siyang emosyonal na pakikiisa sa espasyo at sa mga taong kasama niya rito. Nagkakaroon lamang ng kahalagahan at kahulugan kung may maiaambag ito sa kahit anong aspekto ng pamumuhay ng taong may blasé attitude.

Idiniriin ni Simmel na ang blasé attitude ay isang kaugaliang taglay ng mga tagalungsod. Upang higit na maipaliwanag ito, itinambis niya ang magkaibang imahen ng tagalungsod at ng tagaprobinsiya kaugnay ng komunidad na kinabibilangan niya. Ang tagaprobinsiya, dahil sa pisikal na kaayusan ng rehiyon, ay higit na nakapagpapalaganap ng kapayapaan at pakikiisa sa buong komunidad, magkakilala man sila o hindi. Kabaligtaran naman nito ang imahen ng tagalungsod na, dahil nga sa blasé attitude, nagsasabuhay ng kani-kaniyang kaugalian, walang pansinan at walang pakialaman lalo na kung wala naman siyang kinalaman sa mga pinagkakaabalahan ng kaniyang kapwa.

Sa isang banda, maaaring punahin ang paglalarawan ni Simmel sa pamumuhay ng mga tao sa probinsiya bilang isang di-namamalayang pagpapaigting ng esensiyalisado at romantisadong imahen ng probinsiya. Sa kabilang dako naman, makikita nang lubusan ang blasé attitude sa mga tagalungsod, lalo na kapag ang mga tagalungsod ay nasa pampubliko at komersiyalisadong espasyo ng lungsod at sa mga espasyong transisyonal kung saan naghahalo-halo ang iba-ibang uri ng tao, katulad ng mga kalsada.

May dahilan kung bakit sa mga tagalungsod lamang makikita ang kaugaliang blasé attitude. Maiuugat natin ito sa kaibuturan ng lungsod—ang matinding pagpapahalaga at pangangailangan ng lungsod sa kapital. Ang puso at pulso ng lungsod ay nasa masaganang pagpapaikot ng pera sa loob at labas ng lungsod.

Kung walang umiikot at dumadaloy na pera, hindi magpapatuloy ang pagtubo at pag-unlad ng lungsod. Kaya’t hindi na lang nakagugulat na nasa balangkas ng tagalungsod ang blasé attitude. Lohiko na ang espasyong nagbibigay-halaga sa sariling “pagtubo” (sadyang paglalaro ng salita para sa growth/profit) ay magluluwal ng mga mamamayang ang pangunahing pinagbabatayan sa bawat pagkilos at pag-iisip sa lungsod ay ang sariling pagkakakitaan. Wika nga ni Simmel,

But money economy and the domination of the intellect stand in the closest relationship to one another. They have in common a purely matter-of-fact attitude in the treatment of persons and things... The purely intellectualistic person is indifferent to all things personal because, out of them, relationships and reactions develop which are not to be completely understood by purely

(5)

Baon-baon ang konsepto ng blasé attitude ni Simmel, ikakabit ko ito bilang pananaw-lungsod sa politikal na pagmamalay ng isang tagalungsod.

Ang tagalungsod na magiging lunsaran ng pagsusuri ay ang karanasan ko ng pagtubo at pagmamalay sa lungsod. Samakatuwid, layunin ng papel na ito na harapin at kilatisin ang mga multong nilikha ng aking pamumuhay sa lungsod bilang isang burgis. Tataluntunin, o mas tama yatang sabihing babagtasin, ko ang pisikal at epistemikong paglalakbay mula sa aking kinalakhang kapaligiran sa

“loob” ng kaligtasan ng gated subdivision patungo sa Katipunan, ang kalsadang higit na nagpamalay sa akin ng iba-ibang ironiya ukol sa aking identidad at sa aking pananaw-lungsod. Ang papel na ito, bilang isang autoheograpiya, ay isang pagtatangka sa pag-uugnay ng mga pagbabago sa moda ng mobilisasyon ng isang kabataang burgis sa pagbabago at higit na pagmamalay ng kaniyang politikal na posisyon.

Pinagmulan: Philam, Paraisong Pinalilibutan ng Pader

Tulad ng lahat ng mga paglalakbay, may pinagmumulan tayong lugar bago tayo makarating sa ating hantungan. Bago ko pag-usapan ang mga moda ng paglalakbay ko sa Katipunan, mainam munang paglimihan ang lugar na pinagmumulan at lagi ko rin namang inuuwian mula noon hanggang ngayon. Buong buhay ko, wala ako madalas masabi ukol sa pinagmumulan kong subdibisyon, ang Philam Homes. Sa isip ko, nasa antas ng pangkaraniwan ang komunidad na kinalakhan ko kaya’t hindi ko ito masyadong pinaglalaanan ng panahon upang pagmunihan.

Ngunit maling sabihin na wala itong angking salimuot, sapagkat kung titingnan pa lamang ang kasaysayan nito at itatambal sa karanasan ko ng pamumuhay at pagkahubog ko rito, isang mayamang minahan ng kahulugan ang matatagpuan.

Natalunton sa pag-aaral ni Michael Pante ng Quezon City na ang kasaysayan nito ng pabahay ay nakakawing sa yugto ng kasaysayan ng Pilipinas kung kailan katatapos pa lamang ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa tulong ng Estados Unidos, sinusubukan muling buoin ng bansa ang sarili nitong mga gusali, lalo na sa Kamaynilaan. Kaalinsabay ng rekonstruksiyong pansiyudad na ito ang Cold War ang ideolohikong digmaan na nagaganap sa buong daigdig na pinangungunahan ng Estados Unidos at ng USSR. Naging sityo ng Cold War ang Kamaynilaan sapagkat ang pagbibigay suporta ng Estados Unidos sa gobyerno ng Pilipinas sa rekonstruksiyon ng mga gusali ay ang paraan nito upang tiyaking hindi makapanghimasok ang ideolohiyang Komunista sa neokolonya nito. Sa panahon ding ito naging talamak ang rebelyong Huk sa mga rural na komunidad sa iba’t ibang panig ng lungsod. Kung dati, ang kinakalaban ng mga Huk ay ang

(6)

puwersa ng mga Hapon, ngayon ang kinakalaban ng mga Huk ay ang gobyerno ng Pilipinas.

Sapagkat ang Quezon City ay ang nagsilbing buffer zone sa pagitan ng urbanisadong Maynila at ng rural na mga probinsiya ng Luzon, naging mahalagang sityo ng panghihimasok ng mga komunistang puwersa, hayagan man o subersibo, ang lungsod na ito. Bukod sa estratehiya ng pagpupuwesto ng mga base-militar ng Estados Unidos at ng mga Kampo ng hukbong sandatahan ng Pilipinas sa Quezon City, naging estratehiya rin ang pagpopondo sa pagsasagawa ng mga pabahay sa Quezon City upang matugunan ang pangangailangan ng lumolobong populasyon ng bagong-silang na lungsod. Inaasahang ang pagtustos sa panlipunang pangangailangan ng tagalungsod ay ang magpapaamo sa populasyon upang tanggihan ang mga panghihikayat ng mga Huk na sumali sa kanilang puwersa (Pante 155-158).

Bagaman masalimuot na usapin ang kasaysayan ng pabahay na kontrolado ng gobyerno sa pamamagitan ng Philippine Homesite and Housing Corporation (PHHC), ang higit na nagpaunlad sa mga lupain ng Quezon City upang maging pabahay ng gitnang-uri ay ang mga pribadong kompanya. Isa na rito ang Philam Life Insurance Company na itinatag ilang taon lamang pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Daigdig na noo’y nagbibigay ng insurance sa mga gitnang- uri na nais magmay-ari ng bahay at lupa sa Quezon City. Ang kompanyang ito, sa pangunguna ng tagapagtatag nito na si Earl Carroll, ang siyang nanguna sa pagbuo ng isang pribadong subdibisyon matapos bilhin ang 43 ektaryang lupain sa hilagang bahagi ng West Triangle. Pagdating ng 1956, nabuo bilang isang pribadong komunidad, na kilala noon bilang ang pinakaunang “gated community”

sa Pilipinas, ang Philamlife Homes. Sa pagdisenyo ng subdibisyong ito, malay si Carroll na minomodelo ng Philamlife Homes ang mga subdibisyong suburban na noo’y patok sa Estados Unidos; kaya, ang mga unang disenyo ng mga bahay ay “single-detached bungalows with very low or no fences and spacious fronts and backyards” (Pante 182). Bilang pinakaunang gated community na inspirado sa disenyong suburban ng Estados Unidos, ang disenyo ng Philamlife Homes ang sinundang modelo ng sumunod pang mga gated community tulad ng Greenmeadows at Corinthian Gardens para sa mga may matataas na posisyon sa lipunan at ang White Plains Blue Ridge para sa mga gitnang-uri at taas-gitnang- uri (Pante 180-182).

Inilarawan ni Pante ang Philamlife Homes bilang isang komunidad sa ganang sarili nito. Ibig sabihin, kaya nitong tugunan ang pangunahing pangangailangan at kagustuhan ng mga residente nito nang malaya sa mundong nasa labas ng mga

(7)

bahay, ang mga “Manila-based white-collar workers earning 500 and 1000 pesos who, according to the company, felt the crunch of the housing shortage” (182), hindi rin basta-basta makapapasok bilang residente ang kahit sino. Kinakailangang dumaan muna sa aplikasyon ang may balak bumili ng lupa at bahay. Tinitiyak ng aplikasyong ito na ang nabubuong populasyon sa loob ng Philam ay isang komunidad na binubuo ng mga taong pasok sa kanilang pamantayan ng pagpili (183).

Ang pag-iral ng Philam at ng sumunod pang mga gated subdivision, mga pribadong espasyong laan para sa payapang pamumuhay ng mga nais takasan ang kalabisan ng urbanidad ng Maynila, ay mga pisikal na manipestasyon ng kabalintunaan ng pamumuhay sa lungsod. Binibigyan ng mga gated subdivision na ito ang mga residente nito ng pribilehiyo ng ligtas na pamumuhay sa konteksto ng rebelyong Huk at paglobo ng populasyon ng squatter sa Quezon City. Bagaman namumuhay sa iisang espasyo, sa Quezon City, namumuhay sa magkaibang mundo ng karanasan ang mga residente ng gated subdivision kumpara sa mga naninirahan sa mga House Projects ng PHHC. Mas lalo pang naiiba ang mundo ng karanasan ng mga squatter ng Quezon City.

Dalawa ang ibinigay ni Pante na salik kung bakit lumobo ang populasyon ng squatter sa Quezon City: una, sila ang mga pinalayas na mga squatter mula sa Maynila na naghahanap ng bagong matitirhan, at; ikalawa, sila ang mga nagmula sa probinsiya na naghahanap ng kaligtasang pangako ng kabisera sa harap ng panganib na dala ng sagupaan ng hukbo ng gobyerno at ng mga Huk (191). Ani Pante, ang mga espasyong tinirhan ng mga squatter ay bakanteng lote na dapat sana ay patatayuan ng mga gusaling lilipatan ng tanggapan ng iba-ibang ahensiya ng pambansang gobyerno, ngunit hindi natuloy dahil sa iba-ibang masalimuot na salik (198-199).

Sa konteksto ng katapusan ng Digmaang Pandaigdig, sama-samang hinaharap ng mga mamamayan ng Quezon City ang panganib na dala ng mga Huk at ng epekto ng kalabisan ng urbanidad, ngunit iba-iba ang pagdanas ng mga mamamayan. Ang kaligtasan mula sa mga panganib, na dapat ay pantay na natatamo ng bawat mamamayan ng iisang espasyo, ay hindi karapatang panlahat kundi pribilehiyo ng piling tao lamang. Ang problematikong kalikasan ng kaligtasan sa isang siyudad na may malinaw na paghahati-hati ng espasyo ayon sa kategorya, o gentrification, ay mas malinaw na naipaliwanag ni Mike David sa kaniyang “City of Quartz.” Gamit ang lungsod ng Los Angeles bilang halimbawa, ipinaliwanag niya na:

(8)

This epochal coalescence has far reaching consequences for the social relations of the build environment. In the first place, the market provision of ‘Security’

generates its own paranoid demand. ‘Security’ becomes a positional good defined by income access to private ‘protective services’ and membership in some hardened residential enclave or restricted suburb. As a prestige symbol – and sometimes as the decisive border-line between the merely well-off and the

‘truly rich’ – ‘security’ has less to do with personal safety than with the degree of personal insulation in residential, work, consumption and travel environments, from ‘unsavory’ groups and individuals, even crowds in general (Davis 194).

Ang kaligtasan, na nararapat tingnan bilang usapin ng dignidad, ay nagiging usapin ng ekonomikong kapangyarihan. Ang may sapat at labis na pera lamang ang maaaring makatanggap ng dagdag na kaligtasan sa hinaharap na problema ng lungsod. Ang walang ekonomikong kapangyarihan ay kinakailangang harapin ang problemang ito sa sarili lamang nila, minsan kasama ang limitadong serbisyong naibibigay ng pambansang gobyerno. Ang mga pader, ang mga gate ng Philam at ng iba pang mga pribadong subdibisyon ay naglalagay ng pisikal na demarkasyong naghihiwalay hindi lamang ng dalawang magkaibang mundo sa iisang espasyo, kundi naghihiwalay ng mga mamamayang naninirahan sa iisang lungsod. Dahil sa ekonomikong pagtingin sa kaligtasan, at dahil sa mga paghihiwalay na ibinubunga ng gentrification, nahihinog sa loob ng ligtas na gated community ang blasé attitude.

Sa kabila nito, masyadong simplistiko ang pagbibigay ng pangkalahatang paglalarawan sa lahat ng mga naninirahan sa gated subdivision bilang mga taong manhid at walang pakialam lamang sa mga dinaranas na problema ng mga tao sa labas ng subdibisyon. Bagaman sa larangan ng paninirahan, tunay na nakakulong ang mga residente sa isang paraiso sa ganang sarili nito na higit na ligtas kaysa sa labas, hindi maikakaila ang realidad na kinakailangan ding lumabas ng mga residente. Nasa labas ng mga pader ang mga lugar na pinagtatrabahuhan ng mga residente. Nasa labas ang mga mall, mga restawran, mga pamilihan, sinehan at iba pang mga rekreasyonal na lugar. Higit sa lahat, nasa labas ang mga paaralang nangangakong magbibigay sa mga anak ng residente hindi lamang ng edukasyong de-kalidad kundi ng dagdag na puhunang panlipunan. Samakatuwid, bagaman ang kalagayan sa loob ng gated subdivision ay isang kalagayang nakapagpapahinog ng blasé attitude, hindi puwedeng tanggalin ang mga panlabas na salik na maaaring lumansag sa pananaw-lungsod na ito—ang iba’t ibang karanasan ng mga residente sa labas ng mga pader. Samakatuwid, hindi monolitiko ang mga naninirahan sa loob ng gated community.

(9)

Mainam muling gamiting halimbawa ang Philam Homes para rito. Sa subdibisyong ito nanirahan ang ilan sa mga bahagi ng gobyerno ng dating diktador na si Ferdinand Marcos: Defense Minister Juan Ponce Enrile, Prime Minister Cesar Virata, Central Bank Governor Gregorio Licaros, Minister of Agrarian Reform Conrado Estrella. Upang maging bahagi ng isang administrasyon na lantarang sinentro ang kapangyarihan sa ehekutibo, isang administrasyong gumamit ng dahas upang mapanatili ang kapangyarihan, isang matinding pagkamanhid at pagbalewala sa kalagayan ng mga taong nasa labas ng kanilang karanasan ang kinakailangan, isang pagsasaibayo ng blasé attitude sa mas malawakang sakop. Sa kabila nito, nanirahan din sa Philam Homes ang isang kinikilalang malakas na tinig na kontra sa pandarahas at pandarambong ng gobyernong Marcos—si Edgar Jopson. Bagaman sa isang banda, maaaring namuhay siya sa isang komunidad na nagpapahinog ng pananaw-mundong blasé attitude, hindi siya nakulong sa kaniyang karanasan sa loob. Bilang isang estudyanteng aktibista, lumabas siya sa kaniyang pinagmulan at kinalakhang pamayanang de-pader, at dinanas at kinatagpo niya ang mundong nasa labas ng kaniyang mundo ng karanasan. Kaya’t nakaranas siya ng kamulatang politikal na nagpakilos sa kaniya buong buhay niya.

Hindi ko sinasabing katulad ko si Edjop. Napakalayo namin sa isa’t isa, kung tutuusin. Umabot siya sa karurukan ng kaniyang politikal na pagkamulat; ako naman ay nagmamalay pa lamang. Sa pamamagitan ng pagmumuni sa aking mga karanasan ng aking pagkabata sa loob ng Philam, hanggang sa mga karanasan ko ng paglalakbay mula Philam patungong Ateneo buong buhay-estudyante hanggang buhay-guro ko, hangarin kong maisatitik ang aking paglalakbay mula sa kalagayan ng blasé attitude patungo sa politikal na pagmamalay.

Pagsasakonteksto: Pagdayo Mula Probinsiya Pakabisera.

Mahalagang isaalang-alang ang konteksto ng aking pamilya upang maunawaan ang paglalakbay ko tungo sa politikal na pagmamalay. Sa madaling sabi, malateleserye ang tambalan ng aking magulang: mula sa mahirap na pamilya ang aking ina habang kabilang naman sa isang mayamang angkan ang aking ama.

Sa kabila ng pagkakaiba nila ng ekonomikong kalagayan, parehas silang mula sa probinsiya na naglakbay patungo sa Maynila.

Ang mga pamilyang pinagmumulan ng aking lolo (Ignacio) at lola (Matias) ay mga landed elite, mga pamilyang ligal na nagmamay-ari ng malalawak na ektarya ng lupa sa Bulacan. Hanggang ngayon, pagmamay-ari ng mga Ignacio ang

(10)

ilang mga lupa sa Sta. Maria. Ang iba’y ginagamit bilang pribadong pamamahay.

Ang iba naman, tulad ng aking lolo, sumalangit nawa, ay ginamit ang lupa upang magtayo ng babuyan at manukan.

Sa panig naman ng mga Matias, minana ng aking lola ang lahat ng pagmamay- aring lupa ng kaniyang mga magulang bilang isa siyang unica-hija. Ngunit sa buong buhay ng aking lola, ibinenta niya ang mga ito upang higit na makalikom ng pera. Bukod sa pag-iipon, ginamit ng aking lola ang perang nalikom upang makapagtayo ng sarili rin niyang manukang hiwalay sa negosyo ng aking lolo.

Nagpatayo rin ang aking lola ng sarili niyang bahay sa Sta. Maria na hiwalay sa bahay ng aking lolo. Higit sa lahat, bumili siya ng malawak na loteng kinatatayuan ng kompleks ng mga bahay sa Philamlife Homes noong mga unang bahagi ng dekada 1970. Ang bahay na ito sa Quezon City, malayo sa lupang kinalakhan ng aking lola buong buhay niya, ay ang bahay na nilipatan niya kasama ang lahat ng kaniyang mga anak, matapos makipaghiwalay sa aking lolo.

Hindi pagmamalabis kung tatawagin silang mga panginoong maylupa.

Gayunpaman, ang paraan nila ng pagkilos at pakikitungo sa mga nakikiupa sa kanilang lupa ay malayong-malayo sa karaniwang imahen ng panginoong maylupa. Sa isang banda, nananatili at napaiigting pa rin ang mga inaasahang paraan ng pagkilos at pakikisalamuha ng mga nangungupahan sa panginoong maylupa katulad sa iba pang may gayong ugnayan: ang pagpapaangat sa panginoong maylupa at pagbababa ng sarili ng umuupa.

Ngunit sa kabila ng pagpapaigting ng mga inantasang pagkilos at pag-iisip, lumilitaw na mapayapa at matiwasay pa ring namumuhay ang dalawang panig nang magkasama sa iisang espasyo. Maaaring ikumpara ang ugnayan ng mga pamilyang Ignacio at Matias sa mga nangungupahan sa kanilang lupa sa ugnayan ng mga Gantuangco at Regis sa Valladolid, Cebu, noong panahon ng Español.

Mula sa pag-aaral ni Resil Mojares, inilarawan ang ugnayan ng dalawang panig hindi bilang piyudal na relasyon kundi isang paternalistikong relasyon. Dahil sa gayong mapayapang ugnayan sa pagitan ng dalawang panig, patuloy na napayaman ang tradisyon ng linambay (o dulang komedya sa Cebu) kahit na nakararanas ang kanilang baryo ng ekonomikong paghihirap. Higit na mailalarawan ang ugnayang ito sa sumusunod:

Both Regises and Gantuangcos blended into the local community. This they did through a number of ways: actual residence in the barrio, active participation in the work in the fields, contributions of goods and services in communal activities (including the linambay productions) and the paternalistic patron-

(11)

client ties they established with tenants and villagers. They also acquired a fairly high degree of social legitimacy in the community through the affinal and ritual ties they formed with local families (Mojares 41).

Katulad ng mga Regis at Gantuangco, sangkot na sangkot ang aking lola sa mga pangyayari sa buhay ng mga residenteng naninirahan sa kaniyang lupa.

Hindi lamang sila nangungupahan, kundi nagtatrabaho rin sila sa ilalim ng aking lola bilang mga katuwang niya sa pagpapatakbo ng kaniyang manukan.

Itinuturing ng aking lola ang mga nakikitira sa kaniyang lupa bilang mga anak na pinasusuwelduhan niya upang magbigay ng serbisyo sa kaniya. Sa kabilang dako, tintingnan din ng mga nangungupahan ang aking lola bilang ina/ama na nagbibigay ng kanilang mga agarang pangangailangan, lalo na kung may problemang pangkalusugan o pinansiyal. Hindi ibig sabihin nito na perpektong- perpekto ang kanilang ugnayan. Hindi pa rin maihihiwalay ang usapin ng pag-aantas at ang mga magkaibang-magkaibang inaasahang pagkilos, pag-iisip at pagpapahalaga, ng tao batay sa kinabibilangan niyang uri.

Pinangangatawanan ng lola ko, kung gayon, ang pananaw-mundo ng isang panginoong maylupa, na may malaking impluwensiya sa aking pananaw-lungsod.

Sapagkat lumaki ako nang madalas kong nakakasama ang aking lola, lalo na at naninirahan kami sa iisang bahay, naging implwensiyal siya sa paghubog sa aking paraan ng pag-iisip at pagpapahalaga. Bukod sa isinasama niya papunta sa Philam ang ilan sa mga residente ng kaniyang lupain na nagsisilbing kasambahay rin niya, dinadala rin niya ako sa kaniyang bahay sa Sta. Maria, Bulacan, na kinilala ko bilang rest house niya na tinatawag na “Pulo.” Doon ko nakikita ang mga nangungupahan sa kaniyang lupa. Nakilala ko sila noon hindi bilang mga taong nangungupahan, kundi mga “ate” na tumutulong sa pangangalaga ng Pulo tuwing nasa Quezon City ang aking lola at nagpapatakbo ng kaniyang manukan. Kinilala ko ang mga ate na ito, pati na rin ang mga anak nila, bilang mga kadugo na rin, lalo na at inaalagaan at inaasikaso nila ako tuwing pumupunta ako sa Pulo.

Sa kabilang dako, hindi ko rin naiintindihan noon kung bakit laging hiwalay sila sa amin tuwing kumakain kami ng lola ko. Dahil nga wala akong nosyon noon ng paternalistikong ugnayan, lubos kong pinagtakhan, bagaman hindi ko kailanman tinanong, kung bakit tuwing panahon ng kainan, komportable kaming nakaupo ng aking lola sa mahabang mesa, habang nakatayo sa aming paligid ang mga kinikilala kong tita mula sa pulo. Inaasikaso nila ang aming pagkain, mula sa pagpapaypay sa amin upang mahanginan kami, sa pagpapaalis ng mga bangaw na lumalapit sa amin, hanggang sa paghahain ng panibagong pagkain sakaling naubos na ang nasa mesa. Tinanggap ko lamang ito nang walang pagtatanong.

(12)

At sa ganitong mga karanasan kasama ang aking lola higit nanormalisa sa aking pananaw-mundo ang nosyon na sadyang may mga taong iba ang karanasan sa karanasan ko. May mga taong nariyan para pagsilbihan ako. Bagaman oo, maaaring maging mabuti ang aming pakikitungo sa isa’t isa, ngunit sa huli, laging may mas nakatataas at may nakabababa. Sa ganitong paraan naikintal sa aking pananaw- mundo ang normalisasyon ng pag-aantas at pagtanggap at pagsasamantala ng pribilehiyo nang walang hayagang pagsasaalang-alang sa aking kapwa.

Ang bahay ng aking lola sa Philam ang nagsilbing bahay ng aking ama at mga tito at tita sa kanilang pagkabinata hanggang sila’y tumanda. Anim silang magkakapatid, at sa sobrang laki ng kompleks ay may sapat na espasyo para sa bawat isa kahit nang magkaroon na sila ng sariling pamilya.

Noong nagpakasal ang aking magulang, nangupahan ng lupa at bahay ang aking ama sa Sta. Maria, Bulacan. Sinikap ng tatay kong maging padre de pamilya at buhayin ang kaniyang asawa at unang anak. Bilang nagtapos ng kursong Economics sa Ateneo de Manila, hindi naging mahirap para sa aking ama na makahanap ng trabaho na makatitiyak na makakapamuhay siya nang maginhawa.

Pumasok ang aking ama sa noo’y bagong kompanya pa lamang, ang Unilab, na ngayo’y higante nang kompanyang lokal. Dahil maagang nag-asawa ang aking ama, at sa katunayan ay ipinanganak na ang aking kuya noong ikinasal sila, naging isyu ang usapin ng maginhawang pamumuhay dahil sapat na sapat lamang ang kinikita ng ama ko.

Dinanas ng aking dalawang nakatatandang kapatid ang mga unang taon ng pinansiyal na hamon sa aking mga magulang. Sa huli, napagdesisyunan ng aking magulang na bumalik sa paninirahan sa Philam Homes kasama ang aking lola at ang iba ko pang mga tito at tita. Ang desisyong ito ng muling pagbabalik sa kaligtasan ng Philam ay bunsod hindi lamang ng hinarap ng pamilya na mga ekonomikong hamon, kundi dala rin ng hirap sa mobilidad. Magsisimula nang mag-aral ang pinakamatandang kuya ko noon sa Ateneo Grade School, at bagaman may sasakyan ang aking ama dala ng pribilehiyo ng kaniyang trabaho bilang product manager, impraktikal na magpatuloy na mamuhay sa Bulacan dahil sa isyu ng mobilidad. Mula sa paaralan hanggang sa lugar ng pinagtatrabahuhan, lahat ng mga lugar na kailangang mapuntahan ng aking magulang nang madali ay nasa Kamaynilaan.

Ipinanganak ako noong 1993, at sa panahong iyon, naninirahan nang muli ang aking pamilya sa paraiso ng Philam Homes. Samakatuwid, magkaiba ang naging karanasan ko ng pagpapalaki kumpara sa dalawa kong kuya. Naabutan ng

(13)

aking mga kuya, bagaman sa batang edad, ang panahong naninirahan ang pamilya sa rural na kapaligiran, at nararanasan nila ang paglalakbay papunta at pabalik mula sa Quezon City upang mapuntahan ang mga lugar na hindi mapupuntahan sa probinsiya. Dahil din namumuhay ang magulang ko nang malaya sa aking lola, higit na naging matipid at praktikal ang aking magulang sa paggamit ng pera. Laging isinasaalang-alang ng aking ama ang kahalagahan ng pagtitipid.

Ang katangiang ito ay kitang-kita kong isinasabuhay ng mga kuya ko hanggang ngayon. Kabaligtaran nito ang naranasan kong pagpapalaki, na mas pag-uusapan ko sa susunod na bahagi.

Kabaligtaran naman ang kalagayang pang-ekonomiko na kinahaharap ng pamilya ng aking ina. Ang aking ina ay bahagi ng angkang Dator, isang malaking angkang may impluwensiya sa Lucban. Sa kabila ng impluwensiya ng mga Dator sa Lucban, ang pamilya na sinimulan ng aking lolo ay nanirahan sa Labo, Camarines Norte, isang munisipyo sa hangganan ng Calabarzon at Bicol, sapagkat iyon naman ang lupang kinalakhan ng aking lola. Bilang sastre ang aking lolo at modista naman ang aking lola na may sapat na kapital, sinubukan nilang ilaan ang kapital na ito sa pagdayo sa Kamaynilaan upang doon makipagsapalaran.

Bukod sa puhunan para sa kanilang negosyo, inilaan nila ang nalalabing pera sa pagbili ng isang maliit na tahanan sa isang makitid na eskinita sa Mandaluyong na tinatawag na “Backside.” Sementado ngunit waring hindi tapos ang kalsada, payak na payak ang pagkakadisenyo ng de-kahoy na bahay. Dikit-dikit pa ang pagkakayari ng mga bahay – sa katunayan, de-kahoy na pader lamang ang nagsisilbing hangganan sa pagitan ng bawat bahay. Tila dinisenyo ng gobyerno ng Mandaluyong ang murang pabahay na ito upang maging sapat na pabahay para sa mabababa ang suweldo. Isang komunidad ang Backside ng mga nakapag- ipong pamilya ng manggagawang urban at mga dayo mula sa malalayong probinsiya na naghahanap ng kaginhawaang ekonomiko na pangako ng siyudad.

Ito ang kinalakhang komunidad ng aking ina, at ito ang humubog sa kaniyang pragmatikong pananaw-lungsod.

Sapagkat hindi naging malaking tagumpay ang negosyo ng aking lolo na kinailangan din nitong magsara, tila napako ang pamilya sa kanilang tahanan sa Backside, naghahanap ng iba-ibang posibleng solusyon upang tugunan ang kakapusang pinansyal. Pumasok ng kolehiyo ang aking ina at mga tita, at kapansin-pansin sa kanilang mga piniling kurso ang kanilang pananaw- lungsod. Nakapagtapos ng kursong Secretarial ang isa kong tita, at ang isa pa ay nakapagtapos ng kursong Managerial. Kakaiba ang ina ko sa iba niyang mga

(14)

kapatid. Nakapag-aral siya sa kolehiyo ng Accounting ngunit hindi niya ito tinapos dahil niyaya siyang magpakasal ng aking ama bago pa niya matapos ang pag-aaral.

Ironiko ang naging kapalaran ng magkakapatid. Bagaman hindi nakapagtapos ang aking ina, nakaangat naman siya dahil ang napangasawa niya ay nagmula sa isang mayamang pamilya. Bagaman hindi nakapagtapos ng pag-aaral, may seguridad na ang ginhawa ng buhay ng kaniyang pamilya dahil may tinitirhan na silang permanteng lote at bahay sa eksklusibong gated community pa ng Philamlife Homes. Dagdag pa na nagtapos ng kursong Economics ang aking ama sa Ateneo de Manila, kaya’t madali itong nakakuha ng trabaho sa Unilab, noo’y isang bago at lokal na kumpanya na nagbebenta ng mga gamot. Ligtas ang kanilang pamumuhay dala ng pader ng gated community, tiyak din ang ginhawa ng buhay dahil sa pinansiyal na seguridad na dala ng trabaho at pamilya ng aking ama.

Sa kabilang dako, nanatili namang nakapugal sa kanilang kalagayang ekonomiko ang aking mga tita kahit nakapagtapos sila ng pag-aaral dahil sa iba-ibang dahilan. Napangasawa ng tita kong nakapagtapos ng Secretarial ang kanilang kapitbahay sa Backside. Ang asawa niyang ito ay walang permanenteng trabaho; bilang isang manggagawang kontraktuwal, nakasalalay ang kaniyang trabaho sa pagkakaroon ng proyektong kailangang isagawa. Hindi rin nakatulong na bagaman nakapagtapos ng Secretarial, hindi rin nagtagal ang aking tita sa pagtatrabaho bilang kalihim dahil sa sunod-sunod nitong pagdadalantao at panganganak (nagkaroon siya ng limang anak). Dahil dito, higit na naging matimbang para sa kaniya ang panawagang tupdin ang kaniyang gampanin bilang ina. Ngunit bilang isang madiskarteng Pilipina, nagawan niya ng paraan upang makatulong sa pagtugon sa pinansiyal na kakapusan ng kanilang pamilya.

Nagtayo siya ng sariling sari-sari store sa bukana ng kanilang bahay sa Backside kaya’t bagaman hindi malaki, lagi namang may handang pera sa panahon ng pangangailangan.

Sa kabuoan, nagsimula silang magkakapatid sa iisang kalagayang ekonomiko.

Gayunpaman, ang ina ko ay matagumpay na nalampasan ang kalagayang ito habang patuloy na hinaharap at kinakabaka ito ng aking mga tita, lola at lolo sa Backside. Kasabay ng pagbabago ng kalagayang ekonomiko ang pagbabago ng espasyong itinuturing ng aking ina bilang tahanan. Nakalabas na ang aking ina sa mainit, siksikan at hindi komportableng pamumuhay sa looban ng Backside habang nananatili ang aking tita rito. Sa pagpapakasal sa isang lalaking mula sa

(15)

mataas na antas ng lipunan, nagkaroon din ng eksklusibong akses ang aking ina upang matamasa ang pribilehiyong dala ng paninirahan sa Philamlife Homes.

Muli, nabibigyang-diin sa magkaibang karanasan ng aking ina at tita ang isa sa mga pangunahing punto ni Mike Davis: ang pagkakahon sa seguridad sang-ayon sa ekonomikong halaga nito ang siyang higit na nagpapalawak ng puwang sa pagitan ng mundo ng karanasan ng dalawang taong pinagtatagni hindi lamang ng espasyo, kundi ng dugo rin.

Ang biglaang pagbaligtad ng mundo ng aking ina mula sa mundo ng Backside patungo sa mundo ng Philamlife, dagdag pa ang ginhawang dala ng pamumuhay sa loob ng Philamlife Homes, ang nagtakda sa protektibo at malayaw na pag-aaruga sa akin ng aking ina. Ngunit tulad ng nabanggit kanina, hindi agad-agad na pumasok ng Philam ang mga magulang ko. Bumukod muna sila at sinubukang magtayo ng sariling tahanan sa Bulacan. Sapagkat repleksiyon ang tirahan sa ekonomikong pamumuhay ng aking magulang, sinasalamin din nitong dalawa ang paraan ng paggamit ng pera upang tustusan ang pagpapalaki sa mga anak nila. Samakatuwid, pinalaking nagtitipid nang husto at may mabigat na pagbibigay-diin sa halaga ng maayos na pangangasiwa ng pera ang aking dalawang nakatatandang kapatid dahil sa di-tiyak na kalagayang ekonomiko ng aming pamilya nang nagsarili ang aking ama malayo sa seguridad ng Philam. Sumusunod sa gayong lohika, sapagkat ipinanganak ako at pinalaki sa panahong bumalik na ang mga magulang ko sa Philam upang pagsamantalahan ang pribilehiyo ng seguridad ng pagkakaroon ng paninirahan na inaalok sa amin ng aking lola, higit na nakaluwag ang aking ama kaya’t nakayanan ng aking mga magulang na tustusan lahat ng mga pangangailangan at gusto ko. Ang seguridad na alok ng pamumuhay sa loob ng paraiso ng Philamlife, kung gayon, ang nakapagbigay ng kumpiyansa sa aking magulang, lalo na ang aking ina, upang mas maging bukas- palad sa paggamit ng pera. Kaya’t kaibang-kaiba ang pagpapalaking naranasan ko kumpara sa aking mga kuya. Bunga rin nito ang ibang-ibang pananaw-mundo namin sa lungsod.

Huli, bilang residente ng Philamlife Homes, muli isang gated community na minodelo sa mga pamayanang suburban ng Estados Unidos, hinangad ng aking ina na ang kaniyang pagpapalaki sa akin ay maging repleksiyon ng kaniyang pag-unawa sa pag-aaruga sang-ayon sa konserbatibong kanluraning modelo:

ang ina bilang maybahay, ginagampanan ang mga domestikong gampanin habang umaalis ang aking ama upang makapaghanapbuhay. Kaalinsabay nito ang paghahangad ng ekonomikong kaginhawahan para sa pinalalaking anak, kaya’t tinutugunan ang lahat ng mga hiling at nais ko. Ito ang pag-unawa ng aking ina sa

“American Dream,” at ang bunga nito ay ang paghulma ng aking blasé attitude.

(16)

Ang Paghatid-sundo ng Pribadong Sasakyan

Sa aking kabataan, nanirahan ako sa iisang silid kasama ng aking magulang. Sa nirekonstrak na bahagi ng kompleks sa Philam na ligal na inilipat sa pangalan ng aking ama, nagpagawa ang aking ama ng dalawang hiwalay na silid-tulugan sa ikatlong palapag na laan para sa aming magkakapatid. Ngunit kahit na malaki ang isang kuwarto at dinisenyo talaga para sa dalawang tao, hindi ako nanirahan doon.

Mas pinili ko pa ring maglatag ng kutson sa tabi ng kama ng aking mga magulang doon sa master’s bedroom sa ikalawang palapag. Nakahihiyang aminin, ngunit nanirahan ako sa silid-tulugan ng aking magulang mula bata ako hanggang nasa ikatlong taon na ako sa kolehiyo, kung kailan bumukod na ang aking panganay na kapatid at naging bakante ang iniwan niyang silid-tulugan.

Ang takot kong humiwalay sa literal na tabi ng aking magulang, lalo na ng aking ina, sa pagtulog, ay manipestasyon ng pagpapalaki sa akin bilang isang batang may matinding pagdududa at pangamba sa lahat ng mga taong nasa labas ng aking karanasan. Buong pagkabata ko, ikinintal sa isip ko ng aking ina na mapanganib sa labas ng bahay, kaya’t kailangang pagdudahan lagi ang mga di-kakilalang lumalapit sa akin, o kahit tumitingin sa akin.

Dahil dito, mainit ang mata ng ina ko sa akin; ibig sabihin, lagi’t laging alam niya kung nasaan ako. Bilang bata, hindi ko rin naman talaga hilig ang paglalabas ng bahay, marahil di-malay na manipestasyon na nga ng protektibong pagpapalaki sa akin ng aking ina, kaya’t madalas nasa loob lang ako ng bahay. Ang pinakalibangan ko na bilang bata ay ang panonood ng telebisyon.

Hindi nakatulong na ang mga tumatak sa aking isip na mga palabas sa telebisyon sa aking pagkabata ay dalawang klase ng palabas: una, ang mga cartoon at live-action teen flick sa Cartoon Network, Disney Channel at Nickelodeon, at; ikalawa, ang mga pinanonood ng aking mga magulang na palabas sa ABS CBN na nagpapakita ng krimen at talamak na modus operandi ng mga kriminal na nagaganap noon. Sa isang banda, ang suburban, ang gitnang-uring kalagayan ng mga tauhan sa mga napapanood kong palabas sa Nickelodeon noon ay sumasalamin sa pamumuhay at kapaligirang kinalakhan ko sa Philam. Sa kabilang banda, dahil nga bihira akong lumabas ng aking bahay mas lalo na sa labas ng mga pader ng Philam, ang mga napapanood ko sa telebisyon ukol sa kalakhang Pilipinas ang naging pinakaunang kongkretong imahen ko ng Pilipinas bilang bansang pulos kahirapan, kriminalidad, karahasan, mababang kalidad ng serbisyong panlipunan at paglalamangan ng isa’t isa. Dahil sa mga palabas na ito, higit na nanormalisa sa aking pananaw ang magkakambal na pananaw ukol sa mundo sa

(17)

suburbia ng Estados Unidos, ay ang karaniwang lagay ng buhay dahil nakikita ko ang aking kinikilalang tahanan sa pisikal na kapaligiran at sa mismong paraan ng pamumuhay ng mga tauhan na dumaranas ng mga pang-araw-araw na sitwasyon at problema sa Nickelodeon. Sa kabilang banda, ang labas ng Philam ay ang sityo ng panganib. Siguradong makararanas ako ng panlalamang at pananakit, katulad ng mga napapanood ko sa ABS CBN, kapag ako ay lumabas ng Philam.

Katulad ng normalisasyon ng pag-aantas na naranasan ko kasama ng aking lola, naging normal sa aking realidad na kailangan kong maglagay ng pader sa mga taong hindi ko kilala, lalo na sa mga panahong lumalabas ako sa kaligtasan ng Philam, upang matiyak na ligtas ako. Dalawa lang naman ang dahilan kung bakit ako lumalabas ng Philam: ang pagpunta sa mga mall kasama ng aking pamilya para sa aliw at ang pagpunta sa paaralan.

Sa buong pagkabata ko, hindi ako kailanman pumunta sa mall nang mag-isa.

Lagi’t laging kasama ko ang aking ina. Kapag sinabing mall, ang iniuugnay kong alaala rito ay pagkain, sine at pamimili. Mahilig kaming lumabas at pumunta ng mall upang kumain sa iba-ibang restawran. Sa katunayan, maaaring ang maaga kong pagdanas ng iba-ibang uri ng pagkain mula sa iba-ibang bansa ay ang nagpalawak at nagpalalim sa aking panlasa. Bukod sa pagkain, madalas din kaming manood ng sine. Katulad ng pagkahilig ko sa telebisyon, hilig ko ring manood ng pelikula. Para sa akin, kakaiba ang pakiramdam ng panonood ng pelikula kumpara sa panonood ng telebisyon. Dahil sa pagdilim ng sinehan at sa laki ng pinilakang telon na kinahaharap ko, ang tanging nadaratnan lamang ng aking pandama ay ang naratibong nasasaksihan sa aking harapan. Nalilimutan ko ang video game na nilalaro ko o ang mga pambatang problemang hinaharap ko noon bilang estudyante. Nagiging pantakas sa akin sa realidad ang pelikula. Huli, at ang pinakaayaw ko sa aming pagpunta sa mall, ay ang pamimili. Pamimili man iyan sa supermarket o ‘di kaya pamimili ng iba-ibang produktong branded na hilig ng ina kong bilhin, lubos kong ikinababagot ito.

Ang pagpunta sa mall, para sa akin, ay ang aliw na nakukuha ko sa labas ng gated community na hindi ko makukuha sa loob ng gated community. Sapagkat ang mga mall ay hindi maihihiwalay sa penomenon ng pagkahumaling dito ng mga Pilipino mula sa iba-ibang antas ng lipunan, nagiging pagkakataon din ang mga pagbisita sa mga mall upang manormalisa ang mga kaisipang burgis na kalakip ng pananaw-lungsod na ikinikintal sa akin ng aking ina.

Kapag kasama ko ang lola ko, hindi kami sa mga mall na ito pumupunta kahit na malapit ito sa amin. Dahil pihikan, ang mall na nais lamang puntahan ng aking lola ay ang Shangri-La Plaza sa Mandaluyong. Bagaman kalapit lamang

(18)

nito ang SM Megamall at ang Robinsons Galleria, malinaw sa pagkakadisenyo pa lamang ng arkitektura na piling-pili lamang ang target market nito: ang mga mataas ang antas sa lipunan. Ayon nga sa website nito, “Shangri-La Plaza is, undisputedly, the country’s most established upscale shopping and lifestyle destination. It offers its customers a complete and carefully selected mix of superior goods and services in well-planned merchandise zones” (Shangri-La Plaza Official Website).

Makikita rin ito sa arkitektura ng Shangri-La. Sa bungad pa lamang ng mall, tila pinararamdam sa sinumang balak pumasok na ang mall na ito ay higit na eksklusibo kaysa sa SM o sa Robinsons. Ang pangunahing luwasan papasok ng mall ay isang umiikot na pinto na bihirang-bihirang makita sa kahit saanman sa Pilipinas. Ang ganitong uri ng pinto, na malinaw na halaw mula sa mga first world five star hotel, ay tila isang babala sa mga balak pumasok—para sa mga may-pera lamang ang mall na ito. Ang pagkakapili ng disenyo ng luwasan para sa Shangri-La ay may pailalim na layunin; katulad ng pader ng gated community na tinitiyak na ligtas ang eksklusibong komunidad, nagsisilbing malinaw na demarkasyon ang luwasan ng Shangri-La upang ang gagamit ng espasyo nito ay ang mga bahagi ng target market nito—ang mga may-pera. Higit na malinaw na naipahayag ang kaisipang ito sa sinabi ni Davis sa kaniyang “City of Quartz,”

In many instances the semiotics of so-called ‘defensible space’ are just about as subtle as a swaggering white cop. Today’s upscale, pseudo-public spaces – sumptuary malls, office centers, culture acropolises, and so on – are full of invisible signs warning off the underclass “Other” (194).

Higit na maraming tao ang nasa SM at Robinsons kumpara sa Shangri-La, at marahil sadya iyon upang matiyak na kontrolado ng Shangri-La ang mga uri ng mamimiling seserbisyuhan nito. Minsan, dahil nga bahagi na sa kulturang Pilipino ang pagkahumaling sa mga mall, walang ibang layunin ang karaniwang Pilipino kundi ang magpalamig, mag-ikot-ikot at tumambay. Dahil dito, higit na matao at masikip ang SM at ang Robinsons, ngunit marami rito ay kadalasang nakatayo lamang sa kung saan, paikot-ikot, o ‘di kaya ay nakaupo sa malalawak na hagdanan na bihirang-bihirang makikita sa Shangri-La.

Noong bagong tayo ang Trinoma, hilig ng pamilya namin na pumunta roon dahil sa moderno nitong disenyo. Ngunit nang lumaon, mabilis na naging sobrang masikip ang Trinoma dahil sa sobrang dami ng tao na pumupunta rito para lamang magpalamig at tumambay. Kaya’t hindi na kami pumupunta sa Trinoma.

Sa SM North EDSA naman, pumupunta kami rito ngunit madalas sa The Block lamang. Maihahalintulad ang mga tindahang narito sa mga tindahang makikita sa

(19)

Shangri-La. Dagdag pa, malinaw sa disenyo ng The Block na ang demograpiko ng Shangri-La ang target market nito mula pa lamang sa pagkakaparehas na may sentral na tagpuan na pinalilibutan ng mga tindahang branded at mamahaling restawran at mga escalator na kitang-kita mula sa sentro ang pag-akyat at pagbaba. Nagsisilbi rin ang tulay na kumokonekta sa sinehan ng pangunahing mall ng SM North EDSA at sa The Block bilang transisyonal na lugar kung saan mapapansin ng tumatawid na unti-unting nag-iiba ang hitsura at mas nagiging moderno ang arkitektura ng mall. Mula rito, malinaw sa pagkakadisenyo ng The Block ang sinasabi ni Davis na “semiotics of defensible space.”

Sa kabuoan, ang proseso ng pagpili namin sa pupuntahang mall, Shangri-La man, Trinoma o SM North EDSA, ay malinaw na pagkilos ng aming pag-unawa sa mga nakapaloob na demarkasyon ukol sa pag-aantas sa disenyo at arkitektura ng mga mall. Ang mapanghamak kong pakiramdam sa mga Pilipino na pumupunta sa mall upang magpalamig, upang kumuha ng maraming litrato sa mga halamanan at estatwa ng mga mall na ito, ay pagpaparamdam ng aking burgis na posisyon, at epistemikong manipestasyon ng pader na pumapagitan sa akin at sa mga Pilipino na tinitingnan ko nang mababa.

Apat ang mall na malapit sa amin: ang SM North EDSA, ang Trinoma, ang Vertis North, at ang Eton Centris. Interesante ang kasaysayan at heograpiya ng Trinoma kaugnay ng aming bahay sa Philam. Ang bahay namin ay nakatayo sa laylayan ng Philam, partikular na sa hangganan nito ng EDSA. Sa katunayan, tanaw na tanaw mula sa bahay namin, lalo na kung tatayo ka sa kalsada sa labas ng bahay namin, ang gusali ng Trinoma at ang dulong bahagi ng estasyon ng MRT 3 North EDSA. Tanging isang pader lamang ang pumapagitan sa kalsada sa tapat ng bahay namin at sa dulong bahagi ng EDSA.

Bago pa itayo ang Trinoma, ang Vertis North, at ang Eton Centris, naroon ang isang malawak na bakanteng lote na tinayuan ng tirahan ng mga squatter.

Sa katunayan, ang squatter settlement na ito, na tinatawag na San Roque, ay ang pinakaunang pagkakilala ko sa salitang “squatter.” Ang mga taga-San Roque, na madalas daanan ng aming sasakyan kapag lumalabas kami ng Philam, ay ang pinakatinutukoy ng ina ko na pinagmumulan ng posibilidad ng panganib.

Nagkaroon kasi ng pagkakataon noon na may sumubok na humakbang patawid ng pader ng Philam. Bagaman wala namang opisyal na kumpirmasyon na nagmula talaga sa San Roque ang mga tumatawid na iyon, tumatak sa aking isip na laging may masamang balak ang mga squatter dahil sa pagbabanggit ng aking ina na galing sa San Roque ang mga sumusubok manloob ng Philam. Ang mga pagtatangka ng panloloob, bilang banta sa seguridad ng paraisong pangako ng Philam, ang dahilan kung bakit higit na pinataas ang pader at kung bakit may

(20)

nakaestasyon nang guwardiya sa pader malapit sa amin. Hindi na lang ito pader kundi isang gate na nagsisilbing luwasan paloob at palabas ng Philam.

May interesanteng kasaysayan ang Sitio San Roque. Ayon sa pag-aaral ni Pante, ang Sitio San Roque ay matagal nang tirahan ng mga squatter, panahon pa lamang ng rekonstruksiyon ng bansa. Sa Sitio San Roque kasi inilalagay ang lahat ng mga rebeldeng Huk na sumuko sa gobyerno (196). Ang mga naninirahan sa San Roque, kung gayon, ay ang mga kamag-anak ng mga Huk na ito. Alalahaning nabuo ang mga subdibisyong katulad ng Philam upang magbigay ng ligtas na pabahay sa Quezon City sa konteksto ng pangamba ng pananalakay ng Huk.

Samakatuwid, isang malaking ironiya ang pagpapataas ng pader dahil pagpapakita ito ng patuloy na pagbibigay-seguridad ng Philam sa mga residente nito mula sa

“pananalakay ng mga Huk,” sa panahong wala na ngang mga Huk.

Ngayon, tuluyan nang giniba ang San Roque at mula sa espasyong ito itinayo ang iba-ibang mall na higit na magpapalaki sa halaga ng North EDSA sa heograpiya ng Quezon City. Ngunit sa kabila nito, ang nagiging moda ng aming paglalakbay patungo sa SM North EDSA o sa Trinoma ay sa pamamagitan ng paggamit ng sasakyan. Kahit na literal na nasa labas lang ng bahay namin ang gate palabas ng Philam, at ilang hakbang lamang mula sa estasyon ng MRT North EDSA na nagsisilbing tulay papasok ng Trinoma, hindi namin ito nilalakad.

Ginagamit namin ang aming sasakyan.

Nagmumula ang aking ina sa kaniyang pandududa sa mga taong nasa labas ng Philam. Sa kabila ng pagkawasak ng San Roque, nananatili pa rin ang kaniyang pangamba sa posibilidad ng krimen kapag naglakad sa pampublikong espasyo, sa tabi ng EDSA at sa MRT Station. Lalo na at ang MRT North EDSA ay ang terminus station, hindi maikakailang napakaraming tao ang naglalakad sa labas lamang ng aming pader at inaakyat ang estasyon ng tren. Ang paghahalo-halo ng mga tao mula sa iba-ibang antas ng lipunan sa pampublikong lugar na kilala rin talaga bilang sityo ng malawakang krimeng pangkalsada—ito ang patuloy na nagtutulak sa aking ina upang maging mapagmatyag sa paglalakad sa kalsada.

Lalo na at laging maraming tao na mahirap matukoy ang bawat isa, ang lohika ng aking ina ay mas mahirap ding matukoy ang maaaring mangholdap, mandukot o anumang modus operandi na nauuso. Ang katuwiran ng aking ina sa patuloy na paggigiit na kailangang magsasakyan ay mabuti nang maging ligtas at sigurado, kaysa magtaya sa di-inaasahan at hintayin na lang malasin balang-araw. Ang lohikang ito ang lohika na kumintal sa akin lalo na kapag kaharap ang kahit sinong estanghero sa pampublikong lugar. Samakatuwid, napaiigting pang lubos ang aking blasé attitude sa mga tao sa aking paligid.

(21)

Bilang protektibong ina, matindi ang pagnanais niyang tiyakin na ligtas ako. Kaya’t kahit abala ang aking ina sa napakaraming gawaing-bahay (dahil wala kaming kasambahay), pinipili pa rin niyang magmaneho para ihatid at sunduin kami ng aking mga kapatid sa aming paaralan. Kung paglilimihang lubos, napakalaki ng itinayang enerhiya at panahon ng aking ina upang isabuhay ang kaniyang paniniwala ukol sa pagtitiyak ng aming kaligtasan. Una sa lahat, ang pinakapanganay kong kuya ay sa Ateneo nag-aaral mula mababang paaralan hanggang mataas na paaralan samantalang ako at ang pangalawa kong kapatid ay nag-aral muna sa Claret School sa Teacher’s Village bago kami pumasok ng Ateneo High School.

Sa isang banda, maaaring tingnang madali ang paglalakbay na tinatahak ng aking ina bilang nagmamaneho dahil nasa iisang ruta lamang ang dalawang paaralang ito. Noong nasa Claret pa lang ako, ang madalas na tinatahak na landas ng aking ina ay mula EDSA, kumakaliwa siya sa Quezon Avenue papuntang Circle, at mula roon, dadaan siya sa Kalayaan hanggang sa makarating sa Claret School. Pagkahatid o pagkasundo sa akin, lalabas siya ng Maginhawa papuntang CP Garcia, hanggang sa makarating sa Katipunan.

Isang direksiyon lamang at walang pabalik-balik ang rutang tinatahak ng aking ina kaya mukhang madali lang. Ngunit dahil magkaiba ang paaralan naming magkakapatid, magkaiba rin ang oras ng uwian namin. Dagdag pa, bahagi ng Glee Club ang aking kuya sa High School at sumali pa ng Tanghalang Ateneo sa kolehiyo kaya’t madalas na gabi na ang labas ng aking kuya. Dalawa lamang ang pinagpipilian ng aking ina: sinusundo niya ako nang mas huli upang makasabay sa uwian ng aking kuya, o sinusundo muna ako ng aking ina pauwi tapos babalikan na lamang ang aking kuya kapag nagpapasundo na ito. Madalas ding sinusundo ako nang maaga ng aking ina at kumakain kami ng hapunan habang naghihintay sa aking kuya. Dito nagmula ang pinakauna kong alaala sa kalsada ng Maginhawa na ibang-iba ngayon: residensiyal at halos walang tindahan, liban sa iilang kainan.

Paborito naming kainan noon ng aking ina ay ang isang kainan na nagbebenta ng barbeque at burrito, na mawawala nang naitaguyod na ng Maginhawa ang sarili bilang isang komersyalisadong kalsada.

Sapagkat proteksiyon mula sa mapanganib na lungsod ang nagpapakilos sa aking ina, handa siyang baguhin ang ritmo ng kaniyang buhay sa bahay upang matiyak ang aming kaligtasan. Samakatuwid, ang naipararanas sa akin ng aking ina, ay ang kotseng de-aircon, na lagi’t laging tinitiyak ng aking ina na laging

(22)

nakakandado at laging nakasara ang bintana lalo na kapag nasa pangunahing kalsada, ay isang pisikal na ekstensiyon ng pader ng Philam na nagbibigay ng dagdag na pribilehiyo ng seguridad. Ngunit sa ekstensiyong ito ng pader, hindi na ang mga guwardiya ng Philam ang nagbabantay kundi ang aking ina na mismo.

Dahil dito, umaabot hanggang sa mobilisasyon ko mula bahay patungong paaralan ang aking kawalan ng pakialam sa mundong nasa labas ng aking kotse.

Kapag nakasakay kami sa kotse, sobrang bihira akong tumingin sa labas upang pagmunihan ang mundong iba sa mundong nilikha para sa akin. Madalas kapag nasa kotse, naiidlip lamang ako, nakikinig ng musika o ‘di kaya ay naglalaro ng aking video game. Pisikal, nasa labas ako, ngunit ang isip at diwa ko ay nananatiling nakakulong sa loob ng mga pader ng kaligtasan. Hindi ko kailanman pinag-isipan ang dahilan kung bakit sobrang aga kong kailangang gumising para maihatid ako sa paaralan. Hindi ko pinapansin ang mga kumakatok sa bintana ng kotse namin upang mamalimos, bagaman binibigyan ang mga ito ng aking ina ng mga barya. Dahil sa pribilehiyo ng kaligtasang handog sa akin hindi lamang ng mga pader ng Philam kundi ng aking ina mismo, naging manhid ako sa mas masalimuot na realidad ng lipunang ginagalawan ko.

Sapagkat maginhawa naman ang buhay ko, bakit pa ako mag-aabala sa karanasan ng mga nasa labas ng pader? Lumilitaw sa pagiging manhid ko sa realidad sa labas ng pader/kotse ang naikintal na kaisipan ng aking lola, na tanggapin na lamang ang realidad na may hirarkiya ang mga tao. Bagaman dapat tratuhin nang mabuti ang mas mababa sa akin, kailangan kong maging mapagpasalamat na ipinanganak ako sa pamilyang may pribilehiyo. Nakapaloob sa kaisipang ito ang masalimuot na implikasyon: ang pagbasag sa hirarkiyang ito ay pagbitaw sa pribilehiyong matagal ko nang tinatamasa.

Lahat ng nasa balangkas ng aking pagkatao—mula sa konteksto ng aking magulang, sa mga karanasan ko sa loob ng gated community, hanggang sa iba- ibang mobilisasyon ko sa loob ng lungsod—lahat ng ito ay may malaking ambag sa aking blasé attitude. Sa madaling sabi, ang mga pader, pisikal man o epistemiko, na naghihiwalay sa akin mula sa ibang tao ang bumubuo sa aking blasé attitude.

Kaya’t ang mga karanasan ko sa paglabas sa mga pader na ito ang mga hakbang ko tungo sa pag-usad mula sa pananaw-lungsod na ito.

(23)

Kuwentong Komyut at mga Yapak sa Labas ng Pader

Bunga marahil ng aking Blasé Atittude ang aking limitadong persepsiyon ukol sa pagkomyut. Ang tanging interaksiyon ko lamang sa mga taxi, jeep at bus ay tuwing nilalabag ng mga ito ang mga etika ng pagmamaneho na nagdudulot ng matinding inis mula sa aking ina. Dahil dito, may negatibong pagtingin na ako sa lahat ng mga tsuper ng taxi, jeep at bus bilang mga taong walang respeto sa kapwa, at walang pagpapahalaga sa kaligtasan hindi lamang ng ibang nasa kalsada kundi ng mga sakay nitong pasahero. Mal-edukado at barbaro, kung gayon ang pagtingin ko sa kanila.

Mula naman sa iba-ibang kuwento ng kung sino-sinong tao, hanggang sa mga madalas na ipinapakitang imahen sa telebisyon ng pagkomyut, nakikita ko ang mismong akto ng pagkomyut bilang kumpirmasyon ng nahubog sa aking pagtingin sa labas bilang mapanganib. Sapagkat napakaraming taong nagsisiksikan at nagkukumahog makasakay, hindi maiiwasan ang posibilidad na madukutan at maholdap. Mas lalong nakukumpirma ang aking takot sa pagkomyut sa iba- ibang balitang lumalabas sa telebisyon ukol sa mga di-kanais-nais na karanasan sa pagkomyut.

Sa kabuoan, ang negatibong persepsiyon ko ukol sa pagkomyut at sa mismong mga tsuper na nagmamaneho ng mga sasakyang ito ay isa pang pader na naghihiwalay sa akin mula sa mundo sa labas sa aking karanasang burgis. Higit na napatibay pa ito ng matagal nang paulit-ulit na pagbabanta sa akin ng aking ina ukol sa panganib ng labas.

Kaya’t hindi talaga ako nagkokomyut kahit na nagbinata na ako at nag-aaral na sa mataas na paaralan. Kahit hanggang kolehiyo hindi ako nagkokomyut. Sa kabila ng iba-ibang mga aralin ukol sa masalimuot na realidad ng mundo, maging sa pagsali ko sa sosyo-politikong pangkat panteatro, ang Ateneo ENTABLADO, nanatili pa rin ang burgis kong takot sa pagkomyut.

Ang tanging mga pagkakataon na sumubok akong magkomyut ay ang pagsubok kong magtrike sa mga huling taon ko sa mataas na paaralan hanggang kolehiyo, kapag kailangan kong lumabas ng Ateneo. Ngunit ang pagpili kong magtrike sa mga pagkakataong ito ay hindi pagpapakita ng daan tungo sa progreso kundi iba lamang paraan ng pagpapahayag ng aking burgis na pananaw-lungsod.

Sumasakay ako ng trike (i.e. tricycle) at nagpapababa ako sa McDo Katipunan dahil ayokong lumabas sa kaligtasan ng gate ng Ateneo at tumawid sa tulay na madalas may batang nakaupo sa sahig upang mamalimos. Minsan pa nga ay nagagalit ako sa trike kapag ayaw akong isakay. Iniisip kong napakaarte ng mga trike na ayaw lumabas ng Katipunan upang makipagsapalaran sa trapiko. Iniisip

(24)

kong trabaho nila ito, at napakasalimuot na dati’y inisip ko pang kaya patuloy na naghihirap ang mga tsuper ng trike, pati na rin ng mga taxi, dahil sa mapili sila sa isinasakay nilang pasahero.

Umaalingasaw ng pribilehiyo at pagkaburgis ang aking mga persepsiyon ukol sa pagkomyut na pati ako mismo, ngayong binabalikan ko ang dati kong paraan ng pag-iisip, ay nandidiri sa aking sarili noon.

Sa katunayan, walang espesipikong pangyayari kung paano lumawak ang aking pag-iisip. Naging malawak lamang ang aking pag-iisip at naintindihan sa antas-kognitibo ang mga dinaranas na paghihirap ng mga tsuper noong nakapag-aral ako ng iba-ibang kursong mapagpalaya sa kolehiyo. Mula sa mga guro ko sa kolehiyo sa Ateneo, at maging sa pakikilahok ko sa sosyo-pulitikong pangkat panteatro, naunawaan ko na ang kilos ng bawat tao ay repleksiyon ng lipunan, ng mga patakaran at sistemang inilalatag ng makapangyarihan ng lipunan. Naunawaan ko sa antas-kognitibo sa mga klase ko sa teolohiya, pilosopiya at Filipino na dahil sa mga patakaran kaugnay ng pagpapasahod ng mga tsuper—partikular na ang sistemang boundary—nagiging limitado ang kitang nakukuha nila mula sa pamamasada. Dahil nakaangkla ang kanilang kita sa dami ng maisasakay, naitutulak ang mga tsuper na maghanap ng ibang paraan upang matiyak na makamit nila ang kanilang layuning kumita. Sa harap ng taas ng presyo ng bilihin at sa realidad na may inuuwian silang pamilya na kailangang pakainin at mga bayarang kailangang tustusan, hindi ko maaaring lubusang sisihin ang mga kilos ng mga tsuper sa kalsada. Walang pribilehiyo ang mga tsuper katulad ko para makapagpamalas ng etika ng pagmamaneho sa kalsada, lalo na at kung kumakalam naman ang sikmura ng kaniyang pamilya sa bahay.

Higit na mauunawaan ang kilos ng mga tsuper sa lente ng pag-unawa ni Michel de Certeau sa mobilidad sa loob ng lungsod. Kung ilalapat natin ang paglalakad ng karaniwang tao sa pagmamaneho ng mga tsuper, hindi naiiba ang sari-sariling pagkilos ng mga tsuper kahit na tumataliwas ito sa itinakdang etika ng pagmamaneho sa iba-ibang taktika ng karaniwang tao upang gamitin ang kalsada at ihayag ang sarili nitong paraan ng pagkilos (114). Sa kaso ng mga tsuper, maaaring tingnan ang mga taktikang ito bilang paggigiit nila ng kanilang indibidwalidad, higit pa sa mga itinakdang kalsada ng lumikha ng kabuoang plano ng lungsod, upang makamit ang kanilang layunin bilang tugon sa magulong pagpapatakbo ng batas-trapiko.

Sa isang banda, maaaring ituring na isang pagtibag ng pader itong paglawak ng aking pag-unawa ukol sa mga tsuper. Ngunit matagal pa ring nanatili ang takot ko sa pagkomyut na, bagaman nakapagkokomyut na ako papunta sa

(25)

Marikina mula Katipunan sakay ng jeep noong kolehiyo, mahabang panahon muna ng pagkokomyut kasama ng isang kaibigan ang kinailangan kong danasin upang magkaroon ako ng lakas na buwagin ang aking mga takot at pangamba ukol sa mga pampublikong kalsada at maging sa mga lugar na hindi ko madalas puntahan, katulad halimbawa ng isang wet market.

Nakayanan ko nang magkomyut dahil una sa lahat, sa ikaapat at ikalimang taon ko sa kolehiyo, napagdesisyunan kong manirahan sa Katipunan. Dahil naging pangulo ako ng Ateneo ENTABLADO, nakita kong maraming pagkakataon na kakailanganin ng emergency meeting sa kahit anong oras. Kaya’t imbes na magpahatid-sundo ako sa kahit anong panahon, ang naisip kong solusyon ay ang magdormitoryo muna ako sa Katipunan. Nanirahan ako sa apartment sa likod ng Pizza Hut noon. Ang pamumuhay ko sa Katipunan bilang dormer, malayo mula sa kaligtasan at seguridad ng Philam ang siyang nagbukas sa akin sa mga karanasang naipagkait sa akin sa buong buhay kong paninirahan sa likod ng mga pader.

Bagaman takot at nangangamba sa loob, dahil wala rin naman akong iba pang pagpipilian, nilalakad ko mula Pizza Hut papuntang Regis Center, tapos tatawid ako sa kinatatakutan kong tulay papasok ng Ateneo. Noong una ay nakakatakot talaga at laging tumatakbo sa isip ko ang mga babala ng aking ina ukol sa posibilidad ng krimen. Ngunit dahil na rin sa takot na ito, higit na naging mapagmatyag ako sa aking paglalakad. Lagi akong may hawak na payong o sinusukbit ko ang susi sa pagitan ng mga kamao ko upang maging handa lumaban sakaling mangyari na ang pinakakinatatakutan ng aking ina na mangyari: ang madukutan o maholdap.

Sa kabilang banda, bagaman nakakayanan ko nang maglakad sa pampublikong kalsada, tila matagal pa ring nananatili ang burgis na sentimyento sa aking kalooban. Tuwing nakakakita ako ng kahit sinong hindi maayos ang suot, ang suot at pagdadala ng sarili na madalas na ikinakawing sa imahen ng pulubi, ay nakadarama ako ng takot at awtomatikong isinasara ko ang sarili ko sa kaniya. Iniiba ko ang ruta ko kung maaari upang maiwasang makaharap at makaengkuwentro ang mga ito. Katulad ng pagkokomyut, naging mahabang panahon ang pagsasanay sa paglalakad sa kalsada ng Katipunan bago maibsan ang takot, ang blasé attitude, at tingnan ang mga taong ito higit pa sa nakakukulong na negatibong persepsiyon kundi bilang isang tao rin na katulad ko.

(26)

Hantungan: Ang Blasé Attitude Bilang Kamalayang Politikal

Sa kasalukuyan, bilang guro, iniwan ko na ang buhay-dormitoryo at bumalik na muli ako sa Philam. Ngunit dahil naranasan ko na sa wakas ang mga bagay na hindi ko naranasan dahil sa proteksiyon na ibinigay sa akin ng mga pader at ng aking ina, higit na naging mayaman ang aking pag-unawa ukol sa mundo sa labas ng mga pader na tinitirhan ko.

Tulad ng sinabi ko sa simula, malayong-malayo ako kay Edgar Jopson.

Hindi ako aktibista. Hindi ko rin sinasabi na nalampasan ko nang lubusan ang lahat ng mga pader na nalikha sa palibot ko. Ngunit dahil sa mga karanasan ko ng paninirahan sa Katipunan, malayo sa kinalakhang seguridad at kaligtasan ng gated community, kasabay ng mga mapagpalayang kaisipang natutuhan ko sa kolehiyo na kumokontra o taliwas sa mga nabuo kong nosyon ukol sa kaayusan ng ating lipunan, kaya kong sabihin ngayon nang may paninindigan na may pakialam ako sa lipunan sa labas ng mga pader. Ang blasé attitude na buong buhay na nahinog sa aking pag-iisip dala ng maraming mga salik ay nakayanan ko nang lampasan sa usapin ng pag-unawa.

Ngunit hindi simple ang buhay at mahaba pa ang paglalakbay na kailangan kong tahakin tungo sa pag-unawa ko sa lungsod na ginagalawan ko at ang aking posisyon dito. Sa isang banda, pinandidirihan ko ang burgis na paraan ng pag-iisip ko noon lalo na ukol sa kung paano dapat tanggapin ang mga pag- aantas ng lipunan. Ngunit dahil ang pagiging burgis ay bahagi ng aking balangkas bilang tao, hindi ko maaalis nang gayon-gayon lamang ang mga nakagawian ko nang pagkilos at pamumuhay na burgis. Isang malaking kasinungalingan kung sasabihin ko ring handa ko nang bitiwan ang lahat ng mga mayroon ako dala ng aking burgis na katayuan dahil sa mga naranasan at natutuhan ko sa Katipunan.

Kailangang tanggapin ang realidad na burgis ako, ngunit ang tanong ay kung paano ako kikilos ngayo’t alam kong sa kabila ng ginhawang natatamasa ko dala ng pribilehiyo ng aking antas sa lipunan ay patuloy na nagdarahop ang karamihan sa aking mga kababayan para lamang mabuhay. Sa palagay ko, isang malaking hakbang na ang patuloy na paglampas sa tuwing lumilitaw ang blasé attitude sa aking pag-iisip, pananalita at pagkilos. Kaakibat nito ang pagmamatyag at pagtatama sa mga paraan ko ng pagtingin at pag-iisip na produkto ng aking

(27)

pagpapalaking burgis na pansariling interes lamang ang isinasaalang-alang, at ang pagtitiyak na lahat ng mga ikinikilos, sinasabi at iniisip ko ay hindi nakabababa sa dignidad ng aking kapwa, anumang konteksto ang pinagmumulan niya.

Pinakahuli at pinakamalaking hamon ang paggamit ng aking pribilehiyo at posisyon bilang burgis sa siyudad upang makapag-ambag sa pakikibaka sa mga sistematikong karahasang nararanasan ng ibang mga tao. Sa pamamagitan ng pagiging guro ng mga estudyanteng Atenista, malay ako na ang mga estudyanteng ito ay may burgis na pinagmumulan katulad ko, at hindi malayong namumutawi rin sa kanila ang blasé attitude, lalo na at karamihan sa mga magulang ngayon ng mga Atenista ay protektibo rin katulad ng aking ina. Kaya gamit ang aking posisyon bilang guro, sinasadya kong nilalaman ng listahan ng mga babasahin ng mga estudyante ay mga kuwento at sanaysay na makapagyayanig sa mga pader ng blasé attitude na pumapalibot sa kanila. Katulad din ng aking paglalakbay tungo sa politikal na pagmamalay, nagsimula ang lahat sa mga mapagpalayang idea at pagpapakilala sa mga estruktural na paraan ng pagtingin at pagsusuri na nakuha ko sa aking mga guro sa kolehiyo. Bagaman bata pa ang aking mga tinuturuan sa Baitang 8, hangarin kong sa batang edad pa lamang ay magkaroon na ng mga pagdududa at pagtatanong ang mga bata ukol sa kanilang posisyon sa lipunang masalimuot. Sa ganitong paraan ko aktibong natitibag ang mga pader na nalikha sa aking isip.

Ang arena ng pakikibaka ko laban sa blasé attitude, sa apolitikal na pagtingin sa siyudad at sa lipunan, at sa patuloy na pagkompronta at pagsisiyasat sa aking posisyon bilang burgis ay nasa silid-aralan.

Mga Sanggunian

Davis, Mike. “City of Quartz: Excavating the Future in Los Angeles.” In The Black Well City Reader, 2nd Edition, edited by Gary Bridge and Sophie Watson, 193-200. United Kingdom: Wiley-Blackwell, 2010.

De Certeau, Michel. “The Practice of Everyday Life.” In The Black Well City Reader, 2nd Edition, edited by Gary Bridge and Sophie Watson, 111-118.

UnitedKingdom: Wiley-Blackwell, 2010.

Mojares, Resil B. Theater in Society, Society in Theater. Quezon City: Ateneo de Manila University, 1985.

(28)

Pante, Michael D. A Capital City at the Margins. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2019.

Shangri-La Mall. “Corporate Information.” Accessed December 1, 2019.

http: //www.shangrila-plaza.com/about-us.

Simmel, Georg. “The Metropolis and the Mental Life.” In The Black Well City Reader, 2nd Edition, edited by Gary Bridge and Sophie Watson, 103-110.

United Kingdom: Wiley-Blackwell, 2010.

Mga Sanggunian

NAUUGNAY NA DOKUMENTO

Examples of narratives are, “If I solve more problems that is according to the level of my abilities”; “practice more with increasing difficulty”; “Sumali sa competitions Join